Friday, October 26, 2018

ODA SA WALA



ODA SA WALA. Ito ba ang sagot sa SOL SEARCHING? Kung sa Sol Searching ng ToFarm Film Festival ay naghahangad si Lorelai (Pokwang) ng maayos na burol at libing para sa bestfriendenemy na si Sol. Sa pelikulang Oda sa Wala, si Sonya (Pokwang) naman ang may-ari ng paluging funeraria. Sana pala lumapit si Lorelai sa Langit Funeral Homes para natulungan si Sol. Teka, Langit? So, dito kumuha ng funeral service sina Lisang at Manolo ng Hintayan ng Langit? Grabe ang six degrees of separation bes! 

Going back, so 'yon na nga may-ari si Pokwang nitong paluging funeraria tapos sinisingil siya ng karakter ni Dido Dela Paz. Kasama niya sa bahay/funeraria ang tatay niyang si Joonee Gamboa pero hindi sila nagpapansinan. Ano kayang nangyari? Kaya sa simula, akala mo ay silent movie ito. Kaso may twist, may nag-iwan ng bangkay ng matandang babae sa funeraria. Nagbago ang buhay ni Sonya (Pokwang) dahil sa itinuring na niya na itong buhay na tao. OMG! Kinakausap, pinapakain, binibihisan, etc. Akala ko hahantong ito sa necrophilia. Hindi naman pala. Tapos, nag-usap na din ang mag-ama dahil sa bangkay ni lola. Weird! Sa kabilang banda, si Sonya pala ay may lihim na pagtingin kay Elmer (Anthony Falcon) na magtataho. Hmm... Matagpuan kaya ng kamag-anak ni lola ang kanyang bangkay? May happy ending kaya si Sonya at Elmer? Magkakaayos pa ba ang mag-ama?

Pansin ko lang nahahanay sa mga black or dark comedy si Pokwang. Mula sa Mercury is Mine (2016), Sol Searching (2018) hanggang dito sa Oda sa Wala (2018). At laging may patay na karakter sa mga pelikula na kasama siya tulad ng D' Anothers (2005), Apat Dapat Dapat Apat (2007), Bulong (2012) at Cinco (2010).

Going back sa pelikula, mahusay ito sa teknikal na aspeto. Mapapansin din sa shots at aspect ratio na may cinematic significance ang mga ito sa pangunahing karakter. Mahusay ang cinematography ng pelikula dahil si Neil Daza ang humawak nito. Magaling din ang execution ni direk Dwein Baltazar na maihahanay sa mahuhusay na Filipina director.


Mahusay nitong ipinakita ang longing for connection at isolation ng karakter ni Pokwang at ang wall sa relationship sa kanyang amang si Joonee Gamboa pati ang desire niya kay Elmer. Para rin akong nanonood ng stage play habang pinapanood ang pelikula sa batuhan ng linya. Mahusay ang mga aktor lalo na si Marietta Subong A.K.A Pokwang. 

HINTAYAN NG LANGIT



Ito na ba ang sequel sa Richard-Dawn's HIHINTAYIN KITA SA LANGIT pero matanda na silang nagkita sa purgatoryo? Cheret. Tungkol ito kay Manolo (Eddie Garcia) na naudlot ang pagpunta sa langit dahil may longing pa siya to connect sa kanyang daughter (Che Ramos-Cosio) kahit patay na siya kaya napunta mo na siya sa Kalagitnaan o Purgatoryo. Fully-booked ang Kalagitnaan kaya nag-share muna sila ni Lisang (Gina Pareno) ng kwarto. Sa una, hindi magkasundo ang dalawa dahil ex-lovers sila noong kabataan nila. Idagdag pa ang pagpapasaway ni Lisang. Meron palang intensyon si Lisang kaya niya ito ginagawa. Meron pa bang second chance sa kanilang dalawa kahit pa parehas na ang asawa nila ay naghihintay sa kanilang dalawa sa langit?


Anyway, the idea of purgatory at lahat ay pupunta sa langit na bahagi sa kwento ng pelikula ang hindi ko magustuhan. Hindi kasi ito Biblical. Fantasy kung fantasy. Idagdag pa ang pagiging subtle martir ni Lisang. Dama pa din sa bitawan ng linya ang theatrical roots kung saan binase ang pelikula. Ang pelikula ay base sa one-act play sa Virgin Labfest ni Juan Miguel Severo na may parehas na pamagat. 

Isa lang ang patunay na wala pa ring kupas ang husay nila Eddie Garcia at Gina Pareno pagdating sa pag-arte. Wala sa edad nila ang galing sa kanilang tinahak na karera. Magkakaiba man ng kwento pero parang Five People You Meet in Heaven meets The Bridges of Madison County itong Hintayan ng Langit. Bakit? 'Yong surreal moment at fantasy feels ang naalala kong pagkakahalintulad ng Hintayan ng Langit sa Five People You Meet in Heaven samantalang sa romance naman ng dalawang may edad na ay parang The Bridges of Madison County. Kumbaga si Eddie Garcia parang si Robert Kincaid at si Francesca Johnson naman si Gina Pareno. Charming sila panoorin sa screen. Habang pinapanood ko si Eddie Garcia, he reminds me of Jack Nicholson. Magaling sa lahat ng genre. Anyway, natatawa ako sa bitaw ng linya nya na "manoy at manay" dahil very very Eddie Garcia ito.

Enjoy panoorin ang HINTAYAN NG LANGIT lalong lalo na sa pagganap nila Eddie Garcia at Gina Pareno.

