Monday, February 21, 2011

UNANG SAGALA NI PETER

UNANG SAGALA NI PETER
(First parade of Peter)
Isang memoir ni J. P. Lorapa
            Matagal pa naman ang Sagalang dadaluhan namin sa Chinese temple sa Marikina River Park pero kinakabahan ako. Hindi kasi ako manonood sa mga contestants. Ako ang panonoorin ng mga kamag – anak at kakilala ko sa unang pagkakataong sumali ng Sagala. Gay cousin ko ang mismong gumawa ng lahat ng paraan upang makasali ako sa Sagala. Siya ang nagregister at naglista sa akin para maging participant. Siya rin ang make – up artist ko at gumawa ng gown na susuotin ko.
Nagdadalawang isip pa akong sumali sa Sagala.
Oo, tanggap nga ako ng pamilya ko pagdating sa pagiging gay ko pero hindi nila ako gustong mag – cross dress dahil magmumukhang bastusin daw ako. Kung tutuusin maski naman ang discreet na gay ay binabastos din. Depende rin kasi yun siguro sa kilos o salita ng isang bakla. Saka meron din kasing mga taong hindi tanggap an gaming sexual preference dahil na rin sa impluwensiya sa mga katuruan ng relihiyon o sekta, pagpapalaki ng magulang, dikta ng lipunan, pagsasalarawan ng media at sariling opinion. 
            Naalala ko pa nga ang isang pari na ipinagbawal ang mga baklang magsasagala. Hindi daw nila nirerespeto ang kahulugan ng Santacruzan o Flores de Mayo. Dapat kababaihan lamang ang nasasagala.
            Nagsimula ang ideya ng pagsali ko sa sagala noong magbakasyon akong nataong Mahal na Araw kanila kuya nono. Ilang beses niya akong tinatanong kung kailan ba ako magpapamake – up sa kanya. Ang sagot ko lang lagi ay bukas. Narinig nga ito isang beses ni tito Ading nang dumaan sa bahay nila kuya Nono. Ang sabi lamang niya ay lubayan ako sa mga ganoong bagay.
Basta ako, gusto kong makita ang sarili ko na imake – up ni kuya Nono. Ano kaya hitsura ko? Sa isip ko na lamang, dapat  hindi ako makita ni tito Ading na imake – up ni kuya Nono tiyak isusumbong ako kanila nanay. Kaya pag – alis niya agad sabi ko kay kuya Nono: “Basta hindi ako dapat makita ni tito Ading,”
Sinubukan na ako ilang beses ng mga kamag – anak naming imake – up ako pero hindi ito nagustuhan nila nanay. Pag may okasyon lang sila pumapayag na ayusan ako. Maski mga kaibigan ko ay gustong gusto akong imake – up. Ano bang meron sa mukha ko? Mukha ba itong drawing board?
Takipsilim ng Sabado de Gloria. Isinarado namin nila kuya Nono ang pintuan ng bahay. Saka namin sinimulan ang matagal naming plano. Pinaupo niya ako sa upuan. Inilabas niya ang kanyang make – up kit at inilatag sa mesa. Kumpleto siya sa gamit. Meron siyang concealer, foundation, sponge, eye liner, curlash, mascara, applicator, eye shadow at iba pang hindi ko alam ang tawag. Kumuha siya ng kaunting concealer sa kanyang kamay. Inilagay niya muna ito sa pulso ko. Tinitingnan niya kung allergic ba ako dito. Naghintay siya ng ilang segundo. Wala namang lumabas na mga pantal sa bahagi ng aking pulso. Agad niya itong pinahid ito sa aking mukha.
“Kuya No, ano ba ang silbi ng concealer?”
“Ito? Ito lang naman ang nagko - cover ng mga blemishes, pimples, etc. sa mukha mo,”
Katulad ng ginawa niya sa concealer naglagay ng kaunting foundation si kuya No sa pulso ko para makita kung allergic ako. Hindi rin naman. Matapos noon ay binasa niya ang sponge sa nakahandang tubig sa tabo at saka naglagay ng foundation sa sponge. Ipinahid niya rin ito sa aking mukha.
Bago siya maglagay ng eye shadow sa talukap ng aking mga mata, tulad ng ginawa niya ay tinesting niya muna kung allergic ako doon. Walang anumang senyales na allergic ako sa gamit niyang make – up. Nag – iisip ang kuya No kung ano ang bagay na shade sa talukap ng aking mata. Hanggang sa nakahanap siya ng bagay sa akin.
“Hindi ka mahirap meyk - apan,”
“Ah… ganoon ba?”
“Makinis ka rin pala?”
“Hindi nga, walang halong biro,”
“Masarap ka pating meyk – apan. Ang ganda rin ng talukap ng mata mo na lagyan ng eye shadow,”
            Siyempre natuwa rin naman ako sa sinabi niya. Sunod niyang ginawa ang lagyan ng eyeliner ang eyelids ko. Dito siya nahirapan sa akin. Nagluluha – luha kasi ang mga mata ko at hindi ko maiwasang mapapikit. Napatigil tuloy ang pinsan ko.
            “Ano ba? Bakit nagluluha – luha yang mata mo? Saka kumukurap – kurap ka pa?”
            “Hindi ko rin alam eh,”
            “Hindi ka sanay na may eyeliner no?”
            “Oo nga, kasi yung classmate ko one time mineyk – apan ako nagluha – luha ang mata ko,”
            “Hay che! Tumingin ka na nga lang sa itaas at wag kang kumurap dahil tutusukin ko mata mo”
            Naghanap siya ng tissue para maipahid sa mga mata kong nagluluha. Isinunod naman niya ang curlash para kahit papaano ay makita naman ang pilikmata ko kaso wala talagang pag – asa. Manipis lang kasi ang aking pilikmata.
Nilagyan niya rin ako ng blush – on na bagay sa akin. Hay presto! Sa wakas natapos din ang pag make – up sa akin.
            “Teh, ang ganda mo!” sabi ni kuya Nono.
            Biglang may kumatok sa pinto at binuksan din naman ni kuya Nono. Si ate Menchie, best cousin ko, at si ate Rona lang pala.
            “Peter, anong nangyari sa’yo! Pero teh ang ganda mo! Maganda ka pa kay Jea!” sabi ni ate Menchie.
            “Weh, hindi nga!” sagot ko naman.
            “Kaya!” sabad ni ate Rona.
            Inilabas ni Kuya Nono ang nakatago niyang wig sa isang paper bag at ipinasuot niya sa akin. Kulot ang wig na medyo wavy. Ayos lang kulot din naman buhok ko.
            “Ter, para ka ng babae!” tuwang – tuwang sabi ni ate Menchie.
            “Kaso yang adam’s apple mo! Hay teka lang nandito pala yung mga ginawa kong damit. Ano kayang hitsura mo pag suot yun?” sabi naman ni kuya Nono.
            Nakita niya rin sa wakas ang mala – little black dress na ginawa niya at ang isang ginamit niya sa Sagala.
            “Sukatin mo na…”
            “Excited na kami!”
            Sinukat ko muna ang mala – little black dress. Wala talagang hiya – hiya na naghubad ako ng damit ko. Walang hiya – hiya kung meron man akong maitim na lihim. Nang maisuot ko na ang damit ay hindi na ito pinatanggal sa akin. Bigla naman dumating si kuya Monmon. Tahimik lamang siyang nakangising nakatingin sa akin.
            “Sandali, Peter nasaan na ba yung cellphone ko? Ayun. Picture mo na.”
            Makapal din naman ang mukha ko at pumose pa talaga ako. Inilabas ni kuya Nono ang green gown na yari sa kulambo.
