Tuesday, December 27, 2016

MMFF 2016 Movies Part 1

Hindi naiaalis ang kontrobersya sa mga nakaraang Metro Manila Film Festival (MMFF). Ngayong taon, nagkaroon ng pagbabago sa line-up ng MMFF. Kung dati rati madalas mamayagpag ang mga mainstream films, ngayon ay mapanghamon at nakakapanibagong mga kwento at konsepto ng mga pelikula ang kalahok mula sa independent cinema. Noon ay may hiwalay na kategorya ang MMFF para sa independent films ito ay ang MMFF New Wave. Bihira na mabigyan noon ng pagkakataon ang mga indie sa nasabing film fest lalo na sa main category. Ngayong taon ay kalong naging makulay ang MMFF sa mga napiling pelikula.
Unang bahagi ito ng aking pagrerebyu sa ilang pelikulang kalahok.



SEKLUSYON, Reality Entertainment sa direksyon ni Erik Matti.
Isa sa masasabing kontrobersyal na direktor na muling tumatalakay sa isa na namang kontrobersyal na paksa ang inyong masasaksihan sa pelikulang ito. Sa mga nagdaang taon, walang takot na tinalakay ni Erik Matti ang mga isyung sosyopolitikal. Babanggitin ko lamang ang dalawang pelikula na kanyang maituturing na obra sa mga nakaraang taon. Sa pelikulang On The Job (OTJ) [2013], mapangahas na ipinakita ni Matti ang korupsyon at bulok na sistema sa ilang sangay ng pamahalaan. Binangga naman ng pelikulang "Honor Thy Father" (2015) ang isang napapanahong isyu tungkol sa investment scam pati na ang matapang na pagtalakay sa religious hypocrisy sanhi ng isang legalismo na sistema ng isang kulto. Ngayon naman ay isang proseso ng pagpapari (sa Katoliko) ang matutunghayan sa "Seklusyon" na kumakatawan sa isang lipunang nalinlang ng huwad na propeta.
Sa mga nakaraang film fest madalas ng mapasama ang genre ng horror kaya hindi na pagtatakahan na napasama ang "Seklusyon".
Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, si Miguel (Ronnie Alonte) ay dadaan sa isang proseso na kung tawagin ay "seklusyon". Pitong araw silang susubukin ng demonyo upang mapatibay ang kanyang pananampalataya sa Diyos at maging ganap na pari. Samantala si Padre Ricardo (Neil Ryan Sese) ay nag-iimbestiga sa himala na ginagawa ni Anghela (Rhed Bustamante) sa bayan ng Ildefonso, Quezon. Katambal ni Anghela sa panggagamot ang misteryosang si madre Cecilia (Phoebe Walker). Sa pagdating ni Miguel sa abandonadong seminaryo ay nakilala niya si mang Sandoval (Lou Veloso) na nagsisilbing tagapamahala nito. Kasama,niya rito sina Fabian (Dominic Roque), Marco (John Vic De Guzman) at Carlo (JR Versales) na mga magpapari rin. Kanya kanya silang sinusubok sa lugar ng "seklusyon" at lalo pang nagpadagdag ang pagdating nina Anghela at sister Cecilia. Patuloy naman sa pag-iimbestiga si padre Ricardo. Isa nga bang sugo ng Diyos si Anghela o kampon siya ng kadiliman? Ano ba ang relasyon ng madreng ito sa bata? Ano ang pakay ng dalawa sa mga bagitong magpapari.
Habang pinapanood ko ang Seklusyon, tulad ng nabanggit ko sa aking facebook post: "It's like reading a Stephen King (master of horror) novel." Sa nobela ni Stephen King tulad ng "Firestarter", mabagal sa umpisa ang kuwento ngunit may mga elemento na katatakutan pwera pa sa bata na hindi makontrol ang kapangyarihan niyang lumikha ng apoy pati na rin ang sosyopulitikal na aspeto na hinahabol lamang ng nabulag na lipunan ang supernatural niyang kapangyarihan. Kung maihahalintulad sa Seklusyon at isasaalang alang sa kultura at tradisyon ng Pilipino, nariyan ang mga taong deboto na hindi talaga isinusuri ang isang himala na gawa ng supernatural na kakayahan.
Nariyan ang ilang horror tropes tulad ng nakakagulat na paggalaw ng isang santo (parang eksena sa pelikulang "Itim"), ang batang mala-child of light ba o child of darkness o The Omen? ang karakter, kahit ang inner demons o past life ng mga bagitong magpapari subalit hindi pa rin buo ang subplot ng isang karakter tulad ni John Vic De Guzman bilang Marco. Minolestiya niya ba ang mga bata? Pinagkaitan ba siya ng pagkabata? May bahagi ang pelikula na binibigyan tayo ng impormasyon tungkol sa lihim na pagkatao ni Anghela pero may bahaging malalim ang political undertones na hindi maka-engage ang ilang audience. Isa pang dahilan ang multiple messages na gustong iparating ng pelikula. Nakakatakot ang nightmare sequence ni Miguel lalo na ang rebelasyon ng tunay na katauhan ni Anghela at paghaharap ni padre Ricardo at Anghela.
Kahanga hanga ang pagganap ni Rhed Bustamante bilang Anghela. Ganoon din si Neil Ryan Sese bilang Padre Ricardo.