Friday, October 19, 2018

MINSA'Y ISANG GAMU-GAMO (Digitally Restored and Remastered)




Isa sa pelikulang kalahok noong 1976 Metro Manila Film Festival ang "Minsa'y Isang Gamu-Gamo". Kilala ang pelikula sa sikat na linyang binitawan ni Nora Aunor na "My brother is not a pig! My brother is not a pig! Ang kapatid ko'y tao hindi baboy-damo." Digitally restored at remastered ang pelikula sa pagtutulungan ng ABS-CBN Film Restoration, Kantana at Wildsound.

Sa pelikulang "Minsa'y Isang Gamu-Gamo", si Nora Aunor ay si Corazon Dela Cruz. Isang Pilipinang nars na nangangarap pumunta sa Amerika upang mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya. Subalit, magbabago ang lahat ng mabaril ang kanyang kapatid na si Carlito (Eddie Villamayor) ng isang Amerikano sa panahon na namamayagpag ang base militar ng mga Amerikano sa Pilipinas.

Matapang ang pelikulang ito na pinagbibidahan ng mga babae, sinulat ng babae at dinirek ng babae. Malakas ang feminismong pinakita sa pelikula dahil babae ang lumalaban sa sistemang mahirap kalabanin. Mahusay na tinalakay ng pelikula ang mga isyung sosyopolitikal at sosyoekonomiko tulad ng mataas na pagtingin nating mga Pilipino sa dayuhan, ang paniniwalang ang pagluwas ng ibang bansa ang magiging solusyon upang umunlad at hindi maayos na sistema sa batas ng mga dayuhan sa ating bansa kung may nagawang krimen.

Magaling ang mga babaeng kasama sa pelikula na pinangungunahan ni Nora Aunor. Aminadong humanga ako kay Perla Bautista sa pelikulang ito bilang si Yolanda, ina ni Bonifacio (Jay Ilagan), na nakaranas ng pang-aabuso sa kapwa Pilipina na lady guard (Luz Fernandez) habang nagtratrabaho sa base commissary. Magaling din si Gloria Sevilla bilang si Chedeng, ina ni Cora, na malaki ang tiwala sa mga Amerikano pagdating sa pagbibigay sa kanila ng hanapbuhay. Si Jay Ilagan naman ay nakipagsabayan sa mga kababaihan pagdating sa pag-arte bilang si Bonifacio na anak ni Yolanda at nobyo ni Cora. Nagbago ang kanyang pananaw sa buhay matapos makita ang kinalabasan ng reklamo ng kanyang ina na sinuportahan niya. Magaling din si Paquito Salcedo bilang lolo nila Corazon at Carlito. Siya ang nagsisilbing taga-mulat sa kanyang kaanak sa nangyayari sa kanilang lugar at sa Pilipinas. Mahusay din ang screenplay ni Marina Feleo-Gonzales na pinagtagpi-tagpi ang mga kwentong hango sa tunay na buhay upang mabuo ang kwento ng mga karakter sa pelikula at siyempre magaling ang pagdidirek ni Lupita A. Kashiwahara. Kahanga-hanga ang pelikulang ito na pinagbibidahan ng mga babae at binubuo ang produksyon ng mga babae sa panahong matindi ang pakikipaglaban ng babae sa buhay.

1976 ang taon kung saan pinagbidahan nang nag-iisang superstar na si Nora Aunor ang dalawang mahalagang pelikulang Pilipino. "Minsa'y Isang Gamu-gamo" at "Tatlong Taong Walang Diyos" na parehas ni-restore din ng ABS-CBN Film Restoration. Mahusay ang pagpili ni ate Guy sa mga pelikulang pinagbidahan niya sa taong ito. Parehas itong nagmarka sa kanyang tagahanga at mga kritiko. Parehas na sa pelikulang ito ay mahalaga na pinakita ang bahaging ito ng kasaysayan upang maging mulat ang susunod na henerasyon sa mga madilim at masalimuot na bahagi ng kasaysayan sa Pilipinas.

Ayon sa mga trivia, modest ang box-office result ng Minsa'y isang Gamu-gamo dahil na rin sa matapang nitong tema. Sa kabilang banda, mas naging hit ang stage play adaptation ng pelikula. Maihahalintulad ito sa nangyari sa Himala. Kahit pa ganoon, ang mahalaga ay magpasahanggang ngayon ay pnag-uusapan ang mga makabuluhang pelikulang tulad nito.

Tungkol naman sa pag-restore, naging masalimuot rin ang kinalabasan sa unang sampung minuto ng pelikula dahil ito ang mga nawawalang eksena na ang kopya ay natagpuan sa FDCP. Makikitang halos ma-wipe out o maputi ang mga eksena sa unang sampung minuto na mahirap itong panoorin ngunit sa mga kasunod na mga eksena naman ng pelikula ay halos buhay na buhay ang hitsura. Nariyan ang mas buhay na kulay at mas malinaw na audio. Kaya naman aminadong nag-enjoy ako nang mapakinggan ang "Sa Ating Nayon" na kanta ni Nora Aunor.

Worth watching panoorin ang "Minsa'y Isang Gamu-Gamo".

Monday, September 17, 2018

SOL SEARCHING



Ang pelikulang Sol Searching ay kalahok sa 3rd ToFarm Film Festival. Isa itong black comedy mula sa panulat at direksyon ni Roman Perez, Jr. Katuwang niya sa pagsulat si Norman Boquiren.