            “Ter, ito naman ang suotin mo,”
            Tinanggal ko muna ang una kong suot saka pinalitan ng inilabas nyang gown. Kapapalit ko pa lang ay gusto na akong kunan ng picture.
“Sandali lang ang pangit ng background pang – mahirap!”
            Inayos muna ni kuya Nono saglit ang maliit nilang sala. Naglagay siya ng puting tela para matakpan ang hindi pa niya naayos na gamit. Tila ata pictorial ito? Artista ba ako? Naglagay rin siya ng puting monoblock chair. Hindi ko na napigilan ang sarili ko. Aba, pagkakataon na ito. Pose!  Wala ata ako sa sarili ko. Patuloy pa rin ako sa pag – pose sa bawat tunog ng click ng cellphone.
            “Ibahin mo naman pose mo!”
            “Pang – friendster yan!”
            “Ay! Meron pa pala ako gown dito yung banig - tambo! Try mo na din!”
            Tinanggal ko na naman ang green gown. Sinunod ko naman ang banig - tambo gown with balloon supporter. Ang bigat pala ng gown lalo’t banig ang ginamit na material pero ayos lang. Tuwang – tuwa ako kasi parang ngayon lang ako nag – out sa aking shell. Wallflower din kasi ako at late bloomer pa! Tinuturo lang ni kuya Nono kung saang part niya ako kukunan. Sa kusina. Ako naman pose lang ng pose!
            Pagkatapos noon ay nagpalit na rin ako agad ng damit. Hindi ko pa pala natatanggal ang wig ko. Kaloka! Ang pinsan ko maupo lang ako aba kinukunan na naman ako ng picture. Uminom lang ako ng tubig kinuhanan na naman ako.
            Ito ang pagkakataong nabuksan ang usapan tungkol sa Sagala.
            “Kuya, gusto mo bang sumali sa Sagala?”
            “Kaso wala akong damit? Nagdadalawang isip pa ako. Text na lang ako pag okay na sa akin.”
            Kinabukasan, ipinakita nila kuya Nono ang pictures ko na naka – make up at suot ang mga gown kanila antie Heidi at antie Baby. Tuwang – tuwa sila. Ipinaalam ko kanila antie Baby at antie Heidi ang tungkol sa Sagala. Wala namang masama kung susubukan ko sabi nila. Parehas din kami ng nasa isip sina nanay at tatay. Si antie Heidi na daw bahala pag – uwi namin sa Malabon.
            Pag – uwi namin ni antie Heidi sa Malabon, hindi ko agad masabi sa mga magulang ko ang ideya ng nais kong pagsali sa sagala. Siya pa ang pabirong nagsabi kanila nanay. Si nanay tutol talaga. Si tatay naman ayaw pag – usapan.
            Nang dumalaw ang half – sister ko sa Malabon ipinakita ni tito Ading ang mga kuha ko sa trip namin.
            “Mas mukha pang babae kay bunso,” sabi ni ate Fe.
            “Ambisyosa ka kuya!” sabi naman ni Jea.
“Ano papayagan nyo na ba si Peter mag – sagala?” tanong ni antie Heidi.
Biglang nanahimik ang lahat. Si nanay ay hindi kumibo.
Sinamahan ko si nanay bilhan ng damit si Jea. Pinuntahan namin ang isang mall sa monumento. Kaagaw – agaw pansin ang isang damit na suot pa ng isang mannequin sa isang stall. Nilapitan namin ang stall at tinanong sa tindera kung anong klaseng damit ito. Hand - printed dress daw ito. Naisip kong maganda ito sa bunso kong kapatid ang dress. Kinulit ko si nanay na bilhin ito. At kung hindi naman gagamitin ni bunso pwede rin namang akin na lang!
Pagdating sa bahay, agad pinasukat ni nanay ang damit kay bunso. Nang sinukat ng kapatid ko hindi pala bagay sa kanya. Pinasukat tuloy sa akin. Aba! Sakto lang sa akin.
Desperado talaga akong sumama sa sagala. Bahala na kahit ayaw nila nanay. Palihim akong naghalungkat sa cabinet nila nanay ng mga damit na pinaglumaan ni Jea. May nahanap rin ako sa wakas! Ang red gown na ginamit ni Jea sa debut ng pinsan namin. Meron palang kasama itong pinatahing gown na ginamit ni nanay sa kasal ni ate. Dinala ko muna sa kwarto ang plastic na pinaglagyan ng mga gowns. Nandoon pala ang kapatid ko at isang pinsan ko. Nagsabi akong magsusukat. Excited si pinsan. Si bunso, alangan baka di kasya sa akin. Maliit lamang ang espasyo ng kwarto kaya malapit sa pinto ako nagpalit. Kasya naman sa akin ang gown ni bunso. Ang problema yung pang – itaas pero bitin sa ibaba. Masagwa tingnan yung bitin.Yung gown naman ni nanay masyadong kaya hindi ko na naisipang sukatin.       Suot – suot ko pa rin ang red gown.
Biglang pumasok si nanay sa kwarto. Nahuli niya ako. Sa una, hindi siya natuwa. Di naglaon naintindihan na rin naman niya ako siguro. Sa isip, isip niya siguro: “Wala naman na akong magagawa, bakla talaga anak ko!”
            “Ang galing naman kasya pa sa’yo yan!” sabi ni nanay.
            “Gusto ko siyang sukatin uli,” pabor ni bunso.
            Hinubad ko ang gown. Nagpalit muna ako ng damit. Sinukat naman ito ni Jea kaso hindi na kasya sa kanya. Tumaba rin naman kasi si bunso. Samantalang, sa akin ay kasya pa rin. Ibig bang sabihin, maliit ang baywang ko. Hiniram ko sa kanya ang red gown pati na rin ang hand – printed dress kasi wala akong gagamitin sa sagala.
            “Kuya, ambisyosa ka talaga!”
Naghahanda ako ng mga dadalhin kong gamit sa Antipolo. Sabado na. Tamang araw na pagpunta doon. Naghahanap ako ng pwede pang magamit sa sagala. Kumatok si nanay sa pinto ng kwarto. Walang salita – salita biglang nag - abot si nanay ng black pantyhose niya.  Pinakatago – tago pa man din nya yun. Naappreciate ko naman kahit hindi pwede iyon dapat kasi skin tone.
Bitbit ko na ang mga gamit ko. Nasa bag ang damit ko at nasa paperbag naman nakalagay ang hiniram kong red gown ni bunso at hand – printed dress. Nagpaalam ako kay nanay at tatay. Si tatay walang imik. Tahimik siya. Tutol talaga siya. Biniro pa ni tita si nanay kung gusto sumama sa amin para mapanood ang sagala.
            “Naku baka hubarin ko yan sa harap ng maraming tao! Saka, hindi ko yan kayang makitang nakadamit pambabae!”
            Nagulat na lang si kuya Nono pagdating namin sa bahay nila. Ipinakita ko sa kanya ang mga dala kong damit. Nagmadali akong inilabas ang mga dala ko habang pababa siya sa kanilang hagdan. Ipinagmalaki ko ang hand – printed dress.
            “Kuya no, pwede ba itong dress na dala ko isuot ko sa sagala?
            “Hand printed ang dress. Nabili namin sa mall. Nagandahan ako. Kaya pinabili ko kay nanay. Para rin yan kay Jea,”
            Pagbaba niya agad kong nakita ang kanyang hindi pag – ayon sa damit.
            “Teh, party ba pupuntahan mo? Hindi pwede yan. Hello, sagala po ang pupuntahan mo. Gusto mo bang makasama sa maglalamay?”
            “Huh? Hindi ko maintindihan!”
