Thursday, August 15, 2019

JOHN DENVER TRENDING



"LIKE AND SHARE PARA MAKARATING KAY TATAY DIGONG"

"Bakit mahirap lang ba ang pwedeng magnakaw ng iPad?"

Maaring cliche na ang mga sumusunod na salita: compelling, gripping and haunting. Yan ang mga naiisip kong salita habang pinapanood ang "John Denver Trending".

Ito ay kwento ng isang ordinaryong batang nagbago ang buhay matapos maging viral ang video ng kanyang pananakit sa kaklaseng nambintang sa kanya ng pagnanakaw ng iPad. 

Napakahusay ng batang si Jansen Magpusao bilang John Denver at ni Meryll Soriano na gumanap na kanyang inang si Marites.

Dama ko sa pelikula ang paranoia pati ang trauma ni John Denver na dulot ng pag-iba ng trato sa kanya ng mga taong nakapanood ng video lalo na ang trato sa kanya kung paano na ang mga nasa katungkulan ang dapat sana ay tumulong sa kanya. Maganda rin na naipakita sa pelikulang ito ang mga kaganapan sa eskwelahan na hindi nalalaman ng magulang tulad ng bullying.

Isa na rin sa hindi malilimutang nanay ng pelikulang Pilipino si Marites. Handa niyang ipagtanggol ang kanyang anak sa mga taong hindi sila pinaniniwalaan. Marahil ang role na ito ay maaring nabigay kay Maricel Soriano noong prime years niya kaya naman sa pagtanggap ni Meryll Soriano ay talaga naming bumagay sa kanya.

Napakagaling ng direksyon at screenplay ni direk Arden Rod Condez maski ang sinematograpiya, musika at iba pang aspeto ng pelikulang ito.

Kung sa Denmark ay merong “The Hunt” at sa Brazil ay merong “Liquid Truth”, kung saan parehas sa pelikulang ito ay tinalakay ang maling pag-aakusa sa dalawang lalaking may makulay na nakaraan. Sa “Liquid Truth” at “John Denver Trending”, parehas naman na pinakita ang disadvantage ng social media lalo sa one-sided na paggamit ng viral na video. Ang dalawang pangunahing tauhan sa “Liquid Truth” at “John Denver Trending” ay parehas na nagdusa sa panghuhusga ng mga taong nakapaligid sa kanya na walang konkretong basehan.

No comments:

Post a Comment