Nabigla ang lahat sa maagang pagkamatay ng gurong si Sol (Gilleth Sandico). Tanging si Lorelai (Pokwang) na kanyang matalik na kaibigan at estudyanteng si Bugoy (JM Salvado) ang nagmalasakit na mabigyan siya ng maayos na burol. Maraming pagdadaanan sina Lorelai at Bugoy sa pag-asang mahihimlay sa angkop na lugar si Sol. Mabigyan pa kaya ng disenteng burol si Sol sa pagdating ng misteryosang si Eden (Mayen Estanero) at asawa ni Sol na si Djanggo (Joey Marquez) pati na ang pagtanggi at pakikialam ng mga taong malapit o maaaring may motibo sa pagtulong kanila Lorelai?

Sa opening scene ng pelikula, makikitang may galit sa mundo si Sol. Nagmumura, iritable at tipong napupuna lahat ng mga maling bagay. Hindi siya magandang ehimplo sa kabataan sa kanyang kilos at pananalita lalo pa't guro siya. Subalit sa mga flashbacks makikita ang mabuting nagawa ni Sol lalo na sa mga magsasaka. Nagturo pala siya noon ng ibang paraan sa pagsasaka. Marami rin siyang natulungang estudyante. Sa kabilang banda, meron ding tutol kay Sol sapagkat di nila makasundo si Sol sa kanyang adhikain. Sadyang minumulat tayo na kapag may nagawa tayong kabutihan maaaring hindi tayo maalaala sa mga magandang bagay na ating nagawa bagkus mas makikita ng tao sa ating kamalian. Isa itong masalimuot na katotohanan. Sa kabilang banda, madalas magbanggit ng Bible verses si Lorelai. Siya ang confidante ni Sol. Mapapaisip ka bakit labis ang pagmamalasakit niya sa matalik na kaibigan samantalang nariyan pa naman ang kanyang asawa. Hindi ko sasabihin ang lihim. Spoiler alert.

Merong multiple messages ang pelikula. Nariyan ang pagkamatay at pagsilang o pagsibol ng buhay. Sosyopolitikal na isyu tulad ng korapsyon. Halimbawa, ang pagkubra sa sakla ng kapitan at prinsipal sa lamay ni Sol. Matutunghayan na inabuso ng dalawang nabanggit ang kanilang kapangyarihan dahil sinamantala nila ang mga pangyayari. Maaaring nagtatangka din ang filmmaker na talakayin ang depresyon sa mga guro.

Sa paghahanap ng lugar kung saan maayos na maburol si Sol, nagmistula itong road movie. May feels o vibes ang pelikula na parang pinaghalong Pauwi Na (2016), Ded na si Lolo (2009) at Ataul for Rent (2007).

Mahusay sina Pokwang, Gilleth Sandico, JM Salvado at Mayen Estanero sa kanilang pagganap.
Halo halo ang naramdaman ko habang pinapanood ang pelikulang ito. Parang roller coaster ride ng emotions... natuwa, natawa, nalungkot, naguluhan, nagulat, nakidalamhati... Kumbaga para rin akong kasama para mabigyan ng disenteng burol si Sol.

Friday, August 31, 2018

BUY BUST AT WE WILL NOT DIE TONIGHT: Obserbasyon sa dalawang modern Pinoy action movies na ang bida ay mga babae




Madalas action films ang tumatabo sa takilya noon sa pelikulang Pilipino. Kaya naman madalas makita sa line-up ng mga pinapalabas sa sinehan ang ganitong uri ng genre. Marami ang sumikat na action stars noon na hanggang ngayon ay kinikilala pa rin tulad nila Fernando Poe Jr., Lito Lapid, Dante Varona, Cesar Montano at iba pa.

Mapapansing sa pagpasok ng millennium ay lumamlam ang mga action movies sa Pinas. Lalong nadama ito noong mid-2000's hanggang sa natabunan na ito ng mga genre tulad ng horror at romantic comedies. Mapapanood sa telebisyon ang malungkot na kwento sa buhay ng mga artista, stuntmen pati crew at staff sa mga action movies matapos itong humina.

Kamakailan lamang, dalawang Pinoy action movies ang pinag-usapan dahil sa ang mga bida ay babae. Naiiba sa tradisyunal na Pinoy action dahil hindi bida ang mga kalalakihan. Maaaring nais ibahin ng mga filmmakers ang nakagawiang lalaki ang bida at ang pagtatangkang baliin ang machismong kultura.

Sa pelikulang Buy Bust, si Nina Manigan (Anne Curtis) ay isang anti-narcotics agent na isinama sa squad na pinamumunuan ni Lacson (Victor Neri). Sa nakaraan niyang misyon, si Nina lamang ang natirang buhay sa dati niyang kinabilangang squad kaya naman determinado siyang hindi maulit ito. May bagong buy bust operation ang bagong team ni Nina. Ito ay para mahuli ang mailap na drug lord na si Biggie Chen. Sa una, itinuro sila ng asset na si Teban (Alex Calleja) sa Rajah Sulayman Park. Subalit, nakatunog ang ka-deal ni Teban kaya nagbago ang lokasyon ng paghuli. Kaya naman sa isang barangay sa Tondo sila pinapunta. Ito ay ang Barangay Gracia ni Maria. Lingid sa kanilang kaalaman, ang panganib na kanilang haharapin dahil ayon sa isa nilang kasama ay mahaba pa ang gabi.

Hindi ako masyadong nag-expect sa pelikulang ito kaya naman hindi naman ako disappointed. May mga flaws ang pelikula. Maiintindihan naman na hindi na nag-focus sa kwento at character development ang pelikula dahil mas binigyan diin ang action at fight scenes dahil naging survival mode ang kanilang pagtakas at paglabas sa barangay.