            “Che! Wag mo nang intindihin. Saka siguro kaya mo naman yan pinabili - ang sabihin mo para sa’yo! Hindi kay Jea! Ambisyosa ka talaga! Ano naman yang gown na dala mo?”
            Inilabas ko naman ang red gown na hiniram ko.
            “Teh, ang baduy! Wala ka man lang ka – sense, sense sa fashion. Ikinakahiya kita na naging pinsan kita. Fashion designer pa man din ako! at ang detail, hindi maganda!”
            “Ganoon ba?”
            Unti – unti niyang pinagmasdan ang gown habang hawak – hawak niya. Hindi niya talaga ito magustuhan.
            “Oo nga, kuya. Hindi dapat ganyan ang damit na dala mo. Kasi pag nakita mo ang mga nagsasagalang bakla naku taob ka!” sabi ni antie Baby, nanay ni kuya Nono, habang papasok ng pinto. Nakita niya rin siguro agad yung mga dala kong damit at narinig niya rin siguro ang usapan namin ni kuya Nono.
            Inilapag muna ni kuya Nono ang gown. Nagmano muna siya sa kanyang ina. Hinalikan ko naman sa pisngi si antie Baby bilang pagrespeto sa kanya. Nagpatuloy muli si kuya Nono na tingnan ang mga damit na dala ko.
“Kung gusto mo, sisirain ko ng konti itong hand – printed dress? Tapos papalitan natin ang style para mas maganda.”
            “Baka pagalitan ako ni nanay.”
            “Ikaw naman kasi kung kelan ilang araw na lang wala ka man lang pasabi na sasali ka talaga ng sagala. Alam mo namang may trabaho ako. Naku!
            “Sige ako nang bahala. Kukuha ako ng patago sa mga telang ginagamit namin sa boutique.”
            “Thank you, kuya Nono!”
            Sabado. Nakakuha na si kuya Nono ng telang gagamitin niya sa paggawa ng gown. Gumawa muna siya ng pattern sa pamamagitan ng aspile. Maganda ang klase ng tela na nakuha niya. Satin. Kapag tiningnan mo ang tela naghahalo ang kulay purple at magenta. Alam kong pinahirapan ko noon si kuya Nono. Kung anuman ang magawa niya sa gown ay ayos lang sa akin. Hindi naman sa wala akong magagawa kaso kasalanan ko rin. Kung kelan oras na, saka lang ako nagdesisyon.
            Sinubukan niya sa akin ang tela sa pamamagitan ng pagsukat ng aking vital statistics. Tinanggal niya isa – isa ang mga aspile sa tela para masundan niyang muli ang pattern. Mahigit 20 piraso ata ng aspile ang nasa tela.
            Sumakto naman ang tela sa akin. Ni – request ko na tahiin din naman ni kuya Nono ang tela pero nag – iisip pa siya ng ibang paraan dahil may trabaho rin siya bukas.
            Backless pala ang dating ng suot ko.
            “Baka mapulmon si kuya!” biro ni antie Baby.
            “Hindi yan! Carry ba teh? Ganda kaya ng likod mo,”
            “Saan banda?”
            Dumating ang best cousin ko galing trabaho. Napatingin siya sa akin. Nakangisi.
Sunday. Patuloy naman sa paghingi ng unawa ang aking best cousin. Hindi kasi siya makakanood ng sagala. Ang tanging okasyon kung saan para akong lumabas sa aking lungga. Nagpabutas na rin sa may earlobe ang barkada naming sasama rin ng sagala. Nauna muna si Ace. Naglabas ng aspile sina ate Rona at kuya Monmon para mabutusan ang earlobe ni bakla. Pinahiran muna nila ng alcohol ang earlobe ni Ace saka itinusok ang aspile. Pinatagal nila ng ilang minuto at pwede na siyang maglagay ng hikaw sa tenga. Sinunod nila si Buknoy na napasigaw pa sa sakit. Gusto ko rin sana magpabutas kaso ayaw nila nanay at tatay na meron akong hikaw.
            “Ter, halika butasan natin yang earlobe mo!”
            “Hindi pwede baka pagalitan ako ni nanay at tatay.”
            “Ay naku, wag nyo ng butasan yang earlobe ni kuya. Naku, kung yung nanay nga nyan kung tutuusin tutol sa pagsasagala niyan. Lalo pa kaya pag nakitang naghihikaw yan. Parang di nyo naman kilala magulang nyan,” pagtatanggol sa akin ni antie Baby.
            “Wag niyo ng pilitin. Naku baka awardan ako ng nanay niyan.” Sabi ni kuya Nono.
            Hapon. Pumunta kami nila kuya Nono at antie Baby sa palengke ng Marikina para makahanap ng magnetic earrings, opera gloves, pantyhose at makakain namin sa hapunan. Tumigil muna kami sa tindahan ng mga accessories. Wala kaming nakitang magnetic earrings. Bahala na sabi ng kuya Nono. Ibinili na lamang niya ako ng fancy earrings at false eyelashes. Sunod naman kaming naghanap ng opera gloves. Nalibot na ata namin ang palengke para makahanap ng stall kung saan merong mabibilhang opera gloves pero wala kaming nakita. Bumili na lamang kami ng gloves na ginagamit sa CAT at purple Joe Busch pati na rin ang pantyhose sa stall na nakita namin.  Matapos noon sinamahan namin si antie Baby bumili ng mga ingredients. Namili kami ng green onions, kamatis, pita wrapper, ground beef, margarine, cream at iba pa.
Pag – uwi ng bahay, gagawa pala ng tacos si antie. Nakakatuwa naman. Ngayon lang naman kasi ako makakakain ng tacos. Hindi na ako pinatulong ni antie sa paggawa ng tacos. Silang dalawa na lang daw ni kuya Nono. Nakakatuwang pagmasdan ang mag – ina. Itinuring ko na kasing pamilya sina kuya Nono at Antie Baby.
Nang makapagluto, agad kaming naglagay sa prinitong pita wrapper ang sautèd ground beef, chopped green onions at kamatis. Para itong selebrasyon sa akin ng mga taong mas nakakaunawa sa aking katauhan at hinahayaan akong lumaya. Sa kanila ko lang naman, naramdaman ang suporta.
            Kay sarap ng tacos, yun ang nasa isip ko. Bigla ko na lamang nasambit ang salitang “La Dolce Vita” at napatingin sila sa akin parehas.
            Matapos kumain, kinuha ni kuya Nono ang gloves at Joe Busch. Naghanda rin siya ng maligamgam na tubig sa tabo. Ibababad kasi ang gloves sa tubig na may hinalong Joe Busch Pagbabad nya sa gloves, wag ko daw kalimutan kinabukasan ang gloves para maituyo agad. Kumbaga magdamagan ang pagbabad ng gloves.
            Dumating na ang itinakdang araw. Maalinsangan ang panahon. Pagkagising, agad kong tiningnan ang gloves sa tabo. Nagkulay na ang gloves. Kaya ibinuhos ko ang pinagbabarang tubig sa lababo. Hindi gaanong pantay ang kulay subalit hindi naman na mapapansin iyon. Ibinilad ko ang gloves sa may sampayan sa labas ng bahay. Nakita ako ni kuya Nono. Pinagsabihan niya akong hindi dapat ibilad iyon. Kailangan lang patuyuin sa electric fan kasi baka yung kulay eh mapunta sa isang side lang. Basa pa man din.
Guest judge daw si Bebe Gandanghari, ang dating Rustom Padilla, na ipinagtapat ang kanyang sexual preference na naging infamous sa pamamagitan ng isang reality show.
