Sunday, January 1, 2017

MMFF 2016 movies part 2

Katatapos lang nang naganap na Metro Manila Film Festival (MMFF) Awards Night noong December 26. May mga ilang pagbabago o nadagdag sa kategorya ng pagbibigay parangal tulad ng Special Jury Prize at Best Ensemble. Natanggal naman ang 3rd, 2nd at 1st Best Picture na sa mga nagdaang taon ay kasama sa parangal. Tanging Best Picture na lamang. Wala ring Gender Sensitivity Award ang pumalit ay Children's Choice Award at My Most Favorite MMFF Film. Kung mapapansin sa mga nagdaang MMFF, ang mga short films ay hindi isinasali sa main competition at ito ay ipinapalabas bago ang MMFF New Wave. Ngayong taon naman, ipinalabas ang mga short films sa main competition. Kung may pagbabago sa MMFF, sana sa FAMAS din.

Samantala, dumako naman tayo sa ikalawang bahagi ng aking pag-rebyu ng ilang movies sa MMFF. 



DIE BEAUTIFUL. Idea First Company, October Train Films, Regal Films directed by: Jun Lana.

Ang mga kuwento tungkol sa mga transgender ay madalas natin mapanood sa isang episode ng mga drama anthology sa telebisyon pero ang kwento ng namatay na transgender at ipakita ang kanyang nakaraan at legacy niya sa mga naiwan nya na binigyan ng artful taste ay bihira.

Sa naunang pelikulang "Bwakaw" sa direksyon din ni Jun Lana, si Eddie Garcia ay isang matanda na umamin at tinanggap ang pagiging bakla kahit parang huli na at pinaghahandaan na rin ang kanyang kamatayan. Sa "DIE BEAUTIFUL" ay hindi inaasahan ang pagkamatay ni Trisha (Paolo Ballesteros) ng manalo sa wakas sa Binibining Gay Pilipinas. Ipinapakita sa flashbacks ang kanyang mga pinagdaanan mula pagkabata na tinututulan ng kanyang ama (Joel Torre) ang pananamit babae nito, ampunin nya ang isang sanggol at maging dalaga ito, ang pagkakaibigan nila ni Barbs (Christian Bables), pagsali nila sa mga gay beauty pageants hanggang sa makamit na ang pinakamimithi niyang gantimpala hanggang sa kanyang kamatayan. Bago siya mamatay ay may habilin siya kay Barbs na dapat iba-iba ang make-up niya sa isang linggo ng burol niya.

Tulad ng pelikulang "Bwakaw" at "Barber's Tales" at unang bahagi ng "Anino sa Likod ng Buwan", tahimik ang pelikula. Sa mga pelikulang tumatalakay sa bahay ng transgender tulad ng "The Adventures of Priscilla Queen of the Desert" at "To Wong Foo, Thanks for Everything, Julie Newmar", napakahalaga ng musika sapagkat ito ang nagdadagdag kulay sa kwento ng buhay ng transgender na talagang makulay. Ngunit, kakaiba ang ginawa sa Die Beautiful dahil sa walang musikang ginamit upang maipakita na ang buhay ng transgender ay hindi laging masaya. Sa hindi paggamit ng musika ay nagdagdag ito sa slow-paced na istilo ng pelikula. Nagalingan ako kay Christian Bables bilang Barbs, ang ever supportive confidante ni Trisha (Paolo Ballesteros). Mahusay din si Paolo Ballesteros.

Maaaring mangyari ulit ang naganap noong Gawad Urian nang maging parehas nominado sa Pinakamahusay na Pangunahing Aktres sina Amy Austria at Gina Alajar sa pelikulang "Brutal" kanila Paolo Ballesteros at Christian Bables sa "Die Beautiful" dahil maaaring parehas silang maging nominado sa Pinakamahusay na Pangunahing Aktor ang dalawa. I hope manalo si Christian Bables.


VINCE AND KATH AND JAMES. Star Cinema directed by: Theodore Boborol

Si Vince (Joshua Garcia)ay may lihim na pagtingin kay Kath (Julia Barretto). Naging magkaklase ang dalawa sa isang subject noong 1st year college. Si James (Ronnie Alonte) ay Basketball varsity player na nagkakagusto din kay Kath. Mag-pinsan sina Vince at James. Si Vince ay nakatira sa puder nila James dahil hindi siya tanggap ng bagong asawa ng kanyang ina kaya inampon siya ng mga magulang ni James. Kapalit naman nito ang madalas na paghingi ng pabor sa kanya ni James kahit pa ang maging kasintahan si Kath. Sa kabilang banda, si Kath ay galit sa kanyang ama dahil sa nawala ito ng apat na taong pagtratrabaho sa ibang bansa. Lingid sa kaalaman ni Kath, si Vince ang may likes ng blog na "Da Vinci Quotes" na madalas niyang i-like. Sa pagpayag ni Vince kay James na ligawan si Kath at magsilbing tulad sa pamamagitan ng text, malaman kaya ito ni Kath? At kung malaman niya, sino naman kaya ang pipiliin nya?

Teen movie of the millenial generation. Formula ng boy-gets-girl ang pelikulang ito. Kaya pala next John Lloyd Cruz daw si Joshua Garcia. In fairness, pwede. Convincing si koya. Ronnie Alonte is an eye candy sa kanyang jock na karakter. Elemento talaga ng teen movie yun. At ang issue ng utang na loob na discuss din sa movie. Pero ang talagang napansin ko... Ina Raymundo grabe parang hindi tumatanda. May alindog pa din. Maganda at sexy pa din. Ene be Sabado Nights? Eksenadora ang isang batla sa movie. Anyway, pinakita din sa movie ang effect ng social media at texting sa kabataan na apparent nowadays na nagiging distraction. 


KABISERA. directed by: Arturo San Agustin and Real Florido

Hindi na bago si ate Guy (Nora Aunor) na gumanap ng mga karakter na naipit sa kumplikadong sitwasyon tulad na lamang sa nauna niyang pelikula ngayong taon na "Whistleblower" kahit magkaiba ang kuwento ngunit parehas na political drama ang genre. Nasaksihan din natin si ate Guy sa political drama tulad ng mga pelikula niyang "Bakit May Kahapon pa?". Napapanahon at relevant ang isyung tinalakay sa pelikula tulad ng extrajudicial killings. Saka ang pelikulang ito ay parang halo-halo. Nandyan ang political drama thriller na may family drama at courtroom drama na din. Nagalingan ako kay Victor Neri at Ces Quesada sa pelikulang ito. 

No comments:

Post a Comment