Kamangha mangha ang production design kahit ang lighting na may neon pa. Pinapaalala sa akin ang pelikulang "Neomanila" ni Mikhail Red sa paggamit ng neon bilang bahagi ng lighting at prod design. Kahanga hanga din ang effort at execution ng fight scenes ng pelikula. Ramdam na pinaghirapan at pinagkagastusan ang pelikula. Explosive action movie of the year ang Buy Bust.

Ma-appreciate natin ang effort ni Anne Curtis na dumaan sa matinding training para maging maging kapani-paniwala ang mga gagawin niyang stunts sa pelikula. Mahusay ang pelikula sa teknikal na aspeto kasama na diyan ang musical scoring, sound effects at editing. Mahusay din sin
a Alex Calleja na nagbibigay ng comic relief sa seryosong pelikula, Joross Gamboa na nagtransform sa kanyang pagganap, Victor Neri na nagbabalik action movie, Sheenly Gener na kakikitaan ng motherly side, Levi Ignacio na malakas ang screen presence, Lao Rodriguez at Nonie Buencamino na maasahan sa scheming characters pati ang scene stealing performance ni Arjo Atayde. 

Hindi maiwasan na may mga eksena sa pelikula na maihambing sa ibang pelikula. Sa eksena kung saan nagtratraining si Anne Curtis, naalala ko 'yung eksena ni Jodie Foster as Clarice Starling sa opening scene ng "Silence of the Lambs". Isa pa dito ang pagplano sa paghuli kay Biggie Chen ay parang eksena sa pelikulang "Sicario". Sa pagtakas naman sa lugar kung saan ay naipit sila ng buong baranggay ay para naman itong sa “The Raid”. Ang mga fight scenes ay parang may pagka-John Woo stylized din ang peg.

Parang may promotion sa mga Viva Records songs like Forever ni Regine Velasquez at Martin Nievera pati Jadine sa raid scene.




Sa kabilang banda, si Kray (Erich Gonzales) naman ay anak ng isang retiradong stuntman na sumunod sa yapak ng ama bilang stuntwoman. Naghahanap ng malaking pagkakakitaan si Kray upang buhayin ang kanyang sarili at para na rin makatulong sa amang may sakit. Isang araw, dinalaw si Kray ng mga barkada nyang sina Jonesky (Thou Reyes), Che-che (Max Eigenmann) at Rene Boy (Nico Dans) upang ibalita sa kanya ang bagong trabahong nalaman ni Ramil (Alex Medina). Si Ramil ay ex-boyfriend ni Kray. Gusto nilang isama si Kray dahil na rin sa kasama siya sa una nilang transaksyon at for old times sake na din. Sakto din namang kailangan nilang lahat ng pera. Nag-aalangan si Kray sa transaksyong ito ni Ramil dahil sa sumablay ang una nilang trabahong magkakasama. Sa pagpunta ng barkada sa isang abandonadong warehouse sa Tondo, matutuklasan nila na isa pala itong sindikato ni Bangkil (Paolo Paraiso). Dinudukot nila ang mga street children at kinukuha ang mga organs nito para ipagbenta. Umatras sa transkasyon ang barkada malaman ang trabaho pero ayaw na silang paalisin pa ni Bangkil. Makakalabas pa kaya sila ng buhay sa abandonadong warehouse na ito kung ayaw silang paalisin ni Bangkil?

Hindi man perpekto ang pelikulang ito tulad ng Buy Bust. May mga aspeto sa pelikulang natuwa naman ako. Isa sa hinangaan ko sa pelikulang ito ay ang 8-day shoot na hindi mo mahahalata sa pelikula. Kahanga-hanga din sa pelikula ang production design kahit ang lighting na nagpapakita ng pagka-gritty ng pelikula. Nagsimula si Richard Somes bilang Production Designer sa mga pelikula kaya naman kitang kita ito dito sa We Will Not Die Tonight. 

Naiibang Erich Gonzales din ang napanood ko dahil nag-take risk siya sa mga action scenes lalo sa stunts. Nagalingan ako dito kay Max Eigenmann bilang Che-Che na mas piniling iligtas ang sarili. Hindi ko na lang sasabihin ang nangyari sa kanya sa pelikula. Nakakakilabot at nakakagalit din si Paolo Paraiso dito bilang Bangkil. Ang ikinagulat ko dito ay ang transformation ni Sarah Jane Abad mula sa child star hanggang sa maging kontrabida sa pelikulang ito. 

May pagka-90's vibes ang We Will Not Die Tonight lalo na sa eksenang nag-practice ng kickboxing si Erich. Ang concern ko sa pelikula other than the violence ay ang grainy effect nito na maaaring sa format o sa aspeto na din ng kulay ng pelikula.

Hindi ko na i-cover ang lahat ng mga nakita kong pagkakaparehas at pagkakaiba sa pelikula. Ang mga sumunod ay ang mga ilan sa pagkakaparehas na nakita ko sa pelikula:
1. Ang mga bidang babae ay naharap sa delikadong sitwasyon.
2. Tondo ang setting. (Nagiging isyu ng pelikula parehas dahil na-stereotype ang lugar kahit pa fictionalized sa isang pelikula ang baranggay).
3. Bayolente ang pelikula pagdating sa pakikipaglaban upang mabuhay sa isang delikadong lugar at sitwasyon.
4. Layunin ng dalawang bidang babae na makalabas ng buhay at kung maaari ay may kasama silang ligtas.
5. Nilabanan ng mga bidang babae sa direct at indirect na paraan (maaaring masabing metaphor at simbolismo) ang bulok na sistema o korupsyon na lagiging napapahamak ang mga mahihirap.
6. Ang mga bidang babae ay nasa delikadong trabaho.

