Friday, August 25, 2017

4 DAYS




August 24 nang magkaroon ng screening ang pelikulang "4 Days" sa UP Cine Adarna. Unang ipinalabas ang pelikula sa Cinemalaya noong 2016.

Sina Mark (Mikoy Morales) at Derek (Sebastian Castro) ay roommates na nagkaroon ng malalim na relasyon. Makikita ang development ng kanilang relasyon in a span of 4 Valentine's Day. 

Tulad sa mga naunang pelikula ni Adolf Alix, Jr. na "Daybreak" at "Muli", tinalakay ng pelikula ang same-sex romantic relationships. Tahimik at slow-paced din ang pelikula. Hindi din masyadong gumamit ng musika at tunog ang pelikula. Mas binigyang diin nito ang mga galaw at kilos (movements, mannerisms at gestures) ng mga tauhan. Makikita ito sa mga pagsulyap at mga bagay na hindi masabi ng dalawang karakter. Mararamdaman mo din ang melancholia ng dalawang tauhan sa pelikula dahil minimal ang dialogues. Ang kaibahan ng pelikulang ito sa naunang dalawang gay movies ni Alix ay implied ang sex scene nila Mark at Derek.

Hindi na bago kay Mikoy Morales ang pagganap ng gay roles. Mapapanood na siyang gumaganap ng gay roles sa TV series na Pepito Manaloto at D'Originals. Kakaiba ang atake ni Mikoy Morales sa karakter nya dito. Tahimik ngunit sa confrontation scene nila Sebastian Castro ay nakita natin ang puso ng kanyang karakter. Kaya naman hindi na kataka-takang nag-number 9 ang performance niya sa episode ng “Ang Pinaka: Fabulous Papa Turned Mama”. Habang pinapanood ko siya ay nakikita ko sa kanya si Ruru Madrid. Hehehe.

Base sa trivia na binigay ng filmmaker at actors, 2 araw lamang ginawa ang pelikula. May switching of roles sina Mikoy at Sebastian na parang nangyari kanila William Hurt at Raul Julia sa pelikulang "Kiss of the Spider Woman". Ang nakakatuwa mas pinili ni Sebastian ang straight then later bisexual na si Derek. Napanindigan naman niya role sa pelikula.

Nakakatuwang malaman na collaboration nila Sebastian Castro, Adolf Alix Jr. at Mikoy Morales ang istorya. Base rin sa trivia ni direk Adolf, wala silang draft script kundi outline lamang habang ginagawa ang pelikula.

Nakakatuwa ding malaman na distributor ng pelikulang 4 Days ang TLA releasing.

Scene stealer din si Rosanna Roces bilang nanay ni Derek at nakadagdag sa emotional mood ng pelikula ang kanta ni Mikoy Morales na “Pusong Hindi Makatulog”.

Ipinakita din ang trailer ng pelikulang "Madilim ang Gabi" na ipapalabas sa Toronto International Film Festival kung saan pagbibidahan ito nila Gina Alajar at Philip Salvador at "Urban Legends" kung saan ang bida naman ay sina Nora Aunor, Martin Del Rosario at Sebastian Castro.


Sunday, August 20, 2017

PATAY NA SI HESUS at Muling Pagkabuhay ng dekalidad na comedy ng pelikulang Pilipino



Isa sa mga pelikulang kasama sa Pista ng Pelikulang Pilipino ang "Patay na si Hesus". Una itong naging kalahok sa 2nd QCinema noong 2016.

Nabalitaan ng single mother na si Iyay/Maria Fatima (Jaclyn Jose) na namatay na ang kanyang estranged husband na si Hesus. Nagdesisyon siyang isama ang kanyang mga anak upang bumiyahe mula Cebu hanggang Dumaguete para makipaglamay sa burol ni Hesus. Ayaw sumama ng dalawa niyang anak na sina Jude o Judith Marie (Chai Fonacier) na isang transman at underachiever na anak niyang si Jay (Melde Montanez) na unemployed at maka-ilang beses ng bumagsak sa board exam at patuloy pa ring umaasang makakapasa pa. Si Bert (Vincent Viado) lang ang gustong sumama kay Iyay habang bitbit ang alagang asong si Hudas (Sadie). Hindi payag si Iyaya na hindi sumama sina Jude at Jay kaya naman siya na ang nagdesisyong magmaneho ng kanilang van. Dadaanan din nila sa isang kumbento ang madreng hipag ni Iyay na si Lucy (Angelina "Mailes" Kanapi). Sa kanilang paglalakbay ay marami silang makikilala at mapagdadaanan at unti-unti itong magbubukas sa komunikasyon sa isang dysfunctional family hindi lamang upang masabing nakipaglamay sila sa burol ng ama bagkus ito ay para mas mapalapit ang isa't isa at mapagtibay ang samahan ng pamilya.  