Kinabahan tuloy ako. Hindi naman kasi ako magaling. Baka meron pang orientation at kailangan kong bumanat ng mga witty lines na ginagawa ng bakla. Hindi ako handa sa ganoong laban.
Nag – shave muna ako ng buhok sa kili – kili at legs ko. Kahit na sabi ng pinsan kong hindi naman kailangan kasi hindi naman daw ako balbon. Naiirita ako sa buhok sa legs ko. Masagwa kasing tingnan. Saka meron akong buhok sa kili – kili kaya nakakahiya.
Matagal pa! Anong oras pa lang… 10 am. Kaya nanood muna ako ng binili kong pirated na DVD copy ng “No Country for Old Men”. Nakinood na rin ang mga pinsan ko habang wala pang ginagawa. Nagluluto naman ng pagkain si antie.
            Natapos namin ang pelikula pero hindi namin naintindihan. Nagsalang muli ako ng pelikula pero hindi rin naman ako natuwa kaya tiningnan ko ang gloves na pinapatuyo ko. Ayos na! Tinago ko muna siya sa paper bag ko.
            Nag – aya na si antie kumain dahil nakaluto na rin siya. Tanghali na rin kaya dapat munang kumain.
            Ala – una ng hapon. Pinatawag ni antie Baby ang pamangkin kong si Jenice. Marunong kasi siya mag – manicure at pedicure kahit bata pa lang. Magaling naman siyang mag manicure. Kaso medyo nasaktan lang ako ng sumobra ang pagnipper niya sa kuko ko. Sagad kasi kaya napaaray ako. Matapos ang pag – manicure at pedicure. Pinatuyo ko muna ang cutics sa mga kuko ng kamay at paa ko. Pinapag – relax muna ako ni kuya Nono kailangan kasi fresh daw ako.
Alas dos ng hapon. Sinabihan na akong maligo para mauna na akong imake – up ni kuya Nono. Tatlo pa kasi kami. Pagkatapos kong maligo, nagbihis muna ako. Pinahiram sa akin ni kuya Nono ang polo niya para hindi sagabal sa make – up ko. Yun na muna ang sinuot ko. Inihanda naman ni kuya Nono ang make – up kit niya. Pinaupo niya ako sa monoblock chair.
Sinimulan na ni kuya Nono ang pagmake – up sa akin.  Tulad ng pag make – up nya sa akin nung una hindi naman siya nahirapan. Nag – adjust lang siya sa mga mata kong nagluluha pag nilalagyan ng eyeliner. Inilagay na rin ni kuya Nono ang false eyelashes para lalong ma – emphasize ang look ng mata ko. Hindi naman gaanong nagtagal ang pag make – up sa akin. Wala pang kalahating oras. Umalis na ako sa monoblock na inupuan ko at lumipat ako sa mahabang upuan sa sala nila.
            “Oh, kuya, wag ka na masyadong magkikilos! Relax ka lang! Dapat mukha ka pa ring fresh para retouch, retouch na lang.”
            “Kuya No, gusto ko yung magandang wig…”
            Matagal na pala naming pinagtatalunan ang tatlong wig na itinago ni kuya Nono. Nagandahan kasi ako sa isa. Sakto ang pagkakulot. Mukhang Anne Hathaway hairdo sa isang eksena sa “The Devil Wears Prada”.
            “Ilang beses ko na ba sa’yo uulit – uulitin! Pagbigyan muna ang dalawang bakla. Hindi nadadaan sa wig ang ganda! Teh, maganda ka na! Kaya pagtiisan muna yang wig na hindi medyo maayos. Ako nang bahala!”
            Hindi ko pa rin matanggap na hindi maganda ang wig na gagamitin ko. May tiwala naman ako kung paano didiskartehan ni kuya Nono ang pag – aayos sa gagamitin kong wig. Nanahimik muna ako at itinapat ang electric fan sa akin. Nagulat na lang ako ng biglang lumitaw si ate Rona at kumuha ng shot. Umalis rin siya agad. Pinapakain naman ako ni antie Baby kasi matagal daw ang pag – ikot ikot ng sagala sa Marikina. Mahaba pa naman ang oras. Kaso hindi ko lang talaga feel kumain dahil unease ang feeling ko.
            Isinunod naman ni kuya Nono si Buknoy na meyk – apan. Pinaupo niya rin sa monoblock chair si bakla para maganda ang pwesto.
            Medyo natagalan si kuya Nono ng mineyk – apan si Buknoy. Masyado daw kasing barako ang hitsura niya. Kaya ginawan ng paraan ni kuya Nono ang pag make – over sa kanya.
            Natapos ng mahigit kalahating oras ang pagmeyk – ap kay Buknoy.
            Panghuling mineyk – apan si Ace.
            Hala! Naubos ang concealer ni kuya Nono! Meron kasing malaking peklat sa bahagi ng kanyang kanang mata si Ace. Siya rin ang pinakamatagal meyk – apan sa aming tatlo. Mahigit isang oras. Choosy rin kasi si bakla! Super choosy sa eye shadow at blush – on. Kaloka! Ipinagmamalaki nya rin kasi na siya ang nagturo kay kuya Nono mag make – up.
            Natapos din sa wakas ang make – up session. Isa – isa na kaming pinagbihis ni kuya Nono ng mga gown at customes namin.
Na – master na ata ni kuya Nono ang pagtanggal at paglagay ng aspile sa tela. Buti na lamang at hindi na aspile kundi pardible na ang ipinalit niya sa aspile.
Natagalan naman siya sa akin pagdating sa pag – aayos ng damit. Hindi kasi tahi, kaya kailangan sure na mahigpit dahil mahuhubaran ako live sa mga audiences. Medyo mainit dahil satin ang tela. Sunod kong isinuot ang pantyhose. Take note hindi man lang ako nag – underwear na pambabae. Talagang brief ang suot ko. In fairness naman, nagmukhang makinis ang legs ko despite na maraming peklat. Iba talaga ang nagagawa ng pantyhose. Inalalayan ako ni kuya Nono na ilagay ang wig sa buhok ko. Inayos niya ng konti at ayon maganda naman ang kinalabasan. Biglang may kinukuha si kuya Nono sa cabinet nya. Matagal niya rin palang itinago ang tiara at fancy necklace niya. Ikinabit niya ang tiara sa wig ko. Isinunod naman nyang ilagay ang necklace. Inilabas niya rin ang binili naming fancy earrings. Sinabit niya ito sa konting wig na lumalaylay malapit sa wig ko.
Ako na lang pala ang hinihintay. Kanina pa pala tapos sina Ace at Buknoy. Nagpatulong sa iba ang dalawa. Ang ganda ng banig – tambo gown ni Ace. Samantalang si Buknoy sinuot niya ang green kulambo gown. Kulang na lang gumawa na ng collection si kuya Nono. Naalala ko wala pa pala akong sapatos. Pinahiram ako ng pinsan ko ng mala – bakya nyang sandals. Binitbit ko muna ang sandals. Nagtsinelas muna ako. Hindi pa man din ako sanay sa masyadong mataas ang heels.
            Paglabas namin sa bahay ni antie. Kumpulan ang mga kapitbahay nila antie. Tawanan ng tawanan.
            “Hoy, Ace! Ace Vergel…”
            “Isa ka pa, Buknoy. Anlaki ng braso mo,”
            “Tingnan nyo ang pinsan ko! Ito ang babae!” deklara ni kuya Nono.
            Pinagtitinginan ako ng mga tao pagsabi ni kuya Nono. Nakakahiya. Doon ko lang naramdaman na kahit papaano may kagandahan din pala akong nakatago.