ORO, sa direksyon ni Alvin Yapan. Sa tatlong pelikulang napanood ko last December 26, ito ang bet ko for Best Picture.
Ang "Oro" ay hango sa Caramoan Massacre dalawang taon na ang nakakalipas. Ayon kay Alvin Yapan sa isang interview, ang pelikulang "Orapronobis" ni Lino Brocka ang kanyang naging inspirasyon sa paggawa ng pelikula. Ang pelikulang "ORO" ay tungkol sa isang barangay na pinamumunuan ni kapitana (Irma Adlawan). Dalawampung taon na siyang naninilbihan sa barangay. Pangunahing hanapbuhay ng tao ang pangingisda ngunit kung kinukulang ay nagkakabod o nagmimina ng ginto ang ilang kalalakihan. Ang salitang "oro" sa Kastila ay ginto. Nagulo ang katahimikan ng barangay ng isang grupo ng armadong lalaki ang ipinatitigil ang kanilang operasyon at hinihingan sila ng permit. Nangyari ito matapos ang paghaharap nila kapitana at Mrs. Razon (Sue Prado) tungkol sa presyo ng pagbebenta ng ginto sa labas.
Matapang na pelikula ang "ORO". Mahusay na iskrip at direksyon. Magaling ang powerhouse cast. Hindi ko talaga malimutan ang matapang na pagganap ni Irma Adlawan bilang Kapitana. Dati yung mga walang takot na babaeng karakter at intense akting na kailangan ng matinding stamina ay napapanood kay Vilma Santos o Maricel Soriano pero saludo talaga ako kay Irma Adlawan dahil nagawa nya ito. Magaling din sina Joem Bascon, Mercedes Cabral, Sue Prado, Sandino Martin at Cedrick Juan.
Kakaiba rin ang paggamit ng "Dutch angle". Ang tabinging kuha ng camera na nagpapahiwatig ng hindi pantay na antas ng tao sa lipunan pati na rin ang nakaambang panganib na magaganap sa kuwento.
Gripping at edge-of-your-seat political thriller ang ORO.

ANG BABAE SA SEPTIC TANK 2: #Foreverisnotenough mula sa panulat ni Chris Martinez at direksyon ni Marlon Rivera
Sequel ng Ang Babae sa Septic Tank ang pelikulang ito. Nagbabalik si Eugene Domingo na ginagampanan ang kanyang sarili. Matapos ang mahabang sabbatical leave sa showbiz ay inalok ni direk (Kean Cipriano) si Eugene sa kanyang iskrip na "The Itinerary". Unang nasa isip na gaganap na asawa ni Eugene si Joel Torre. Gusto ng aktres na si Jericho Rosales ang maging leading man niya. Hindi umaayon si direk sa suhestiyon ng aktres kaya nasabi niyang, "I'm just an actress." Samantala, si Jocelyn (Cai Cortez) ay ang magsisilbing line producer ng pelikula at ang tahimik naman na si Lennon (Khalil Ramos) ang bagong production assistant. Habang pinag-uusapan nila Eugene at direk ang magiging pelikula ay meron namang marital problem si direk. Ang magiging pelikula ay sumasalamin sa nangyayari sa kanyang buhay may asawa. Sa bandang huli, mapapayag kaya nila si Eugene?
Eugene Domingo never fails her audience. Napakahusay pa din. Nakakaloka. Consistent pa rin siya bilang sarili niya. (Hahaha). Nakakatawa ang mga eksena lalo na yung pangatlong klase ng hugot kung dati TV Patrol acting ngayon naman yung hugot lupaypay lupasay. May naalala kami ng kaibigan ko sa hugot level 3. Parang "Maricel Soriano" intense acting iyon at yung ginamit na linya reference sa tagalog 80's classic na "Nagbabagang Luha". Nakakalungkot lang dahil wala si JM De Guzman.
Mas gusto ko pa rin ang unang "Ang Babae sa Septic Tank"  kesa dito pero hindi ako na-disappoint sa sequel. Sa totoo lang, bihira ka na makakita ng magandang sequel. Isa sa magandang sequel na napanood ko "Ang Babae sa Septic Tank 2".
Masaya ang pelikula kaya hindi namin makakalimutan ang ingay ng mga bata sa sinehan.

