Friday, August 31, 2018

BUY BUST AT WE WILL NOT DIE TONIGHT: Obserbasyon sa dalawang modern Pinoy action movies na ang bida ay mga babae




Madalas action films ang tumatabo sa takilya noon sa pelikulang Pilipino. Kaya naman madalas makita sa line-up ng mga pinapalabas sa sinehan ang ganitong uri ng genre. Marami ang sumikat na action stars noon na hanggang ngayon ay kinikilala pa rin tulad nila Fernando Poe Jr., Lito Lapid, Dante Varona, Cesar Montano at iba pa.

Mapapansing sa pagpasok ng millennium ay lumamlam ang mga action movies sa Pinas. Lalong nadama ito noong mid-2000's hanggang sa natabunan na ito ng mga genre tulad ng horror at romantic comedies. Mapapanood sa telebisyon ang malungkot na kwento sa buhay ng mga artista, stuntmen pati crew at staff sa mga action movies matapos itong humina.

Kamakailan lamang, dalawang Pinoy action movies ang pinag-usapan dahil sa ang mga bida ay babae. Naiiba sa tradisyunal na Pinoy action dahil hindi bida ang mga kalalakihan. Maaaring nais ibahin ng mga filmmakers ang nakagawiang lalaki ang bida at ang pagtatangkang baliin ang machismong kultura.

Sa pelikulang Buy Bust, si Nina Manigan (Anne Curtis) ay isang anti-narcotics agent na isinama sa squad na pinamumunuan ni Lacson (Victor Neri). Sa nakaraan niyang misyon, si Nina lamang ang natirang buhay sa dati niyang kinabilangang squad kaya naman determinado siyang hindi maulit ito. May bagong buy bust operation ang bagong team ni Nina. Ito ay para mahuli ang mailap na drug lord na si Biggie Chen. Sa una, itinuro sila ng asset na si Teban (Alex Calleja) sa Rajah Sulayman Park. Subalit, nakatunog ang ka-deal ni Teban kaya nagbago ang lokasyon ng paghuli. Kaya naman sa isang barangay sa Tondo sila pinapunta. Ito ay ang Barangay Gracia ni Maria. Lingid sa kanilang kaalaman, ang panganib na kanilang haharapin dahil ayon sa isa nilang kasama ay mahaba pa ang gabi.

Hindi ako masyadong nag-expect sa pelikulang ito kaya naman hindi naman ako disappointed. May mga flaws ang pelikula. Maiintindihan naman na hindi na nag-focus sa kwento at character development ang pelikula dahil mas binigyan diin ang action at fight scenes dahil naging survival mode ang kanilang pagtakas at paglabas sa barangay.

Kamangha mangha ang production design kahit ang lighting na may neon pa. Pinapaalala sa akin ang pelikulang "Neomanila" ni Mikhail Red sa paggamit ng neon bilang bahagi ng lighting at prod design. Kahanga hanga din ang effort at execution ng fight scenes ng pelikula. Ramdam na pinaghirapan at pinagkagastusan ang pelikula. Explosive action movie of the year ang Buy Bust.

Ma-appreciate natin ang effort ni Anne Curtis na dumaan sa matinding training para maging maging kapani-paniwala ang mga gagawin niyang stunts sa pelikula. Mahusay ang pelikula sa teknikal na aspeto kasama na diyan ang musical scoring, sound effects at editing. Mahusay din sin
a Alex Calleja na nagbibigay ng comic relief sa seryosong pelikula, Joross Gamboa na nagtransform sa kanyang pagganap, Victor Neri na nagbabalik action movie, Sheenly Gener na kakikitaan ng motherly side, Levi Ignacio na malakas ang screen presence, Lao Rodriguez at Nonie Buencamino na maasahan sa scheming characters pati ang scene stealing performance ni Arjo Atayde. 

Hindi maiwasan na may mga eksena sa pelikula na maihambing sa ibang pelikula. Sa eksena kung saan nagtratraining si Anne Curtis, naalala ko 'yung eksena ni Jodie Foster as Clarice Starling sa opening scene ng "Silence of the Lambs". Isa pa dito ang pagplano sa paghuli kay Biggie Chen ay parang eksena sa pelikulang "Sicario". Sa pagtakas naman sa lugar kung saan ay naipit sila ng buong baranggay ay para naman itong sa “The Raid”. Ang mga fight scenes ay parang may pagka-John Woo stylized din ang peg.