            Sumakay na kami sa service naming jeep. Andaming kasama. Pati ang ilang kapitbahay at barkada nila kuya Nono sumama. Sumama rin ang ibang kamag – anak namin. Siksikan tuloy sa jeep. Si Ace naman hindi muna sinuot ang balloon supporter ng banig – tambo gown nya. Unease pa rin ang feeling ko. Si uncle Basti pala ang magmamaneho ng jip. Full – blown support ata sa amin. Si Buknoy kasi pamangkin niya sa side niya, ako naman sa side ni antie Heidi. Nakakatuwa! Nakaalis kami ng 5 pm.
            Traffic! Sa pagkakaalam ko wala pang isang oras ang biyahe papuntang Marikina galing Mayamot. Nga pala, lunes. Rush hour kumbaga. Ang oras ng sagala ay 7 pm pero kailangan nandoon na bago mag 7 pm pero ano ang aasahan natin sa Filipino time o sarili nating oras.
            Nakarating din sa wakas sa Chinese temple na mag 6:30 pm. Marami palang tao… Hindi ko akalain! Pinababa na kami ni kuya Nono para ayusan uli kami. Nagpalit na ako ng bakyang sandals. Inayos ni kuya Nono ang banig – tambo gown na suot ni Ace. Tinulungan nyang isuot ni Ace ang balloon supporter ng gown nya. Si Buknoy naman pinaayos ng konti kay kuya Nono ang gown nya.
            Pinapunta kami ni kuya Nono sa basketball court nang ayusin ang mga costumes namin. Sabay kaming pumunta ni Ace. Hawak – hawak ko ang hem ng gown ko. Biglang nagsigawan ang mga tao pagpasok namin sa court. Kung hindi ako nagkakamali, si Ace ang dahilan. Agaw – pansin kasi ang banig – tambo gown nya. Ayos lang! Niladlad ko lang ang aking hem.
Andaming ilaw, nakakasilaw! Malakas din ang sound system na ang ipinapatugtog ay mga usong rnb songs. Kokonti pa lang din ang mga baklang nakaupo si monoblock chairs reserba para sa participants. Magaganda ang ilan. Talaga namang madadaya ka dahil babaeng babae na ang hitsura.
Sumunod sila antie Heidi, antie Baby, ate Lea at mga anak niya; Angelie, ate Rona, kuya Monmon, barkada nila kuya Nono, si kuya Nono at Buknoy. Naupo sila sa may upuan ng basketball court shed. Nagpapa – retouch pa pala si Buknoy.
Naupo na kami ni Ace sa mga monoblock chairs. Nagulat ako ng mag – announce ang emcee na kailangan ma – verify ang legitimate na mga contestants. Biglang tumakbo si kuya Nono kasama si Buknoy. Nagtayuan ang mga bakla. Lumapit muna kaming lahat sa registration area. Nag - double check si kuya Nono ng mga code names namin. Nilagay nya pala sa akin ay Meryl Streep kasunod sa pangalan ko. Masyado naman akong ambisyosa at si Meryl Streep pa ang inilagay sa aking code name! Wala na kasing maisip si kuya Nono lalo pa’t alam nya na favorite actress at idol ko talaga si Meryl. Pwede pa daw palitan ang code names. Naalala ko hindi naman fashion icon si Meryl mas kilala siya bilang aktres na mahusay sa pag - adapt ng iba’t ibang accents. Kung hindi rin ako nagkakamali, itinuring siyang worst dressed celebrity ng isang magazine ayon na rin sa klasmeyt ko. Ipinalit naming code name ang Audrey Hepburn, isa ring idol ko. Kaso dapat meron man lang siyang pinasikat na style o damit o get – up ang ayos ko. Wala eh! Ayaw ni kuya Nono ng little black dress kasi hindi pang – sagala yun.
“Pwede na yan, kuya No! Sige si Audrey na lang,” sabi ko.
 Code name ni Ace ay Acelyn Kidman. Huh? Nilagyan nya ng Lyn ang name nyang Ace at kinuha naman ang apelyido ni Nicole Kidman. Gaya – gaya naman si Buknoy. Kidman din ang apelyido kaso Jennelyn ang first name. Obvious na idol nya si Jennelyn Mercado.
Nagbigay ng number ang coordinator sa amin. Si Ace pang 14, ako pang 15 samantalang si Buknoy pang 20.
Hindi nagtagal, unti – unti nang napupunan ang mga upuang walang laman. Nagdadatingan na rin ang mga baklang suot – suot ang mga bonggang gowns at costumes. May isang baklang kapuna – puna dahil sa napakalaki ng hinaharap niya. Hawig pati siya kay Marian Rivera. Halatang umiinom siya ng pills at retokada na. Na – conscious tuloy ako wala kasi akong dibdib maski unting portion lang na babakat sa gown na suot ko. Wala rin pati akong bra with foam na suot. Ano pa bang magagawa ko?
Maraming talagang magagandang participants. Meron dumating hawig ni Kim Chiu na suot ang yellow Filipiniana gown. Ilan yata ang Marian Rivera look – alike. Talagang kasikatan nya. Pinaukit na ata ang mukha nyamaging look – alike. Merong iba na pumupukaw ang atensyon sa kanilang mga suot. Tila natalbugan na sila ng damit. Buti na lang kamo at nadala sila ng damit. Ang nakakagimbal sa lahat ay may mga batang sumali sa paglalaladlad ay dinaig pa kaming ahead sa kanila.
Hindi magkamayaw ang mga flashes ng iba’t ibang uri ng camera. Digicam, DSLR, SLR, cellphone na may camera. Hindi lamang taga – suporta ng mga baklang sasagala pala ang kumukuha. Hindi ko akalain na ang iba pala ay kasapi ng Manila Press Club. Kung gayon, bongga pala itong event.
Patuloy ang unease na feeling ko dahil ito ang una kong sabak. Marami akong naririnig na kudos sa suot ni Ace. Nilalapitan siya ng mga organizers at ilan sigurong fashion designers na hindi ko kilala. Mahusay naman kasi talaga ang pagkakagawa ni kuya Nono sa banig – tambo gown. Pati ang photographer mukhang nahypnotize sa agaw pansing banig – tambo gown kaya kaliwa’t kanan ang kuha kay Ace.
Biglang lumapit sa akin ang isang gwapong lalaking may hawak ng DSLR. Humingi siya ng pahintulot na ako ay kunan ng shot. Siyempre, sino ba naman ako para tanggihan siya saka gwapo naman siya. Nga lang, hindi ko alam kung ano gagawin nya sa picture ko. Hinayaan nya akong mag – pose kahit nakaupo lang ako. Naka – limang kuha siya. Nagpasalamatan kami sa isa’t isa.
Nagsisimula na ang opening spiels ng emcee. Wala namang mga dance at song numbers na magtatanggal ng inip sa mga spectators. Kami palang mga contestants ay kinaaaliwan na. Ipinakilala na ng emcee ang mga judges. Apat sila. Yung isa president ng fashion designers club ng Pilipinas. Ang isa ay basketball player. Meron ding isang konsehal na tatakbo ata uli sa susunod na taon. Panghuli, ang isang officer ng MPC.
Nag – deklara ang emcee na magpakitang gilas ang bawat kalahok sa pamamagitan ng paggawa ng eksena o pag – rampa. Pinatayo kaming mga bakla sa aming kinauupuan. Pinapunta kami sa may gilid ng stage. Andaming tao maski sa mga harang na ginawa talagang hindi papaawat na makita kaming mga bakla. Samantala, hawak ko ang hem sa takot na kapag natapakan ko ay mahubaran ako - live! Marami akong naririnig na side comments galing sa kanila.
“Naku, ito mukhang babae!”
“Flat naman ng hinaharap. Siguro nagpi – pills pa lang. Hindi pa nagpaparetoke!”
