Thursday, December 15, 2016

ANINO SA LIKOD NG BUWAN (SHADOW BEHIND THE MOON)



Nagkaroon ng free screening ang ANINO SA LIKOD NG BUWAN sa UP Film Center noong December 14.
Ang pelikulang "Anino sa Likod ng Buwan" ay nagkamit ng iba't ibang pagkilala at parangal sa loob at labas ng Pilipinas. Sa pelikulang ito nakamit ni LJ Reyes ang Gawad Urian para sa Pinakamahusay na Pangunahing Aktres.
Ang pelikulang ito ay patungkol sa hidwaan ng militar at rebelde noong 1993 sa Marag Valley. Sina Emma (LJ Reyes) at Nardo (Anthony Falcon) ay ilan lamang sa naipit sa gulo at inilikas dahil sa bayolenteng kaganapan sa labanan. Naging kaibigan nila si Joel (Luis Alandy) na kabilang sa militar. Sa gitna ng kaguluhang ito, dapat ba nilang pagkatiwalaan ang isa't isa?
Sa simula ng pelikula ay makikitang naliligo si Emma (LJ Reyes). Nang matapos ay nagtapi siya at naabutang naglalaro ng baraha habang nag-uusap sina Nardo (Anthony Falcon) at Joel (Luis Alandy). Sumali siya sa laro ng makapagdamit. May mararamdaman kang tensyon sa mga tauhan ng pelikula habang nanonood kahit sa simula pa lang. May mga bahagi na kung saan dahil sa haba ng monologue at dialogue ng mga karakter ay para kang nanonood ng isang Ingmar Bergman film. Talkie film kumbaga. Makakakuha ka ng clue o hint na delikado at kumplikado ang sitwasyon ng tatlong karakter sa kanilang linya. Sa first half na bahagi ng pelikula ay mabagal at sa mga usapan lang tayo umaasa at nakakuha ng impormasyon ngunit habang tumatagal ang pelikula ay lalong nagiging interesante ang mga karakter at intense ang mga eksena. (Hindi ako masyadong magkwekwento dahil spoiler alert!).
Humanga ako sa pagkakaganap ni LJ Reyes bilang Emma. Sa una, hindi mo maintindihan ang motibo niya sa pagiging malapit kay Joel at ang panlalamig niya kay Nardo. Maaaring ituring na femme fatale si Emma lalo na kapag nalaman mo ang kanyang tunay na motibo. Manipulative at scheming si Emma. Samantala, masasabing pantay pantay na nabigyan ng pagkakataong maipamalas ang kanilang angking galing sa pag arte sina LJ, Anthony Falcon at Luis Alandy. Isa pa sa hinangaan ko rito ay si Anthony Falcon. Dama mo ang theatrical roots niya sa pag-arte. Si Luis Alandy ay binigyan ng sapat na interpretasyon ang kanyang role. Subalit, talagang nakakapanibago si LJ Reyes dahil sa atake niya sa kanyang karakter. Malayong malayo sa mga roles niya a telebisyon. Deserving ang pagkapanalo ni LJ Reyes bilang Pinakamahusay na Pangunahing Aktres sa Gawad Urian sa pelikulang ito.
Dama mo din ang theatrical roots ni Jun Lana sa mga linya ng karakter, blockings pati ang paggamit ng mala-claustrophobic set sa pelikula. Magaling din ang kanyang direksyon.
Kakaiba rin ang dating ng pelikula dahil sa paggamit ng mala-footage o analog video na maaaring dala na rin ng editing. Ito lalo ang nagbigay ng mood na foreboding at delikado sa kalagayan ng mga karakter.
Catchy rin ang ginamit na pamagat. Maaaring ito'y tumutukoy sa eclipse na kasabay ng mga damdamin at pagnanasang pilit na itinatago o mga lihim na sa bandang huli ay mabubunyag rin.
Compelling at gripping sa bawat twists ng pelikula na para kang nagbabasa ng page turner na libro. Napakahusay na political thriller ang ANINO SA LIKOD NG BUWAN (Shadow Behind the Moon).


No comments:

Post a Comment