Ang mga sumusunod naman ang ilan sa nakita kong pagkakaiba:
1. Si Nina Manigan ay isang anti-narcotics agent ng PDEA. Nagtratrabaho siya sa gobyerno. Samantala, si Kray ay isang stuntwoman na naghahanap ng malaking break. 
2. Si Nina at mga kasamahan niya ay kalaban ang sindikato at ang nahating panig sa Barangay Gracia ni Maria. Habang, si Kray at barkada niya ay kalaban ang isang gang ng sindikato.
3. Target nila Nina na mahuli ang isang drug lord na maraming koneksyon at may hawak din ng sindikato. Sa kabilang banda, natuklasan naman nila Kray na pagdukot sa mga street children at pagkuha ng mga organs nito ang trabaho ng sindikato ni Bangkil.
4. Magkaiba ang mundong ginagalawan nila Nina at Kray. Hindi man nakita ang backstory ni Nina pero malinaw na magkaiba sila ng mundo ni Kray.

Isa pang pagkakaiba ay ang ginugol na panahon sa pelikula. 
Dalawang taon ang inabot sa paggawa ng Buy Bust. Samantala, walong araw naman ang shoot ng We Will Not Die Tonight. 

Ilan pa sa nakita kong pagkakaparehas ng pelikula na ang mga bidang babae ay feminine pa rin ang galaw. Hindi naman natin ineexpect na martial artists actresses sila o talagang mga female action stars tulad nila Sigourney Weaver sa Alien series, Jodie Foster sa ilang pelikula tulad ng Silence of the Lambs, Jamie Lee Curtis sa Blue Steel at True Lies, Ashley Judd sa Kiss The Girls at Double Jeopardy, Linda Hamilton sa Terminator 2: Judgment Day, Michelle Rodriguez sa Fast and Furious series, Milla Jovovich sa Resident Evil series, Angelina Jolie sa mga pelikulang tulad ng Mr. and Mrs. Smith at Salt, Scarlett Johansson sa MCU, Emily Blunt sa Sicario, Cynthia Rothrock at Michelle Yeoh na tinaguriang "Queen of Martial Arts". Ang mga nabanggit na artista ay kakitaan ng toughness sa galaw sa mga action scenes kumbaga parang maton na hindi makikita kanila Anne at Erich pero effort talaga sila dahil hindi ganoon kadaling gumanap sa ganitong roles.


Isa pang kapansin-pansin ay bakit hindi kayumanggi o morena ang mga bidang babae? Parehas silang maputi. Iniisip ko paano kaya kung si Mercedes Cabral, Sue Prado, Elora Españo ang gumanap sa bidang babae. Si Mara Lopez ay supporting sa Buy Bust. Abangan natin si Sue Prado sa Bamboo Dogs ni Khavn Dela Cruz. Kailangan yatang may magdala na big star talaga sa female-centered action movies.

Naalala ko tuloy ang hired killer role ni Eula Valdes sa action/thriller na "Neomanila". Pinapakita lang na kayang gumawa ng pelikulang Pilipino na ang mga babae ay maging bida sa action movies.
Kung dati rati leading ladies sila. Sila ang nililigtas na mapapanood sa mga pelikulang tulad ng Relaks Ka Lang Sagot Kita ni Vilma Santos, Kung Kailangan Mo Ako, Pangako Sa'yo, Kahit Konting Pagtingin at Wala Nang Iibigin Pang Iba ni Sharon Cuneta. Isama na din ang mga Maricel Soriano movies tulad ng Pustahan Tayo, Mahal Mo Ako; Kung Kaya Mo, Kaya Ko Rin; Sige Subukan Mo, Sabi Mo Mahal Mo Ako Wala Nang Bawian at Tulak ng Bibig Kapit ng Dibdib at iba pa. Ngayon, ang mga bidang babae ay hindi niligtas kundi sila ang naligtas, nagliligtas at nag-lead upang makagawa ng paraan.

May mga eksena tulad na lamang sa Buy Bust lalo sa isang one long take shot na parang Uma Thurman as The Bride ng Kill Bill si Nina Manigan. Si Kray naman parang My Wife is a Gangster ang peg sa ibang fight scenes sa We Will Not Die Tonight.

Kahit ganoon pa man, nag-enjoy ako panoorin ang dalawang pelikulang ito. Magbabalik na nga ba ulit ang mga action movies sa Pinoy Cinema? Magandang simula muli ang dalawang pelikulang ito at sana'y magtuloy tuloy pa na may bidang babae.

Saturday, April 21, 2018

IKAW PA LANG ANG MINAHAL (Digitally Restored and Remastered Version)



Bilang isang tagahanga sa nag-iisang Diamond Star Maricel Soriano, matagal kong hinintay na ma-restore ang ilan sa mahahalaga niyang pelikula. 

Kaya naman ang imbitasyon ng ABS-CBN Film Restoration ay hindi ko pinalampas. Hindi ako binigo na mapanood ang restored at remastered version ng pelikulang "Ikaw Pa Lang Ang Minahal". 

Kilala ang Reyna Films noong dekada '90 sa paggawa ng pelikulang hango sa mga akdang pampanitikan. Nariyan ang "Hihintayin Kita sa Langit” (1991) na loosely based sa nobelang "Wuthering Heights" ni Emily Bronte, "Abot Kamay ang Pangarap” (1996) hango sa Palanca-Award winning Short Story ni Elsa Coscuella na "Bonsai", "Saan Ka Man Naroroon” (1993) na binase naman sa pelikulang "Sunflower" na pinagbidahan noon ng mga sikat na Italian actors Sophia Loren at Marcello Mastroianni. At siyempre hindi papahuli ang "Ikaw Pa Lang Ang Minahal" na bersyon ng Reyna Films sa novella na "Washington Square" ni Henry James na naging pelikula noon na "The Heiress" (1949) ng Academy-Award Winner for Best Actress na si Olivia De Havilland.