“Ang ganda naman ng gown mo!”
Ang ibang mga bakla’y pinauunlakan ang mga usisero’t usisera. Kinakausap nila. Nakikipagbiruan pa!
Isa – isa nang binabanggit ng emcee ang mga code name o screen name ng participants. Dito ako lalong kinabahan. Hindi ko alam kung ano ang gagawin.
Hinihintay ko na lamang matawag ang pangalan ko at ilagay ang sarili ko sa kahihiyan sa pagiging hindi handa. Kanya – kanyang pagpapansin at style ng pagrampa ang ginagawa ng mga baklang participants. Pang – labing apat na. Malapit ng matawag ang pangalan ko. Tinawag na si Acelyn Kidman (walang iba kundi si Ace!) Aba! Good luck hindi talaga papatalo ang lola nyo! Nakikipagtitigan pa sa basketball player na judge ng sagala! Bumalik na uli sa pwesto niya si Ace.
“Number 15, Audrey Hepburn!”
Tila may nagpalakpakan sa basketball court shed. Narinig ko rin ang cheer. Sila antie pala at mga kamag – anakan. Bigla na lamang akong hinatak ng mga paa ko. Binatawan na rin sa wakas ng kamay ko ang hem. Hindi ko yata alam ang ginagawa ko. Tama kaya. Ano ba itong ginagawa kong pagrampa. Halatang baguhan pa lang talaga ako dito. Bawal daw ang maging bumpy ang humps pag rumarampa ang isang model. Sandali, hindi naman matambok ang pwet ko. Lumapit ako sa mga judges pero hindi ako nakipag eye – to – eye contact. Hala! Hindi na ako ito. Pumunta ako sa gitna sabay nag – establish ng pose! Kumaway din ako sa mga spectators. Hindi ko man lang naisip ang kaliwang kili – kili ko ay may peklat ng maoperahan ako noon. Wala talaga ako sa sarili ko. Mukhang na – disappoint ang mga manonood sa peklat ko. Bumalik akong muli sa pwesto.
Tinawag rin si Jennelyn Kidman (si Buknoy!) at rumampa rin. Sunod – sunod rin ang mga baklang naggagandahan. Meron isang Kristine ermosHerHeHeHermosa look – alike. Ginamit na ding code name. Marami talaga ang gumamit ng code name at look – alike ni Marian Rivera. Madidistinguish mo lang sila sa suot na gown at boobs. Ang emcee tuloy nag rereact “boobs kung boobs” daw ang isang ateng Marian Rivera look – alike. Anlaki kasi. Good luck! Nagpapansin pa kay basketball player judge.
Pumukaw sa atensyon ko nang tawagin ang isang baklang participante na suot ang replica ng couture ni Audrey Hepburn with matching umbrella sa sikat na Ascot race scene sa pelikulang “My Fair Lady”. Nang banggitin ang kanyang code name na Eliza Doolittle, bigla akong nanlumo.  Ito kasi ang problema sa akin – hindi ko pa napanood ang pelikula. 1910 na fashion ang binigyang buhay muli ni Cecil Beaton na sumikat uli noong 60’s. Tugma rin kami ng isip ng emcee pagdating sa history noong gown. Ginamit ko pa man din ang code name na Audrey Hepburn ng hindi man lang ako nagsuot ng alinman sa pinasikat nya. Hindi naman talaga pwede ang little black dress. Hindi ito panlaban ng sagala. Hindi rin ito costume o cocktail party.
Iba – iba ring gown na naggagandahan ang talaga namang hinangaan ko at ng mga manonood. Merong mga gown na may petticoat at costumes na iba’t ibang desinyo. Kapansin – pansin din ang mga baklang talagang mababastos. Gumamit pa ng code name ni Anne Curtis ang isang baklang kung magpakita pa naman ng pusod ay napakalakas ng loob eh bundat naman ang tiyan. Nagbiro tuloy ng emcee baka daw “Anne Buntis”. Nagtawanan ang mga tao. Meron ding majundang bakla. Hala! Si She – ra ata ang ginaya. Kaya ng tawagin ng emcee kantyawan ang naririnig ko.
Ang kagulat – gulat ay may mga humabol na mga batang dose anyos ang edad. Aba! Hindi papatalo in full costume po sila. Nagreact tuloy ang emcee.
“Ambabata pa lang kung rumampa dinaig ang mga majunjundang bakla! Alam na ba yan ng mga magulang at principal nyo?”
Talaga namang may humabol pa ulit. Mga baklang naka – itim na gown parang lamayan o coffee party ata ang pupuntahan.
“Hoy! Mga baklang pipi nakalista ba mga pangalan nyo sa registration area. Mga eksenadora! Pa – late!”
Naubos din sa wakas ang humigit kumulang 50 baklang kasama at sampung habol pero hindi na inintroduce at hindi na pinarampa dahil anong petsa na. 8 pm na ang pag – hahanay sa amin para makapagsagala ng maayos sa piling kalsada ng Marikina.
By batch, pala ang pagsasagala. Tatlong batch ang ginawa para hindi magulo ang ayos. Nasa pangalawang batch kami ni Ace. Buti na lang hindi na hiniwalay si Ace. Nahiwalay sa amin si Buknoy nandoon siya sa first batch.
Lumapit sa amin si kuya Nono at ni – retouch kami.
“Naku, yung first batch mga tsaka. Kawawa naman si Buknoy. Nakasama siya doon. Pangalawa pa naman siya sa harap. Yung nasa third batch ang napakagaganda. Kaya siguro kayo nilagay sa 2nd batch kasi baka sakto lang! Hindi naman katsakahan at hindi rin kagandahan.”
So, ang sinasabi nya at nang pag hahanay na ito ay average ang beauty namin ni Ace. At least! Tanggap ko naman.
Pinalabas na kami sa aming hanay at pinapila ng maayos para sa linya namin sa sagala. Wala kaming escort. Pangarap sana nila Ace para makapagpa cute at may kaganapan na din! Ako naman hindi na nangarap. Ayos na rin naman sa akin kahit walang escort o partner. Sinusubukan kong iladlad ang aking hem pero natatapakan ko. Kabado talaga akong mahubaran. Nag – aayos pa ng konti ang mga batang hawak ang light bulb na magsisilbing guide namin at mistulang harang naming magsasagala. Wala atang arko o kaya’y kahit anong palatandaan para may pagkakakilanlan kung sino ang Reyna Elena at Emperatriz. Kabit – kabit lang na light bulb ang ginamit. Siguro ibabase na lamang sa pila. Pinalinya na kami. Kasunod ko si Ace sa linya.
Naghintay pa kami ng mga 10 minutes. Inaayos pa kasi ang generator ng mga light bulbs. Gumalaw na ang mga bakla sa paglalakad. Maingay! Nagtitilian ang ibang bakla. Nagkakagulo naman ang mga tao. Merong nangangantyaw, merong nag cheer, meron ding sumisigaw. Ang iba kumukuha ng picture sa aming mga bakla. Ang sikip ng daan. Maliit ang daan at malapit pa sa ilog. Stampede na ata ito.
Merong tumawag sa akin ng “miss”. Napalingon ako.
“Pwede bang picture?”
Isang lalaki pala.
“Oo naman!”
Pose din naman ako.
“Galing naman nito nag – pose pa!”
“Thanks!”
