Monday, October 30, 2017

NEOMANILA (2017, QCinema)


Matapos ang mga dekalidad na Filipino political crime thriller movies tulad ng "Engkwentro" (2009), "On the Job" (2013), "10 000 Hours" (2013) at Respeto (2017), narito naman ang pelikulang "Neomanila" na kabilang sa Circle Competition ng QCinema 2017.

Magiging entry ng Pilipinas sa darating na Academy Awards o Oscars for Best Foreign Language Film ang isa sa pelikula ni Mikhail Red ngayong taon ang "Birdshot"' na ipinalabas kamakailan lamang sa Pista ng Pelikulang Pilipino. Back-to-back o consecutive din ang pagtalakay niya sa mga sociopolitical crime thriller. 

Si Toto (Timothy Castillo) ay isang ulilang teenager na ginagawa ang lahat upang makalabas ang kuya Kiko (Ross Pesigan) niya sa kulungan dahil sa droga. Kahit nag-drodroga ang kanyang kapatid ay hindi niya bisyo ito. Samantala, kabi-kabila ang mga extrajudicial killings sa bansa at isa sa mga hitwoman nito ay si Irma (Eula Valdes). Naawa si Irma kay Toto dahil ulila na ito, siya pa ang gumagawa ng paraan para mailabas sa kulungan ang kanyang kuya, ginugulo siya ni Dugo (Jess Mendoza) at kaibigan ni Irma ang nanay ni Toto. Kaya naman kinupkop ni Irma si Toto. Katuwang ni Irma si Raul (Rocky Salumbides) sa raket nila tuwing tumatawag si Sarge. Isinama nila Irma at Raul si Toto sa operasyon sa pagpatay sa mga target. Ngunit saan dadalhin ang pagiging motherly ni Irma kung sa huli ang target nila ay isang taong matagal na niyang hinahanap.

Maihahalintulad ang karakter ni Eula Valdes na si Irma sa karakter ni Gena Rowlands sa pelikulang "Gloria" (1980). World hardened woman sila pareho at kinakitaan ng pagiging motherly sa mga batang karakter. Ang kaibahan lang ay may twist si Irma bago matapos ang pelikula. Ayokong maging spoiler sa twist. Isa ito sa hindi malilimutang role at performance ni Eula Valdez. Hindi ako magtataka na manominado siya sa iba't ibang award giving bodies at manalo pa siya. 

Ang on-at-off-screen partnership nila Rocky Salumbides at Eula Valdes ay nakatulong sa kanilang chemistry. Menacing naman ang portrayal ni Jess Mendoza bilang Dugo. Si Dugo ang lider ng mga kabataang lulong sa droga. Mahusay na nagampanan ni Timothy Castillo ang kanyang role bilang Toto. Hindi masasabing inosente ang teenager sa mundong ginagalawan pero may mga bagay na kahit siya sa bandang huli ay hindi niya inaasahang mangyayari. Kahit maikli ang kanyang paglabas sa pelikula ay scene stealer ang pagganap ni Angeli Bayani bilang Irene Reyes, isa sa mga pakay ng tandem nila Irma at Raul.

Mahusay ang screenplay ng direktor Mikhail Red katuwang sina Rae Red at Zig Dulay. Magaling ang execution ni Mikhail Red sa pagdirek ng pelikula. Mapapansin na magaling ang paggamit ng ilaw sa pelikula. Mala-Wong Kar Wai-sh ang datingan sa pelikula.

"Biktima, suspek, pareho lang yan!", ito ang paalala ni Raul kay Toto na mag-iiwan ng marka sa manonood. 

Matagumpay na nailahad ng filmmaker ang mga napapanahong isyu sa ating bansa. Kaya naman "must see" ang "Neomanila". Aminado mas nagustuhan ko ang Neomanila kesa Birdshot. 




No comments:

Post a Comment