Friday, December 9, 2016

"MAGIC TEMPLE: Digitally Restored and Remastered Version"



Hindi mawawala sa isipan ng mga bata at kabataan noong 90's ang pelikulang "Magic Temple". Isa ito sa kilalang fantasy adventure Filipino teen movie noon. Naging tanyag din ito sa ilang linya ng kanta sa pelikula na "tabi, tabi po sa bangkay/lulubog, lilitaw sa saradong hukay". Maituturing din itong pop culture ng dekada 90. 
Kabilang ang pelikulang ito sa 22nd MMFF noong 1996. Kasabay nito ang mga pelikulang "Mulanay: Sa Pusod ng Paraiso" starring: Jaclyn Jose bilang doctor at the barrio, Gina Alajar at John Arcilla. (Nararapat din i-digitally restore at remaster itong "Mulanay". Maganda din ang pelikulang ito). Isa pa ang remake ng Trudis Liit starring: Amy Austria, Jean Garcia, Suzette Ranillo at Agatha Tapan.
Una ito sa tatlong pelikulang tampok sina Jason Salcedo at Junell Hernando sa direksyon nila Peque Gallaga at Lore Reyes. Pagkatapos ng Magic Temple, ginawa naman ang "Magic Kingdom" (1997) na film debut ni Anne Curtis at "Gangland" (1998) film debut naman ni Ryan Eigenmann. Ang "Magic Temple" at "Magic Kingdom" ay parehong fantasy adventure teen movies samantalang tumatalakay sa isyung kabataan sa tunay na mundo ang "Gangland".
Ipinalabas ang digitally restored at remastered version ng "Magic Temple" sa Rockwell Power Plant Mall noong December 6, 8 pm ng Cinema 1 at 2 nito. Sa Cinema 2, bago magsimula ang pelikula ay host ang direktor na si Eric John Salut. Kwela at kalog si direk. Dinaluhan ng ilang personalidad ang gala screening tulad nila Ricky Davao, Agot Isidro, Juan Miguel Severo, Cathy Garcia-Molina, Lance Raymundo pati ang mga casts and crew ng pelikula kabilang sina Sydney Sacdalan, Dodge Ledesma, Jun Urbano, Mae Cruz-Alviar, Marc Solis at Junell Hernando.
Ang "Magic Temple" ay tungkol sa tatlong kabataang sina Jubal (Jason Salcedo), Sambag (Junell Hernando) at Omar (Marc Solis) na sinanay ni Master Sifu (Jun Urbano) upang ipadala sa kaharian ng Samadhi at harapin ang kalabang si Ravenal (Jackie Lou Blanco). Ipinangako naman ni Master Sifu na may tutulong sa kanila. Sa kanilang paglalakbay nakilala nila sina Telang Bayawak (Gina PareƱo), Sisig (Cholo Escano) at Shaolin Kid (Sydney Sacdalan). Naging kaibigan nila ang multong batang si Yasmin (Anna Larrucea) na hinahanap ang kanyang buto up an manahimik na ang kanyang kaluluwa. Nagkagusto naman sa kanya si Sambag. Nakilala rin nila si Rexor (Aljon Jimenez) na kampon ng kalabang nilang si Ravenal. Sa bandang huli ay nahanap nila ang buto ni Yasmin at natalo nila ang mga kalabang si Rexor at Ravenal. Nanaig ang kabutihan laban sa kasamaan. 
Nauso noon ang mga kung fu na may halong fantasy movies. Evident ito sa mga Chinese movies na pinagbibidahan nila Jet Li, Donnie Yen, Stephen Chow, Jackie Chan at Chow Yun Fat. Marahil nakakuha ng ideya o reference rito ang "Magic Temple". 
Marami ring teoriya ang pelikula tulad ng mga pangalan ng pangunahing tauhan. Si Jubal ay nag-rerepresent sa Luzon, si Sambag naman ay Visayas samantalang si Omar ay sa Mindanao. Maaaring tinatalakay ang "regionalism" sa pelikula. Hindi rin malinaw kung bakit si Sambag ang nagsisilbing narrator o voice over sa pelikula. Dahil ba sa ang filmmaker ay taga-Visayas. Maaari ring siya ang nagsilbing balanse sa kanilang tatlo. Kung ito ang teorya ng pelikula ay may pulitikal na aspeto na hindi halata ng manonood. 
Sa dekada '90, masasabing mahusay ang mga special effects na maaaring makipagsabayan sa ibang pelikulang Asyano pagdating sa genre na fantasy. Mahusay din ang prosthetics na ginamit. 
Hindi nakumpleto ang dekada '90 kung wala ang "MAGIC TEMPLE". 
Sana ay ma-digitally restore at remaster din ang "MAGIC KINGDOM".

No comments:

Post a Comment