Hindi pa kalayuan sa aming paglalakad ay bigla na lamang pumutok ang light bulb malapit sa akin. Natakot ako kasi satin ang tela ko. Madali itong masunog. Natakot din ang batang may hawak nito. Kaya naman tinawag ng batang babae ang tatay niya. Ako naman ay naghahanap ng paraan para makaiwas. Patagilid tuloy ang paglalakad ko. Buti hindi na napansin ng mga tao siguro dahil nagsisiksikan na sila. Nang lapitan ng ama ang bata ay umiyak ito.  Pinatahan naman siya ng ama. Tinanggal ng tatay ang light bulb sa socket. Pinaayos na nya ito sa isang nag – ooperate ng generator. Buti naayos naman.
 Dumaan kami sa isang kalsada sa Marikina. Mukha atang residential area iyon. Marami pala ang nag - aabang sa amin. Siksikan uli ang mga tao at curious kaming makitang mga bakla. Ang init! Mabilis pa naman ako magpawis. Yung baklang nasa harapan ko tagaktak ang pawis sa likod. Na - conscious ako kasi backless pa man din ang suot ko. Patigil – tigil kami dahil sa crowd control na ginagawa ng ibang organizers. Buti na lamang napansin ng isang babaeng spectator ang baklang kasunudan ko. Naglabas siya ng tissue sa kanyang bag saka pinunasan ang likod ni ate. Saka nagpapicture sa kanya. Feel na feel naman ni Ace ang gabi. Talagang wave kung wave ng kamay. Yung ibang mga bakla ay nagpapapansin talaga. Nauupo sa kalsada masabi lang na may petticoat ang gown nila.
Napapansin kong maraming kalalakihan na merong taglay na hitsura dito. Hindi ko mapigilang makipagtitigan. Nasa ibang lugar naman ako at hindi naman nila ako kilala. Meron ding foreigner. Mga kano siguro. Kinawayan kami. Natawa lang ako.
Hindi ko namamalayang nauuna pala ako kay Ace maglakad. May narinig tuloy akong nagsalita.
“Nagmamadali ka ba? May lakad ka ba? Saka bakit hindi mo iladlad yang gown mo? Hindi man lang mag – smile at kumawaykaway.”
Binagalan ko ang paglalakad ko. Iniladlad ko saglit ang hem ng aking gown. May nakapansin ata sa ganda ko at nagpapicture sa akin. May kasunod uling nagpapicture sa akin.
Hindi talaga maiiwasang merong mangangantyaw sa amin. Kinanta pa ang chorus ng kantang “Babae po Ako”. Meron kumakanta ng “mga babaeng manloloko/pinaperahan lang kami/kaya ngayon bakla na lang ang aming iibigin/kay sarap magmahal ng bakla/kay sarap damhin.”
“Mga pare, bakit kayo nakabihis babae?”
“Flat ‘tol”
“Hindi pa maayos mag – ahit!”
“Ay hindi pala nakakabit yung hikaw nya sa tenga nakadikit lang sa wig…”
Iba’t ibang mockery statements ang maririnig mo. Meron din namang natutuwa sa amin kaya picture dito, picture doon.
Hindi ko kabisado ang Marikina. Hindi ko namalayan napunta na pala kami sa isang simbahan doon. Sumusunod pala sa amin si kuya Monmon, yung isang pinsan namin. Natuwa naman ako kasi concern din pala siya sa amin. Sa katagalan ng paglalakad, nawala si kuya Monmon. Natabunan siguro siya ng maraming tao. Marami pa rin kasing mga tao ang nagsisiksikang makita ang naiiba naming ganda. Exotic o rare siguro ang mga beauty namin. Kaya siguro kami pinagkakaguluhan.
Papunta na palang palengke ang pagsasagala naming mga bakla. May naririnig akong nagkokomento.
            “Hindi man lang iladlad ang gown. Hindi man lang ngumingiti at hindi man lang kumakaway!”
            Ako ba ang sinasabihan ng taong yun? Kanina pa yun…Parinig ba ito?
            Niladlad kong muli ang hem ng aking gown subalit naapakan ko ito kaya sandali ko lamang ito binitawan. Ngumingiti na rin ako kaso tipid nga lang. Kumakaway na rin naman ako pero gamit ang kaliwang kamay ko dahil sa peklat ko sa kanang kili – kili.
            Nagulat na lamang ako dahil sa sumalubong sa aming taga – suporta ng nauuna sa aking bakla sa paglalakad. Juliana Palermo pala ang code name niya. Meron pa silang placard “Go, Juliana Palermo!” Ang labis na nakaagaw atensyon sa akin ay ang placard na nakalagay ay “Walang baklang pangit, sa lalaking gipit – 300 pesos only.”
Nakakatawa mang isipin ang insulto na ito pero irony ito ng nangyayari sa lipunan.
Palabas na kami ng palengke papunta sa isang kalsada. Hindi papatinag ang mga tao andami palang populasyon ng mga tao dito sa Marikina. Yung iba sumusunod pa sa amin.
“Sama na kami sa inyo!” sabi ng mga kabataang lalaki.
Ano kaya ang ibig sabihin ng mga ito.
Hala. May pumapatak atang tubig mula sa langit. Ito na nga ba ang kinatatakutan ko. Umaambon na! Nagtilian na ang ibang mga bakla. Ang ibang tao sumilong. Ang mga taong may nakahandang payong ay inilabas na at ginamit ito. Buti pa yung ibang baklang ang costume ay may kasamang payong. Advantage na sa kanila yun!
Bigla atang mabilis ang pagrarampa namin. Paliko naman kami sa panibagong kalye ng biglang lumakas ang buhos ng ulan.
Sandali lang pala ang bilis ng pag – andar. Tumigil na naman kami. Nagkakaproblema ata ang generator ng mga light bulb pati na rin ang pila ng mga bakla.
Nagsalita ang isang batang babaeng may hawak ng light bulb ng “malas talaga kayong bakla, inulan ang sagala nyo!”
Sabunutan kaya kitang bata ka sa isip – isip ko.
Kinuha naman ng mga tao ang pagkakataong kuhanan kami ng litrato habang nakatigil kami. Kaliwa’t kanan ang pose ko at pose din ang ibang mga bakla. Hindi patinag kahit umuulan. Iba’t ibang camera. Sosyal! Merong digicam at iba’t ibang model ng cellphone na may camera.
Merong isang babaeng nakapansin sa suot ko.
“Ang ganda naman ng tela.
“Sandali hindi pala tahi. Pardible lang. Ang galing naman ng gumawa nyan. Pwede picture?”
Hinayaan ko na lang si ate.
Ang ibang mga bakla naupo naman sa lupa dahil nakakangalay ang matagal na pagtayo. Biglang lumitaw si uncle Basti at nagbigay ng payong sa akin. Sinusundan niya pala kami baka kasi magkagulo. Kumbaga, knight in shining armor namin nila Ace at Buknoy. Hindi ko na kinuha ang payong dahil makapal naman ang wig na suot ko. Hindi man lang nababasa ang buhok at ulo ko. Hinahanap nya pala si Buknoy kaso di nya makita. Bibigyan nya sana nung isang payong.
Wala na pala sila antie Heidi, ate Lea at ang iba naming kasama kanina kasi umaambon na. Kasama pa naman ni ate Lea yung mga anak nya. Nagpaalam sa akin si uncle na hahanapin nya si Buknoy. Hindi ata nya napansin si Ace.
Nagpatuloy saglit ang paglalakad kaya lang tumigil na naman. Andami kasing tao kahit umuulan hindi na ata madaan sa crowd control.
Merong isang lalaking gusto akong kuhaan ng shot.
“Ate, pwede bang kunan kita ng picture?”
Siyempre, wala namang problema sa akin yun. Pinaunlakan ko siya.
“Sige lang!”
Pumose din naman ako.
