Monday, September 17, 2018

SOL SEARCHING



Ang pelikulang Sol Searching ay kalahok sa 3rd ToFarm Film Festival. Isa itong black comedy mula sa panulat at direksyon ni Roman Perez, Jr. Katuwang niya sa pagsulat si Norman Boquiren.

Nabigla ang lahat sa maagang pagkamatay ng gurong si Sol (Gilleth Sandico). Tanging si Lorelai (Pokwang) na kanyang matalik na kaibigan at estudyanteng si Bugoy (JM Salvado) ang nagmalasakit na mabigyan siya ng maayos na burol. Maraming pagdadaanan sina Lorelai at Bugoy sa pag-asang mahihimlay sa angkop na lugar si Sol. Mabigyan pa kaya ng disenteng burol si Sol sa pagdating ng misteryosang si Eden (Mayen Estanero) at asawa ni Sol na si Djanggo (Joey Marquez) pati na ang pagtanggi at pakikialam ng mga taong malapit o maaaring may motibo sa pagtulong kanila Lorelai?

Sa opening scene ng pelikula, makikitang may galit sa mundo si Sol. Nagmumura, iritable at tipong napupuna lahat ng mga maling bagay. Hindi siya magandang ehimplo sa kabataan sa kanyang kilos at pananalita lalo pa't guro siya. Subalit sa mga flashbacks makikita ang mabuting nagawa ni Sol lalo na sa mga magsasaka. Nagturo pala siya noon ng ibang paraan sa pagsasaka. Marami rin siyang natulungang estudyante. Sa kabilang banda, meron ding tutol kay Sol sapagkat di nila makasundo si Sol sa kanyang adhikain. Sadyang minumulat tayo na kapag may nagawa tayong kabutihan maaaring hindi tayo maalaala sa mga magandang bagay na ating nagawa bagkus mas makikita ng tao sa ating kamalian. Isa itong masalimuot na katotohanan. Sa kabilang banda, madalas magbanggit ng Bible verses si Lorelai. Siya ang confidante ni Sol. Mapapaisip ka bakit labis ang pagmamalasakit niya sa matalik na kaibigan samantalang nariyan pa naman ang kanyang asawa. Hindi ko sasabihin ang lihim. Spoiler alert.

Merong multiple messages ang pelikula. Nariyan ang pagkamatay at pagsilang o pagsibol ng buhay. Sosyopolitikal na isyu tulad ng korapsyon. Halimbawa, ang pagkubra sa sakla ng kapitan at prinsipal sa lamay ni Sol. Matutunghayan na inabuso ng dalawang nabanggit ang kanilang kapangyarihan dahil sinamantala nila ang mga pangyayari. Maaaring nagtatangka din ang filmmaker na talakayin ang depresyon sa mga guro.

Sa paghahanap ng lugar kung saan maayos na maburol si Sol, nagmistula itong road movie. May feels o vibes ang pelikula na parang pinaghalong Pauwi Na (2016), Ded na si Lolo (2009) at Ataul for Rent (2007).

Mahusay sina Pokwang, Gilleth Sandico, JM Salvado at Mayen Estanero sa kanilang pagganap.
Halo halo ang naramdaman ko habang pinapanood ang pelikulang ito. Parang roller coaster ride ng emotions... natuwa, natawa, nalungkot, naguluhan, nagulat, nakidalamhati... Kumbaga para rin akong kasama para mabigyan ng disenteng burol si Sol.

No comments:

Post a Comment