Monday, September 19, 2016

ORO, PLATA, MATA: Isa sa pinakamahusay na pelikulang Pilipino


Kamakailan ko lamang napanood ang pelikulang Oro, Plata, Mata. Matapos ko itong mapanood ay labis akong humanga sa detalyado at metikulusong pagkakalikha ng obra na ito. Isa ito sa mga pelikula ng Experimental Cinema of the Philippines. Ang parehas na grupo na gumawa ng pelikulang "Himala". Isa rin ito sa pelikulang ipinalabas sa kauna-unahang Cinemanila at pagpapasinaya ng Film Center of the Philippines. Mula sa panulat ng direktor  na si Jose Javier Reyes at direksyon ni Peque Gallaga.

Ito ay patungkol sa pamilyang Ojeda at Lorenzo at kung paano ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay binago ang buhay nila at binago sila mismo. Sa unang yugto na Oro, ipinakita ang marangyang buhay ng dalawang pamilya bago ang digmaan. Sa ikalawang yugtong Plata, nasaksihan ang paghingi ng tulong ng mga Ojeda at ilang mga kaibigan ng Lorenzo at nanuluyan sa kanilang mansyon. Sa huling yugtong Mata, tumakas ang mga tauhan sa malayong kagubatan kung saan ay merong bahay pahingahang ipinatayo si Inday Lorenzo at unti-unti nagbago ang buhay ng mga tauhan sa kanilang naranasan.

Bihira lamang ako makapanood ng pelikulang Pilipinong may accurate na paglalarawan sa buhay ng mga Pilipino noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Maaaring limitado ang access natin sa ibang pelikulang sariling atin lalo pa ang luma at iyong black and white pa. Ilan lamang ang naalala kong pelikula ukol sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig tulad ng Tatlong Taong Walang Diyos (1976) at Aishite Imasu 1941 (2004).

Maraming hindi malilimutang pagganap sa pelikula tulad nina Cherie Gil, Joel Torre, Fides Asencio-Cuyugan, Liza Lorena, Mitch (Maya) Valdes, Lorli Villanueva at Ronnie Lazaro.

Ipinakita sa pelikula ang horror at realidad ng digmaan tulad ng violence sa paligid. Maalala ang mga ganitong sitwasyon tulad na lamang sa ipinakita sa Russian movie na Come and See (1985). Ultimo na ang itinuturing mong kakampi na itong kababayan ay kalaban pala. Ang mga tulisan na imbes ay magkaisa sa oras ng digmaan ay may kanya-kanyang paniniwala at kagustuhan. Meron pa akong naalalang eksena sa isang klasikong pelikula sa isang eksena ng pelikula kung saan ay nasusunog ang hacienda. Halintulad ito sa Atlanta Burning Scene ng Gone with the Wind (1939).

Masasaksihan din sa pelikula ang loss of innocence sa mga tauhan tulad na lamang nila Miguel (Joel Torre) at Trining (Cherie Gil) sa ibang tauhan ng pelikula. Maski ang karakter ni Sandy Andolong na si Maggie. Sa kuryosidad ni Trining ay isinuko nya ang pagkabirhen kay Hermes (Ronnie Lazaro). Loss of innocence din na masaksihan ang realidad ng digmaan.

Labis na kahahangaan ang pagganap nina Liza Lorena bilang Nena na ina nila Trining at Maggie. Siya ay isang inang hindi nagkulang sa pangangalaga at pag-aaruga. Siya rin ay isang inang lumaban sa buhay bago, habang at matapos ang giyera. Si Mitch (Maya) Valdes ay si Dra. Jo Russell. Sa una akala mo ay isa siyang intrimidita dahil nag-aral siya sa Amerika. Ngunit, isa siya sa matatag na tauhan ng pelikula. Kalmado, determinado at hindi patitinag. Si Lorli Villanueva naman ay si Biring. Ang mapag-mataas at matapobreng donya na lahat ay gagawin wag lamang makuha ang kanyang alahas na nagsisilbing yaman nya. Maaaring maalala sa kanya si Donya Victorina ng Noli Me Tangere. Si Fides Cuyugan-Asencio naman ay si Inday Lorenzo, ang relihiyosa at konserbatibong ina ni Miguel. Siya rin ang nagpatuloy sa mga kaibigan niya sa kanyang mansyon, sa bahay pahingahan sa kagubatan hanggang sila'y makabalik.

At isa sa mga hindi pa malilimutang eksena ay ang pagbaril ni Miguel sa diwata (Kuh Ledesma).

Masasabing lengthy o mahaba ang pelikula subalit nasapul nito ang paghihirap at pagkamulat ng mga tauhan sa isang masalimuot na bahagi ng ating kasaysayan. Mahusay ang pagkakasulat sa iskrip. Mahusay rin ang direksyon ni Peque Gallaga. Maganda ang pagkakalapat sa musika lalo na sa eksenang nalaman nilang sila ay napasok ng mga hapon. Ang mga costumes ay kapuri-puri sapagkat umayon ito sa panahong tinatalakay.

Talagang isa sa maituturing na pinakamahusay na pelikulang Pilipino ang "Oro, Plata, Mata". Sana ay makapanood pa tayo ng ganitong pelikula.

No comments:

Post a Comment