Si Adela Sevilla (Maricel Soriano) ay isang matandang dalagang gustong makamit ang pagmamahal at atensyon ng kanyang amang si Dr. Maximo Sevilla (Eddie Gutierrez).

Namatay ang ina ni Adela matapos siyang ipanganak. Kaya malayo ang loob ni Dr. Maximo sa kanyang anak. Dagdag pa ang kanyang pagkadismaya kay Adela dahil para sa kanya ay hindi nito nakuha ang ganda at talino ng kanyang ina. Isa ito sa dahilan kung bakit mahiyain, hindi nakikisalamuha sa ibang tao at taumbahay si Adela. Nagsilbing ina-inahan naman ni Adela ang kanyang tiyahing si Paula (Charito Solis). Nililibang ni Adela ang kanyang sarili sa paggagantsilyo na hindi rin magustuhan ni Dr. Maximo dahil umaasa siya sa mas makabuluhang libangan at gawain si Adela. 

Naisipan ni Paula na ilabas si Adela at dumalo sa isang party tutal nasa sapat na gulang na siya. Labag man sa kalooban ni Adela ang pagsama sa party ay sumama ito. Dito niya nakilala ang gwapo at may mabulaklak na dilang si David Javier (Richard Gomez). Mabilis na nahulog ang loob ni Adela kay David dahil sa binata niya naramdaman ang pagmamahal at atensyong hindi mabigay ng kanyang ama. Tutol naman si Dr. Maximo dito dahil walang trabaho ang binata at habol lang nito ang mamanahin ni Adela. 

Ilang beses nilayo ni Dr. Maximo si Adela kay David pero hindi niya ito mapigilan. Hanggang sa isang gabi, hindi sinipot ni David si Adela matapos malamang tatanggalan ito ng mana 

Lumayo si Adela sa kanyang ama. Pagbalik niya sa mansyon ay malaki ang kanyang pinagbago. Sa kanyang pagbabalik, muli ring nagbabalik ang lalaking kanyang minahal at inasahang hindi siya iiwan at sasaktan. 

Napakahusay ni Maricel Soriano sa pagbibigay buhay sa isang hindi malilimutang karakter na si Adela Sevilla. Tailored-fit ang role para kay Maricel. Nakuha ni Maricel ang pagiging aloof at awkward ng karakter pati ang transformation nito mula sa pagiging ugly duckling hanggang maging beautiful swan. Kaya naman natanggap ni Maricel Soriano ang Young Critics Circle Awards for Best Actress sa "Ikaw Pa Lang Ang Minahal". Isa rin ito sa kanyang hindi malilimutang pelikula at pagganap tulad sa mga pelikulang "Saan Darating Ang Umaga?" (1983), "Kaya Kong Abutin ang Langit" (1984), "Hinugot sa Langit" (1985), "Pinulot Ka Lang sa Lupa" (1987), "Vampira" (1994), "Dahas" (1995), "Abot Kamay ang Pangarap" (1996), "Mila" (2001), "Mano Po" (2002), "Numbalikdiwa" (2006) at "Inang Yaya" (2006). 

Matatandaang si Vilma Santos ang unang nilapitan upang gampanan si Adela Sevilla. Kung babalikan, una namang nilapitan si Maricel Soriano upang pagbidahan ang pelikulang "Tagos ng Dugo". Matatandaan ding cause celebre ang hindi pagkapanalo ni Maricel Soriano sa major award-giving bodies for Best Actress sa "Ikaw Pa Lang Ang Minahal" dahil nag-Grand Slam si Lorna Tolentino for Best Actress para sa "Narito Ang Puso Ko".

Para sa akin, isa sa competitive na taon sa pelikulang Pilipino sa mahuhusay na pagganap ng mga aktres noong 1992. Napanood ko sina Sharon Cuneta sa "Tayong Dalawa", Maricel Laxa sa "Ikaw ang Lahat sa Akin", Vilma Santos sa "Sinungaling Mong Puso", Lorna Tolentino sa "Narito Ang Puso Ko", Dawn Zulueta sa "Iisa Pa Lamang" at Maricel Soriano sa "Ikaw Pa Lang Ang Minahal". Lahat sila ay magagaling. Aminadong labis ang paghanga ko kay Maricel Soriano sa pelikulang ito dahil nakuha niya ang emosyon na hinihingi sa karakter.

Going back, mahusay din si Richard Gomez bilang gwapo, matipuno ngunit scheming na si David Javier. Ganoon din sina Eddie Gutierrez bilang Dr. Maximo na madamot sa pagmamahal at atensyon kay Adela at Charito Solis bilang Paula, ang nagsilbing ina-inahan ng dalaga.  

Ang nakakagulat sa karakter ni Adela dito ay ang mga sex scenes niya kasama si David sa talahiban, sa kama at sa ilog. Take note, matandang dalaga siya pero game na game si ate sa mga eksenang ito.

Lalong gumanda ang kulay ng pelikula sa pagkarestore nito. Noong una ko itong mapanood, may pagkapusyaw ang kulay ng pelikula. 
Idagdag pa ang magandang rendition ni Rachel Alejandro sa “Kahit Na” na themesong ng pelikula.

Kung nais makapanood ng pelikulang nagpapakita ng mahusay na pag-arte, panoorin ang “Ikaw Pa Lang Ang Minahal”.