Thursday, December 15, 2016

ANINO SA LIKOD NG BUWAN (SHADOW BEHIND THE MOON)



Nagkaroon ng free screening ang ANINO SA LIKOD NG BUWAN sa UP Film Center noong December 14.
Ang pelikulang "Anino sa Likod ng Buwan" ay nagkamit ng iba't ibang pagkilala at parangal sa loob at labas ng Pilipinas. Sa pelikulang ito nakamit ni LJ Reyes ang Gawad Urian para sa Pinakamahusay na Pangunahing Aktres.
Ang pelikulang ito ay patungkol sa hidwaan ng militar at rebelde noong 1993 sa Marag Valley. Sina Emma (LJ Reyes) at Nardo (Anthony Falcon) ay ilan lamang sa naipit sa gulo at inilikas dahil sa bayolenteng kaganapan sa labanan. Naging kaibigan nila si Joel (Luis Alandy) na kabilang sa militar. Sa gitna ng kaguluhang ito, dapat ba nilang pagkatiwalaan ang isa't isa?
Sa simula ng pelikula ay makikitang naliligo si Emma (LJ Reyes). Nang matapos ay nagtapi siya at naabutang naglalaro ng baraha habang nag-uusap sina Nardo (Anthony Falcon) at Joel (Luis Alandy). Sumali siya sa laro ng makapagdamit. May mararamdaman kang tensyon sa mga tauhan ng pelikula habang nanonood kahit sa simula pa lang. May mga bahagi na kung saan dahil sa haba ng monologue at dialogue ng mga karakter ay para kang nanonood ng isang Ingmar Bergman film. Talkie film kumbaga. Makakakuha ka ng clue o hint na delikado at kumplikado ang sitwasyon ng tatlong karakter sa kanilang linya. Sa first half na bahagi ng pelikula ay mabagal at sa mga usapan lang tayo umaasa at nakakuha ng impormasyon ngunit habang tumatagal ang pelikula ay lalong nagiging interesante ang mga karakter at intense ang mga eksena. (Hindi ako masyadong magkwekwento dahil spoiler alert!).
Humanga ako sa pagkakaganap ni LJ Reyes bilang Emma. Sa una, hindi mo maintindihan ang motibo niya sa pagiging malapit kay Joel at ang panlalamig niya kay Nardo. Maaaring ituring na femme fatale si Emma lalo na kapag nalaman mo ang kanyang tunay na motibo. Manipulative at scheming si Emma. Samantala, masasabing pantay pantay na nabigyan ng pagkakataong maipamalas ang kanilang angking galing sa pag arte sina LJ, Anthony Falcon at Luis Alandy. Isa pa sa hinangaan ko rito ay si Anthony Falcon. Dama mo ang theatrical roots niya sa pag-arte. Si Luis Alandy ay binigyan ng sapat na interpretasyon ang kanyang role. Subalit, talagang nakakapanibago si LJ Reyes dahil sa atake niya sa kanyang karakter. Malayong malayo sa mga roles niya a telebisyon. Deserving ang pagkapanalo ni LJ Reyes bilang Pinakamahusay na Pangunahing Aktres sa Gawad Urian sa pelikulang ito.
Dama mo din ang theatrical roots ni Jun Lana sa mga linya ng karakter, blockings pati ang paggamit ng mala-claustrophobic set sa pelikula. Magaling din ang kanyang direksyon.
Kakaiba rin ang dating ng pelikula dahil sa paggamit ng mala-footage o analog video na maaaring dala na rin ng editing. Ito lalo ang nagbigay ng mood na foreboding at delikado sa kalagayan ng mga karakter.
Catchy rin ang ginamit na pamagat. Maaaring ito'y tumutukoy sa eclipse na kasabay ng mga damdamin at pagnanasang pilit na itinatago o mga lihim na sa bandang huli ay mabubunyag rin.
Compelling at gripping sa bawat twists ng pelikula na para kang nagbabasa ng page turner na libro. Napakahusay na political thriller ang ANINO SA LIKOD NG BUWAN (Shadow Behind the Moon).