Sandali. Gwapo pala ni kuya. Hawig nya si Daniel Fernando nung kabataan nya. Crush ko siya. Hindi ko naiwasang titigan siya. Kasama pala nya ang mga barkada nya. Lima silang lalaki. Nagsalita ang isa.
“Bet mo ba siya? Pwede mo siya makuha murang – mura lang!”
Tinitigan ko lamang ang mga lalaking ito. Crush na crush ko talaga si kuya. Nginitian ko lamang sila. Hay! Ganoon ba talaga ang tingin ng mga lalaki sa amin. Sa kabilang banda ng aking pag – iisip ay tuwang – tuwa ako at sa wakas may na – attract na rin sa akin. Gusto ko nang umalis sa pila at i – give up ang virginity ko kay kuya. Magkano ang iyong dangal ang drama ko. Kaso sandali wala akong pera.
Sakto namang umandar na ang pila. Hindi ata umayon sa pinag – iisip kong kamunduhan ang pangyayaring ito. Tumingin muli ako sa lalaki at saka ko siya nginitian. Sayang! sa isip – isip ko.
Gumalaw nang muli ang sagala. Bumilis – bilis na. Umuulan na kasi. Highway pala ang labas ng kalsadang yun. Kami na pala ang dahilan ng traffic sa highway kanina pa. Ngayon ko lang napuna. Marami pa ring taong nanonood sa amin.
Malayo din pala ang sakop na kalsada na pinag – iikutan naming nagsasagala. Samantalang, palakas naman ng palakas ang buhos ng ulan.
Hindi ko na talaga binitawan ang hem ng gown ko. Hanggang sa may narinig akong isang batang lalaki sumigaw.
“Uy nakikita na yang ano mo! Naka – brief ka pa!”
Paki mo! Umuulan na! Mag – iinarte pa ba ako sa isip – isip ko.
Pabalik na pala ng Chinese temple ang way namin. Lumiko na naman kami sa isang kalsada. Bumuhos ng napakalakas ang ulan na may kasamang malakas na ihip ng hangin. Meron kayang bagyo. Nagkagulo ang mga bakla. Nakaramdam din ako ng pag – aalala. Nagkaipitan na sa pila. Bigla na lamang tumigil ang light bulb. Naipit ako sa mistulang harang ng sagala. Nagtatakbuhan na ang mga bakla. Naka – paa na ang iba. Ako, hindi man lang patinag. Hindi ko na talaga tinanggal pa ang mala – bakyang sandals ng pinsan ko. Nawala na lahat ng mga bakla sa poise. Kanya – kanya ng larga!
Biglang may daang papadausdos. Hindi ko na mapigilan ang paa kong bumaba. Kinokontrol ko ang paglalakad dahil suot ko pa rin ang sandals. May nakapansin sa akin.
“Tulungan nyo si ate!”
Wala sa kanilang pumapansin. Maski sila takot sa kung ano ang pwedeng mangyari sa akin. Buti na lamang at napigilan ko ang nakahambang disgrasya sa akin. Kumbaga with poise pa rin ako.
Tumakbo na rin ako. Humanap ako ng masisilungan. Sumalubong sa akin si antie Baby na nakapayong. May dala pa siyang isang payong at yun ang ibinigay sa akin. Nagtatakbo na kaming parehas sa Chinese temple. Kanina pa pala nya hinahanap ang service na jeep namin.
Patuloy sa mala – delubyong pagbuhos ang ulan. Siksikan ang lahat ng mga baklang nagsagala pati mga supporters nila sa Chinese temple. Isa na kami sa nakisiksik ni antie. Nakita ko sina Ace at Buknoy kapwa basang – basa ang mga gown. Sadya sigurong hindi umayon ang langit sa ginawa namin.
Inabot ng 30 minutes bago humina ang ulan. Biglang dumating si uncle Basti. Pinapunta nya kami sa sasakyan. Sa wakas, nakita na rin ang service namin. Ipinarked nya pala ito malapit lang sa parking area. Pinagpalit ako ni tita ng sapin sa paa. Biglang inabot ni ate Rona ang tsinelas niya. Nahiya naman ako pero ipinilit ni ate Rona ang kanyang tsinelas na gamitin ko kaya yun na ang ginamit ko. Nagpahinga muna ako sa loob ng jeep. Tinanggal ko na ang wig, gloves at pantyhose ko.
Nagulat ako nandoon pala si Patrick. Kapatid kong bunsong lalaki. Kumbaga support na rin nya sa akin. Kaso nahuli siya hindi niya naabutan ang sagala. Naligaw pala kasi siya.
Nakita na lang namin sina Ace at Buknoy papalapit sa service namin. Nakakagulat ang dalawa dahil pinapupunta nila ako sa basketball court kasi may ibinibigay na sandwich ang organizers para sa mga baklang participant. Nagbibigay din daw sila ng 150 pesos sa bawat baklang nagsagala. Consolation kumbaga. Hindi pa bawi sa ginastos sa ginamit na costumes at gown. Ayoko talagang pumunta. Kaso sina kuya nono at antie Baby ay pinapapunta ako doon. Lumabas ako ng jeep. Sumunod si kuya Nono para samahan akong pumunta sa basketball court.
Ramdam ko ang lamig ng hangin. Saka umuulan pa rin. Pagpunta namin sa basketball court pinapunta kami sa office nito. Doon pala ibinigay ang sandwich, zesto at 150 pesos. May mga kasunod din pala akong mga bakla. Pinapirma kami para ma – confirm na natanggap na namin ang konti nilang alay sa amin. Napansin kong ang mga baklang nasa loob ay pinagmamasdan ako. Wala na kasi akong wig, gloves at pantyhose.
Biglang nag – announce ang emcee sa stage. Hindi pa kami pinapaalis sapagkat magaawarding pa pala. Binanggit niyang nag – uwian na ang mga judges sapagkat umulan ng malakas. Yung isang konsehal pala na judge ang nagbigay ng consolation prizes namin.
Bigla na namang lumakas ang ulan. Hindi talaga siguro umaayon sa amin ang langit. Tumambay na lang kami nila kuya Nono at Buknoy sa labas ng office kasi may silong. Samantalang si Ace hoping magwagi sa kahit anong prize.
“Hoping talaga si Bakla na manalo sa kahit anong award. Pag yan walang natanggap, uuwi siyang luhaan,” biro ni kuya Nono.
Sa kasamaang palad, napunta sa My Fair Lady replica ang best gown. Siyempre sad si Ace. Paano ba naman yung ipinapakitang interes ng iba sa kanya kanina ay talagang aakalain mong papanaluhin siya. Nanalo naman ng face of the night si Kim Chiu look – alike at ang nakakagimbal na darling of the crowd ay napunta sa isang majundang agaw pansin kanina. Yung si she – ra ata ang role model nya.
“Sabi ko na nga ba, yang darling – of – the – award ay insulto sa mananalo,” sabi ni kuya Nono.
Merong humabol na konsehal. Sa awa siguro sa mga batang nagsakripisyong magpaulan habang hawak ang light bulb na mistulang harang namin ay binigyan niya ng tig – 50 pesos. Pinauwi na rin pati yung light bulb. Kulang pang pampagamot kung magkasakit ang mga batang ito.
Lahat ng mga natira naming mga kasama ay sumakay na sa service. Sumunod na kami. Wala naman ng naiwan. Si Patrick ang pinagmaneho sa jeep ni uncle Basti.
Matapos ng lahat ay parang walang nangyari. Oo nga naman, isa araw lang naman yun. Habang umaandar ang sasakyan naisip ko ang saglit na pagpapakatoo sa aking sarili kahit na nahihiya pa rin ako. Sana hindi lang ito ang sagalang madaluhan ko. Sana ay may kasunod pa.

No comments:

Post a Comment