Tuesday, February 20, 2018

MAY MINAMAHAL (Digitally Restored and Remastered Version)



Noong dekada ‘90, nauso ang mga pelikulang base sa mga hindi malilimutang kanta. Ilan lamang sa mga ito ang mga sumusunod: "Ikaw ang Lahat sa Akin", "Iisa Pa Lamang", "Bakit Labis Kitang Mahal?", “Hindi Kita Malilimutan” at "May Minamahal". Kung mapapansin, lahat ito ay mula sa writer/director na si Jose Javier Reyes.

Isa sa mga naunang pelikulang ginawa ng Star Cinema ang "May Minamahal".

Nakakatuwa na mapanood muli ang "May Minamahal" na digitally restored at remastered. Itinuturing ang pelikula na pasimuno sa mga rom com (romantic comedies) sa pelikulang Pilipino noong 90’s.

Si Carlitos (Aga Muhlach) ay naharap sa isang kumplikadong sitwasyon. Namatay nang hindi inaasahan ang kanyang ama (Ramil Rodriguez). Siya ang unico hijo sa pamilya. Kaya naman inaasahan siya ng kanyang inang si Vicky (Boots Anson-Roa) at mga kapatid na sina Trina (Agot Isidro), Mandy (Nikka Valencia) at Pinky (Claudine Barretto) na tumayong ama. Nahirapang mag-adjust sa sitwasyon si Carlitos kahit pa meron siyang maayos na trabaho. Nariyan ang mga isyung mali ang nabiling brand ng detergent soap pati ang napkin, pagpaparaya na ipagbenta ang van na kanyang ginagamit at pagbabayad utang sa naiwan ng ama. Hanggang sa makilala niya ang boyish pero loveable na si Monica (Aiko Melendez) sa canteen ng kumpanyang pinagtatrabahuhan niya. Si Monica ay nagpapart-time job sa canteen ng kanyang tita. Sa una, hindi magkasundo ang dalawa pero nang magkalakas loob si Carlitos upang yayain ng date si Monica ay nagsimula ang pagbabago sa sistema ng dalawa. Sa kabilang banda, unica hija naman si Monica sa isang bruskung pamilyang pinangungunahan ng kanyang amang si Cenon (Ronaldo Valdez) at mga kuya niyang sina Bombit at Jun (John Estrada at Bimbo Bautista). Mas itinutuon na nila Carlitos at Monica ang oras sa isa’t isa kaya naman naninibago ang kanilang pamilya. Paano pa kaya kung maisipang magpakasal ng dalawa?

Hindi lang basta rom com ang pelikulang “May Minamahal”. Makikita sa pelikula ang comparison at contrast sa mga karakter. Si Carlitos ay refined na unico hijo samantalang si Monica ay gamine na unica hija. Tinatalakay rin sa pelikula ang social class conflict.. Kabilang sa mayamang pamilya si Carlitos samantalang mahirap naman ang pamilya nila Monica. Kaya naman nang ipakilala ni Carlitos si Monica sa kanyang pamilya ay hindi nila nagustuhan ang dalaga. Gulat rin naman si Carlitos kung paano makitungo sa isa’t isa ang pamilya ni Monica.

Isa sa ultimate heartthrob noong dekada ‘80 hanggang ngayon si Aga Muhlach. Isa ang pelikulang “May Minamahal” na lalong nagpaningning sa kanyang kasikatan noong 90’s at isa rin sa kanyang hindi malilimutang pagganap. Sa isang interview, ibinahagi naman ni Aiko Melendez na sa pelikulang ito ay kinilala siya bilang serious actress. Ito ang isa sa hindi niya malilimutang pagganap matapos ang madre-manananggal role niya sa “Shake, Rattle and Roll IV”, loving bestfriend sa "Mahal Kita Walang Iwanan" maski sa "Maalala Mo Kaya: The Movie" at bilang Emilia Ardiente sa TV series na “Wildflower”. Mala- Winona Ryder ang atake ni Aiko Melendez sa kanyang karakter na si Monica.

Bago pa man ang “May Minamahal”, nagkasama na sina Aga at Aiko sa pelikulang “Sinungaling Mong Puso” (1992) at “Too Young” (1990).

Sa pelikulang ito, nagwagi si Aga Muhlach ng Best Actor sa MMFF at Best Director si Jose Javier Reyes. Si Ronaldo Valdez naman ay nanalong MMFF Best Supporting Actor. Nagwagi rin siya sa Gawad Urian bilang Pinakamahusay na Pangalawang Aktor.

Kahit dekada ’90 ang pelikulang “May Minamahal” ay gumamit ito ng mga sikat na kanta noong dekada ’80 tulad ng “Don’t Know What to Do” ni Ric Segreto at “Friend of Mine” ni Odette Quesada. Kaya-LSS talaga habang pinapanood ang pelikula. Idagdag mo pa ang rendition ni Agot Isidro ng "May Minamahal".

Noong 2007, nagkaroon ng TV series ang "May Minamahal" na pinagbibidahan naman nila Anne Curtis at Oyo Boy Sotto.


Napaka-nostalgic talaga ng pelikulang “May Minamahal”. masasabi kong isa rin ito sa best works ni direk Jose Javier Reyes.

Saturday, February 3, 2018

CHANGING PARTNERS



Hango sa PETA stage play musical ni Vincent De Jesus ang pelikulang "Changing Partners" na isa sa narrative features entry ng Cinema One Originals 2017.

Ang pelikula ay tungkol sa romantic relationship nila Alex (Agot Isidro and Jojit Lorenzo) at Cris (Sandino Martin at Anna Luna). Makikita natin ang mga lambingan at bangayan sa kanilang relasyon na umabot ng anim na taon. At ang misteryosong pagkasangkot ng isang mahiwagang Angel na magiging sanhi ng lamat sa relasyon. 