Parang may promotion sa mga Viva Records songs like Forever ni Regine Velasquez at Martin Nievera pati Jadine sa raid scene.




Sa kabilang banda, si Kray (Erich Gonzales) naman ay anak ng isang retiradong stuntman na sumunod sa yapak ng ama bilang stuntwoman. Naghahanap ng malaking pagkakakitaan si Kray upang buhayin ang kanyang sarili at para na rin makatulong sa amang may sakit. Isang araw, dinalaw si Kray ng mga barkada nyang sina Jonesky (Thou Reyes), Che-che (Max Eigenmann) at Rene Boy (Nico Dans) upang ibalita sa kanya ang bagong trabahong nalaman ni Ramil (Alex Medina). Si Ramil ay ex-boyfriend ni Kray. Gusto nilang isama si Kray dahil na rin sa kasama siya sa una nilang transaksyon at for old times sake na din. Sakto din namang kailangan nilang lahat ng pera. Nag-aalangan si Kray sa transaksyong ito ni Ramil dahil sa sumablay ang una nilang trabahong magkakasama. Sa pagpunta ng barkada sa isang abandonadong warehouse sa Tondo, matutuklasan nila na isa pala itong sindikato ni Bangkil (Paolo Paraiso). Dinudukot nila ang mga street children at kinukuha ang mga organs nito para ipagbenta. Umatras sa transkasyon ang barkada malaman ang trabaho pero ayaw na silang paalisin pa ni Bangkil. Makakalabas pa kaya sila ng buhay sa abandonadong warehouse na ito kung ayaw silang paalisin ni Bangkil?

Hindi man perpekto ang pelikulang ito tulad ng Buy Bust. May mga aspeto sa pelikulang natuwa naman ako. Isa sa hinangaan ko sa pelikulang ito ay ang 8-day shoot na hindi mo mahahalata sa pelikula. Kahanga-hanga din sa pelikula ang production design kahit ang lighting na nagpapakita ng pagka-gritty ng pelikula. Nagsimula si Richard Somes bilang Production Designer sa mga pelikula kaya naman kitang kita ito dito sa We Will Not Die Tonight. 

Naiibang Erich Gonzales din ang napanood ko dahil nag-take risk siya sa mga action scenes lalo sa stunts. Nagalingan ako dito kay Max Eigenmann bilang Che-Che na mas piniling iligtas ang sarili. Hindi ko na lang sasabihin ang nangyari sa kanya sa pelikula. Nakakakilabot at nakakagalit din si Paolo Paraiso dito bilang Bangkil. Ang ikinagulat ko dito ay ang transformation ni Sarah Jane Abad mula sa child star hanggang sa maging kontrabida sa pelikulang ito. 

May pagka-90's vibes ang We Will Not Die Tonight lalo na sa eksenang nag-practice ng kickboxing si Erich. Ang concern ko sa pelikula other than the violence ay ang grainy effect nito na maaaring sa format o sa aspeto na din ng kulay ng pelikula.

Hindi ko na i-cover ang lahat ng mga nakita kong pagkakaparehas at pagkakaiba sa pelikula. Ang mga sumunod ay ang mga ilan sa pagkakaparehas na nakita ko sa pelikula:
1. Ang mga bidang babae ay naharap sa delikadong sitwasyon.
2. Tondo ang setting. (Nagiging isyu ng pelikula parehas dahil na-stereotype ang lugar kahit pa fictionalized sa isang pelikula ang baranggay).
3. Bayolente ang pelikula pagdating sa pakikipaglaban upang mabuhay sa isang delikadong lugar at sitwasyon.
4. Layunin ng dalawang bidang babae na makalabas ng buhay at kung maaari ay may kasama silang ligtas.
5. Nilabanan ng mga bidang babae sa direct at indirect na paraan (maaaring masabing metaphor at simbolismo) ang bulok na sistema o korupsyon na lagiging napapahamak ang mga mahihirap.
6. Ang mga bidang babae ay nasa delikadong trabaho.