Matagal na din akong nakakapanood ng road movies. Ilan lamang ang mga sumusunod na road movies: Two For the Road (1967) kasama sina Albert Finney at Audrey Hepburn, Thelma and Louise (1991) kasama sina Geena Davis at Susan Sarandon, Little Miss Sunshine (2006) kasama sina Steve Carell, Toni Collette, Greg Kinnear, Abegail Breslin at Paul Dano kahit ang pelikulang "Biyaheng Lupa" ni Armando Lao at "Langit sa Piling Mo" ni Eric Quizon. 

Naiiba naman ang road movie na "Patay na si Hesus" sa pelikulang Pilipino. Surprising na nakakatawa ang pelikula. Grabe ang tawa naming ng bestfriend ko habang pinapanood ang pelikula. Patay na si Hesus is very witty, outrageously and wickedly funny. May bahagi ang pelikula na somewhat may "Little Miss Sunshine" feels lalo't tungkol ito sa isang dysfunctional family at merong namatay na karakter. 

Chai Fonacier is magnificent. Labis ang aking paghanga sa aktres na si Chai Fonacier bilang Jude o Judith Marie. Nabigyan nya ng puso ang isang transman na naghahanap ng kalinga at pagmamahal at umaasang maibabalik sa kanya ang pagmamahal ng kanyang girlfriend dahil na rin sa itinuring na niyang para itong anak. Jaclyn Jose is astonishing. Napahanga rin ako ni Jaclyn Jose bilang Iyay o Fatima Marie dahil naiiba rin ang pagganap niya dito. Ewan ko ba kung bakit na-convince niya ako sa pagiging Bisaya niya. Talagang pinag-aralan niya ang paggamit ng Bisayang lengwahe. Isa ito sa mga dramedy roles nya na hindi ko makakalimutan tulad na lamang sa kanyang teleserye na “Mundo Mo’y Akin”. Subtle at hindi pilit magpatawa gaya na lamang ng kanyang co-actors. Natutuwa din ako kay Melde Montanez dahil effortless din ang pagpapatawa niya. Natural na natural. Ang pagganap ni Angelina Kanapi sa pelikulang ito ay parang extension ng kanyang role sa “Zombadings: Patayin sa Shokot si Remington.” Hahaha. Ang karakter naman ni Vincent Viado ang nagbigay ng konsensya sa kanyang pamilyang naguguluhan sa current situation nila sa buhay.

Mahusay ang paggawa ng script at execution ng direction dahil hindi ito pilit magpatawa at pinapakita ang normal na conversation at pinagdadaanan ng isang dysfunctional family. Magaling ang character development sa pelikula na makikita mo habang pinapanood ang bawat miyembro ng pamilya ni Iyay mula simula hanggang huli.

Maraming nakakatawang moments ang pelikula na ayokong masyadong maging spoiler. Mag-share ako ng konti. Mapapansin sa pelikula ang contrasting na pangyayari o masasabi mong irony tulad na lamang sa burol at libing ni Hesus kung saan may nagpropose ng kasal sa burol at ang mah-jong na naging lego. Sa eksenang namatay ang asong si Hudas, nakaputi ang mga nakikiburol sa pagkamatay ni Hesus samantalang nakaitim ang pamilya nila Iyay at mas iniyakan nila ang pagkamatay ng aso kesa Hesus. Nagpapakita lamang na mas meron pang relasyon o koneksyon ang pamilya nila Iyay sa hayop kesa sa ama nilang namatay. Kahit sa pangalan ni Hesus at Hudas ay makikita mo ang contrast o irony. 

One helluva ride ang Patay na si Hesus. Hindi ko pinagsisihang panoorin ang pelikulang ito.





Wednesday, August 16, 2017

RESPETO (2017): Ang pelikulang karapat-dapat na i-respeto




Isa sa mga pelikulang kalahok sa Cinemalaya 2017 ang "Respeto". Mula sa direksyon ni Alberto Treb Monteras II at panulat nina Treb Monteras at Njel De Mesa.

Si Hendrix (Abra) ay isang kabataang maagang namulat sa karahasan at kahirapan sa kanilang lugar sa Pandacan. Pangarap niyang maging sikat na freestyle rapper o sa flip top tulad ni Jogard Bayagbag o mas kilala sa tawag na Breezy G. (Loonie)

Dahil na rin sa hirap ng buhay at pakikisama sa kinakasama ng ate Connie (Thea Yrastorza) niyang si Mando (Brian Arda) ay napipilitang magbenta ng droga si Hendrix. 

Sa kagustuhang mapasabak sa pagtatangka niyang sumubok sa flip top at mapansin ng kanyang hinahangaang si Candy (Kate Alejandrino) ay nagamit nya ang pera ni Mando. Sa kasamaang palad ay natalo siya at napagalitan at nasaktan pa ni Mando. Kaya naman naisipan niyang pasukin ang bahay ni Doc (Dido Dela Paz), isang retiradong makata. Tinulungan si Hendrix ng kanyang mga kaibigang sina Betchai (Chai Fonacier) at Payaso (Yves Bagadiong).

