Ilang beses rin naging tema ng pelikulang Pilipino ang Filipino-American
War. Nariyan ang pelikulang "Amigo" noong 2010 kasama sina Joel
Torre, John Arcilla at Dane De Haan mula sa direksyon ng independent filmmaker
na si John Sayles.
Sa pelikulang "Balangiga: Howling Wilderness", tinalakay ni
Khavn Dela
Cruz ang utos ni Heneral Jacob Smith noong 1901 na maging howling wilderness ang
Balangiga, Samar. Mas kilala ito bilang "Balangiga Massacre" sa ating kasaysayan.
Sa pelikulang ito ay masasaksihan ang batang si Kulas (Justine Samson)
habang tumatakas kasama ang kanyang lolo (Pio Del Rio) sa paghihiganti ng mga
sundalong Amerikano. Magkasama silang dalawa upang puntahan ang isang lugar na
pinaniniwalaan ng lolo na maaaring sila'y ligtas o maaari'y maging katapusan
nila. Kasama ang sanggol na pinangalanan nilang "Bola" (Warren Tuano)
na natagpuan nila at tanging nakaligtas sa isang operasyon ng militar ay
haharapin nila ang mga pagsubok pati ang masakit at nakakapangilabot na eksena
ng digmaan.
Kakaiba talaga ang istilo sa paggawa ni Khavn ng pelikula kahit sa mga
nauna niyang likha. Sumasang-ayon ako sa mga kapwa ko reviewer na ang
"Balangiga: Howling Wilderness" ang kanyang accessible film.
Tunay na mahusay si Justine Samson dahil kinaya ng bata ang direksyon sa
pelikula at kabigatan ng kwento nito. Kaya deserving ang pagkapanalo niyang
Best Actor. Magaling din si Warren Tuano dahil kahit bata ito ay napasunod siya
ng direktor. Deserving din si Pio Del Rio sa kanyang Best Supporting Actor win.
Ipinakita na ang kanyang katandaan na hindi balakid upang itakas ang kanyang
apo. Hanga din naman ako kay Khavn kung paano niya napasunod ang batang sina
Justine at Warren sa direksyon dahil hindi madaling mag-direk ng bata.
May feels na parang Russian film na Come and See (1985) ang pelikula
dahil sa horrors of war na pinakita rito. May pagkakahalintulad sina Florya at
Kulas dahil parehas silang nasa murang edad na masaksihan ang digmaan. Parehas
ding nag-iwan ng pait sa kanilang alaala at emosyon ang kanilang nakita sa
paligid. Dahil ito ay likha ni Khavn, mapapansin ang weird at surreal style na
may pagka-allegorical. Sa pagkaweird at surreal ng pelikula ay parang nanonood
ako ng pinaghalong Ingmar Bergman at Luis Buñuel na pelikula.
Nagandahan ako sa pelikula pero para sa akin unnecessary ang mga eksena
ng blasphemy at bestiality. Kung kaya namang gawan pa ng ibang paraan ang
paglagay ng allegory at symbolism sa pelikula tulad ng nais na ipahayag
na simbolismo na pakiramdam ng bida ay walang Diyos at itinuring silang hayop
ng mga dayuhan. Hindi kailangang mag-mukhang kabastos-bastos o magkaroon pa ng
bestiality scene bagkus sapat na nga na makita ang violence ng bata na
nagbibigay ng ideya sa kanya na hindi biro ang sitwasyon pag giyera.
No comments:
Post a Comment