Ang mga sumusunod naman ang ilan sa nakita kong pagkakaiba:
1. Si Nina Manigan ay isang anti-narcotics agent ng PDEA. Nagtratrabaho siya sa gobyerno. Samantala, si Kray ay isang stuntwoman na naghahanap ng malaking break. 
2. Si Nina at mga kasamahan niya ay kalaban ang sindikato at ang nahating panig sa Barangay Gracia ni Maria. Habang, si Kray at barkada niya ay kalaban ang isang gang ng sindikato.
3. Target nila Nina na mahuli ang isang drug lord na maraming koneksyon at may hawak din ng sindikato. Sa kabilang banda, natuklasan naman nila Kray na pagdukot sa mga street children at pagkuha ng mga organs nito ang trabaho ng sindikato ni Bangkil.
4. Magkaiba ang mundong ginagalawan nila Nina at Kray. Hindi man nakita ang backstory ni Nina pero malinaw na magkaiba sila ng mundo ni Kray.

Isa pang pagkakaiba ay ang ginugol na panahon sa pelikula. 
Dalawang taon ang inabot sa paggawa ng Buy Bust. Samantala, walong araw naman ang shoot ng We Will Not Die Tonight. 

Ilan pa sa nakita kong pagkakaparehas ng pelikula na ang mga bidang babae ay feminine pa rin ang galaw. Hindi naman natin ineexpect na martial artists actresses sila o talagang mga female action stars tulad nila Sigourney Weaver sa Alien series, Jodie Foster sa ilang pelikula tulad ng Silence of the Lambs, Jamie Lee Curtis sa Blue Steel at True Lies, Ashley Judd sa Kiss The Girls at Double Jeopardy, Linda Hamilton sa Terminator 2: Judgment Day, Michelle Rodriguez sa Fast and Furious series, Milla Jovovich sa Resident Evil series, Angelina Jolie sa mga pelikulang tulad ng Mr. and Mrs. Smith at Salt, Scarlett Johansson sa MCU, Emily Blunt sa Sicario, Cynthia Rothrock at Michelle Yeoh na tinaguriang "Queen of Martial Arts". Ang mga nabanggit na artista ay kakitaan ng toughness sa galaw sa mga action scenes kumbaga parang maton na hindi makikita kanila Anne at Erich pero effort talaga sila dahil hindi ganoon kadaling gumanap sa ganitong roles.


Isa pang kapansin-pansin ay bakit hindi kayumanggi o morena ang mga bidang babae? Parehas silang maputi. Iniisip ko paano kaya kung si Mercedes Cabral, Sue Prado, Elora EspaƱo ang gumanap sa bidang babae. Si Mara Lopez ay supporting sa Buy Bust. Abangan natin si Sue Prado sa Bamboo Dogs ni Khavn Dela Cruz. Kailangan yatang may magdala na big star talaga sa female-centered action movies.

Naalala ko tuloy ang hired killer role ni Eula Valdes sa action/thriller na "Neomanila". Pinapakita lang na kayang gumawa ng pelikulang Pilipino na ang mga babae ay maging bida sa action movies.
Kung dati rati leading ladies sila. Sila ang nililigtas na mapapanood sa mga pelikulang tulad ng Relaks Ka Lang Sagot Kita ni Vilma Santos, Kung Kailangan Mo Ako, Pangako Sa'yo, Kahit Konting Pagtingin at Wala Nang Iibigin Pang Iba ni Sharon Cuneta. Isama na din ang mga Maricel Soriano movies tulad ng Pustahan Tayo, Mahal Mo Ako; Kung Kaya Mo, Kaya Ko Rin; Sige Subukan Mo, Sabi Mo Mahal Mo Ako Wala Nang Bawian at Tulak ng Bibig Kapit ng Dibdib at iba pa. Ngayon, ang mga bidang babae ay hindi niligtas kundi sila ang naligtas, nagliligtas at nag-lead upang makagawa ng paraan.

May mga eksena tulad na lamang sa Buy Bust lalo sa isang one long take shot na parang Uma Thurman as The Bride ng Kill Bill si Nina Manigan. Si Kray naman parang My Wife is a Gangster ang peg sa ibang fight scenes sa We Will Not Die Tonight.

Kahit ganoon pa man, nag-enjoy ako panoorin ang dalawang pelikulang ito. Magbabalik na nga ba ulit ang mga action movies sa Pinoy Cinema? Magandang simula muli ang dalawang pelikulang ito at sana'y magtuloy tuloy pa na may bidang babae.

No comments:

Post a Comment