Nabigo silang tatlo ng mahuli ang tatlo ni Doc ngunit imbes na hayaang maparusahan ang tatlo ay hiniling na lang niya na ayusin ang kanyang bookshelves.

Natuklasan ng tatlo ang mga likha ni Doc na gusto niyang ibaon sa limot. Unti-unti ring nagkakasundo sina Doc at Hendrix pati ang kaibigan ni Hendrix.

Hindi makapaniwala si Doc dahil ang mga itinabi niyang likha ay ginamit ni Hendrix para sa isang gabi ng showdown ng flip top. Kaya sumugod si Doc sa event at sinabihang "huwad na makata" at "hindi lamang magnanakaw ng gamit. Magnanakaw din ng ideya" si Hendrix.

Hindi ito naging dahilan para magalit at tuluyang lubayan ni Doc si Hendrix.  

Samantala, hindi makasundo ni Doc ang kanyang anak na pulis (Nor Domingo). Hindi rin gusto ng anak nya na mamalagi siya sa lumang bahay na punong puno ng mapait na alaala. Walang kamalay malay si Doc na kasabwat ang anak niya sa pagbebenta ng ilegal na droga.

Hindi naman makapaniwala si Hendrix na ang aabutan niya ng drogang ipinapahatid sa kanya ay si Breezy G. At magiging witness siya sa isang masaklap na pangyayari ang i-gang rape si Candy.

Dito lalong nagkaroon ng koneksyon si Doc at Hendrix dahil si Doc ay may parehong karanasan ng kanyang pamilya noong panahon ng diktadurya.

Sa kaarawan ni Hendrix, isang kagimbal gimbal na pangyayari ang masasaksihan ni Hendrix na maski siya ay magiging bahagi nito.

Pinaghalong tradisyunal at makabago ang paraan upang i-reach out ang mga millenials na manonood. Ang ganitong paraan ay itinuturing na instrumento o daan upang maging komunikasyon sa pamamagitan ng mga berso at tula. 

Malaki man ang impluwensiya ng mga Hollywood films tulad ng 8 Mile (2000) at mga likha ni Spike Lee na maaaring naging reference ng pelikula. Fresh ang take sa konsepto ng pelikula lalo't bihira kang makapanood ng ganito sa pelikulang Pilipino.

Hindi siya basta poverty porn film. Napapanahon ang mga isyung tinalakay sa pelikula. Maraming sosyopolitikal at sosyoekonomika ang mga tinalakay sa pelikula. Nariyan ang kalagayan sa lipunan, kahirapan, prostitusyon at pagbabago sa uri ng panitikan. Natalakay din ang extrajudicial killings na una kong napanood sa "Engkwentro" ni Pepe Diokno. Sa demolition scene ng pelikula pinaalala sa akin nito ang isang parehong eksena sa pelikulang "Ataul for Rent" ngunit mas matapang na inilarawan ang demolition scene sa pelikulang ito.

Mahusay ang pagkakaganap ni Dido Dela Paz bilang Doc. Sumasalamin siya sa isang henerasyon na pilit nililimot ang pait ng kasaysayan. Ang relasyon nila Doc at Hendrix ay sumisimbolo sa generation gap. Challenging sa part nila Abra at Loonie ang gumanap sa kanilang papel dahil hindi mo alan kung paano sila huhugot ng emosyon subalit napanindigan naman nila ang kanilang papel. Mas lalong mapanghamon sa part ni Abra ang pagganap bilang troubled na kabataang nangangarap na maging rapper at sumikat sa larangan ng flip top. Magaling din si Nor Domingo bilang anak na pulis ni Doc. Si Nor Domingo ang gumanap na kanang kamay sa karakter ni Nonie Buencamino sa TV series na "The Greatest Love" at nagsilbi ring Lighting Director ng show

Humanga ako kay Chai Fonacier. Dumagdag muli sa kanyang filmography ang pelikulang ito. Naalala ko siya sa pelikulang "Pauwi Na". Kaya naman aabangan ko siya sa "Patay na si Hesus" dahil hindi ko ito napanood nung QCinema 2016. Naalala ko kay Chai Fonacier si Taraji P. Henson hindi sa kanyang hitsura kundi sa galing sa pag-arte. Isa siya sa pakakaabangan na indie actress na maaaring ihanay kanila Angeli Bayani, Mercedes Cabral, Irma Adlawan at Sue Prado.

Kahit maikli ramdam mo ang sakit sa nangyari sa karakter na Candy ni Kate Alejandrino. Siya rin ang gumanap na ex-girlfriend sa lesbian karakter ni Jasmine Curtis-Smith sa pelikulang "Baka Bukas".

Mahusay ang execution ng pelikula kahit ang script nito. Magaling rin ang musika dahil ito ay nilapat ni Jay Durias. Maski ang teknikal na aspeto tulad ng ilaw at tunog ay umakma sa pelikula.


Karapat-dapat lamang na i-respeto ang pelikulang "Respeto".