Friday, December 9, 2016

"MAGIC TEMPLE: Digitally Restored and Remastered Version"



Hindi mawawala sa isipan ng mga bata at kabataan noong 90's ang pelikulang "Magic Temple". Isa ito sa kilalang fantasy adventure Filipino teen movie noon. Naging tanyag din ito sa ilang linya ng kanta sa pelikula na "tabi, tabi po sa bangkay/lulubog, lilitaw sa saradong hukay". Maituturing din itong pop culture ng dekada 90. 
Kabilang ang pelikulang ito sa 22nd MMFF noong 1996. Kasabay nito ang mga pelikulang "Mulanay: Sa Pusod ng Paraiso" starring: Jaclyn Jose bilang doctor at the barrio, Gina Alajar at John Arcilla. (Nararapat din i-digitally restore at remaster itong "Mulanay". Maganda din ang pelikulang ito). Isa pa ang remake ng Trudis Liit starring: Amy Austria, Jean Garcia, Suzette Ranillo at Agatha Tapan.
Una ito sa tatlong pelikulang tampok sina Jason Salcedo at Junell Hernando sa direksyon nila Peque Gallaga at Lore Reyes. Pagkatapos ng Magic Temple, ginawa naman ang "Magic Kingdom" (1997) na film debut ni Anne Curtis at "Gangland" (1998) film debut naman ni Ryan Eigenmann. Ang "Magic Temple" at "Magic Kingdom" ay parehong fantasy adventure teen movies samantalang tumatalakay sa isyung kabataan sa tunay na mundo ang "Gangland".
Ipinalabas ang digitally restored at remastered version ng "Magic Temple" sa Rockwell Power Plant Mall noong December 6, 8 pm ng Cinema 1 at 2 nito. Sa Cinema 2, bago magsimula ang pelikula ay host ang direktor na si Eric John Salut. Kwela at kalog si direk. Dinaluhan ng ilang personalidad ang gala screening tulad nila Ricky Davao, Agot Isidro, Juan Miguel Severo, Cathy Garcia-Molina, Lance Raymundo pati ang mga casts and crew ng pelikula kabilang sina Sydney Sacdalan, Dodge Ledesma, Jun Urbano, Mae Cruz-Alviar, Marc Solis at Junell Hernando.
Ang "Magic Temple" ay tungkol sa tatlong kabataang sina Jubal (Jason Salcedo), Sambag (Junell Hernando) at Omar (Marc Solis) na sinanay ni Master Sifu (Jun Urbano) upang ipadala sa kaharian ng Samadhi at harapin ang kalabang si Ravenal (Jackie Lou Blanco). Ipinangako naman ni Master Sifu na may tutulong sa kanila. Sa kanilang paglalakbay nakilala nila sina Telang Bayawak (Gina PareƱo), Sisig (Cholo Escano) at Shaolin Kid (Sydney Sacdalan). Naging kaibigan nila ang multong batang si Yasmin (Anna Larrucea) na hinahanap ang kanyang buto up an manahimik na ang kanyang kaluluwa. Nagkagusto naman sa kanya si Sambag. Nakilala rin nila si Rexor (Aljon Jimenez) na kampon ng kalabang nilang si Ravenal. Sa bandang huli ay nahanap nila ang buto ni Yasmin at natalo nila ang mga kalabang si Rexor at Ravenal. Nanaig ang kabutihan laban sa kasamaan. 
Nauso noon ang mga kung fu na may halong fantasy movies. Evident ito sa mga Chinese movies na pinagbibidahan nila Jet Li, Donnie Yen, Stephen Chow, Jackie Chan at Chow Yun Fat. Marahil nakakuha ng ideya o reference rito ang "Magic Temple". 
Marami ring teoriya ang pelikula tulad ng mga pangalan ng pangunahing tauhan. Si Jubal ay nag-rerepresent sa Luzon, si Sambag naman ay Visayas samantalang si Omar ay sa Mindanao. Maaaring tinatalakay ang "regionalism" sa pelikula. Hindi rin malinaw kung bakit si Sambag ang nagsisilbing narrator o voice over sa pelikula. Dahil ba sa ang filmmaker ay taga-Visayas. Maaari ring siya ang nagsilbing balanse sa kanilang tatlo. Kung ito ang teorya ng pelikula ay may pulitikal na aspeto na hindi halata ng manonood. 
Sa dekada '90, masasabing mahusay ang mga special effects na maaaring makipagsabayan sa ibang pelikulang Asyano pagdating sa genre na fantasy. Mahusay din ang prosthetics na ginamit. 
Hindi nakumpleto ang dekada '90 kung wala ang "MAGIC TEMPLE". 
Sana ay ma-digitally restore at remaster din ang "MAGIC KINGDOM".