Dual characters with same name ang ginampanan ng mga actors. Si Alex na ginampanan nila Agot Isidro at Jojit Lorenzo ang mas nakakatanda sa romantic relationship na ito. Parehas din nilang ginampanan ang older straight at gay characters. Samantalang, sina Sandino Martin at Anna Luna naman ang gumanap na Cris ang mas nakakabatang straight at gay characters sa romantic relationship kung saan umikot ang kwento.

Bihira ako makapanood ng musical films sa pelikulang Pilipino na relatable sa millenial generation.

Risk o gamble ang ganitong genre at hindi basta musical film ang "Changing Partners". Tinatalakay pa ng pelikula ang LGBT issues o same sex romantic relationships, May-December love affair sa straight at same-sex couples pati ang live-in. Sa naalala ko, Rent ang napanood ko na pelikula na base rin sa isang musical ang tumalakay sa homosexuality. Hanga ako kung paano na-execute ni Dan Villegas ang pelikula dahil sensitibo at iba iba ang layers ng pakikipagrelasyon ang inilahad sa pelikula lalo pa at ito ay halaw sa isang stage play musical. Natranslate sa screen ng maayos ang realistic take sa isang romantic relationship na ipinakita rin ni direk Dan Villegas sa "All of You". Mahusay din ang screenplay nila Vincent De Jesus at Lilit Reyes.

Hinangaan ko ang editing ng pelikula dahil tumatalon at nagpapalit ang isang eksena sa dual characters. Hindi biro at hindi din simple ang ganyang style.

Stand out si Jojit Lorenzo sa kanyang pagganap bilang Alex. Convincing siya sa older straight male character at effective siya sa older gay male character. Mapapansing lumabas si Jojit sa tatlong pelikulang required siyang kumanta. Dalawa rito ang musical film na "Changing Partners" at "Ang Larawan" pati sa musical production number sa Deadma Walking. Tulad ng kanyang kapareha sa pelikulang si Sandino Martin ay parehas din itong lumabas sa musical films "Changing Partners" at "Ang Larawan". Sakto ang pagiging gay lover at younger lover ng isang older woman si Sandino Martin. Yung kagwapuhan niya kasi ay benta mapa-babae o bakla man. hehehe. Moreno, gwapo at kumakanta kulang na lang sayawan na kaming manonood. Maaasahan na natin si Agot Isidro sa kanyang galing sa pag-arte at pag-awit pati sa pagtanggap ng role bilang lesbian at older straight woman sa straight at same-sex relationship. Ganoon din naman si Anna Luna. Bongga si Anna Luna. Siya na ang supporting actress ng taon. Lumabas sa Maestra, Bar Boys at Changing Partners idagdag mo pa ang Paglipay.

Kakaibang experience mapanood ang Changing Partners.


Friday, January 26, 2018

ALL OF YOU (2017)



Tatlong taon din ang nakalipas na huli nating mapanood sina Jennylyn Mercado at Derek Ramsay sa isang pelikulang entry sa MMFF. Una silang nagtambal sa English Only Please (2014) na dinirek din ni Dan Villegas. 

Sa pelikulang "All of You" ay brokenhearted si Gabby (Jennylyn Mercado) matapos ang painful na hiwalayan nila nang kanyang boyfriend. Nadestino siya sa Taiwan upang mag-research sa concept tungkol sa restaurant na itatayo ng kanyang kompanya dito sa Pilipinas. Habang nasa Taiwan ay kinukulit siya ng kanyang bestfriend at kumare (Via Antonio) na gumamit ng online dating app para makakilala ng magiging boyfriend. Sinubukan ito ni Gabby. Dahil sa online dating app ay nakilala niya si Gab (Derek Ramsay). Dito nagsimula ang kanilang relasyon. Sa loob ng anim na taon, makikita natin ang mga pagsubok na pinagdaanan ng dalawa pati ang mga pagbabago sa kanilang buhay at muling pagharap kung pipiliin pa ba nilang magsama.

Seryoso ang isyung tinalakay sa pelikula. Ipinakita sa pelikula ang mga isyu tulad ng paggamit ng online dating apps upang matagpuan ang taong maaaring maging kapareha, pre-marital sex, live-in at mga katotohanan sa isang masalimuot na relasyon. Matapang din ang dalawang aktor sa pagganap sa kanilang respective roles. Realistic ang atake ng screenplay at direksyon. Kumbaga, walang sugarcoating. Kaya iiwan mo ang sinehan na mabigat ang feeling dahil masakit mapanood ang dalawang taong matagal na nagsasama at nagkakasakitan. Tinalakay din ang epekto sa anak kung nakalakhan niya na magkahiwalay ang magulang. Ito ay sa bahagi kung saan naikwento ni Gabby ang tungkol sa kanyang ina at ama. 

Mapapansin na sa pelikulang "English Only Please" ay isang English Secondary Language Teacher si Jennylyn Mercado. Sa dalawang pelikulang kanyang ginawa, ang English Only Please at All of You ay parehas na ipinakita na sa ating makabagong panahon ang teknolohiya ay nagiging koneksyon sa ibang tao.

Jennylyn Mercado never failed her audience. Saka highlight talaga ng career nya ang mga MMFF movies nIya starting from Rosario (2010), English Only Please (2014), #WalangForever (2015) at itong All of You. Moreover, Jennylyn Mercado's films are feminist films. Pinapakita sa mga MMFF movies niya na strong at independent ang babae.