Monday, September 30, 2019

MGA BILANGGONG BIRHEN (1977) Digitally Restored and Remastered






Hindi lahat ng mga babaeng karakter sa pelikulang ito ay mga birhen bago sila ikulong ng lipunang ginagalawan. Subalit, ang mga bidang babaeng karakter sa pelikulang ito ay tila preso na pinagkaitan ng kalayaan.


Nakalimutan yata ni Ari Aster na i-cite na isa sa inspirasyon niya na gawin ang "Midsommar" ay ang isang eksena sa "Mga Bilanggong Birhen". Si Alma Moreno bilang Celina pala ang original "May Queen".


Nagandahan ako sa pelikula. Hanga ako kay Mario O' Hara bilang manunulat at direktor. Noong 1976, nilikha niya ang napakahusay niyang pelikulang "Tatlong Taong Walang Diyos" kung saan ipinakita niya sa atin ang mga paghihirap ng Pilipino noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa kamay ng mga Hapon.


Samantala, sa "Mga Bilanggong Birhen" ay nasaksihan ang hindi pantay na pagtrato sa mga kababaihan at opresyon noong panahong sinakop tayo ng mga Amerikano. 1920's ang milieu ng pelikula. Masaklap na nakagapos sa matriyarkal na sistema ni Dona Sagrada (Monang Carvajal) at emasculated na amang si Senor Juan Sagrada (Leroy Salvador) ang mag-inang sina Felipa (Armida Siguion-Reyna), Celina (Alma Moreno) at Milagros (Trixia Gomez). Makakapiglas ba sa gapos ang "Mga Bilanggong Birhen"?


Sumasang-ayon ako kay sir Leo Katigbak na sa ni-restore ng ABS-CBN Film Restoration na pelikula noong 70's itong "Mga Bilanggong Birhen" ang pinakamaganda. Dahil na rin sa iningatan ang rolyo ng pelikula at pag-preserve nito ni Armida Siguion-Reyna. Kaya naman, lalong napaganda nang ma-enhance ang kulay at kalidad ng pelikula na dumaan sa restoration.


Mahusay ang musika ni Ryan Cayabyab sa pelikulang ito. Maganda rin ang sinematograpiya ni Romeo Vitug pati ang production design ng pelikula. Magarbo din ang mga costumes na ginamit sa pelikula. Kahit pa dalawa ang direktor ng pelikulang ito ay naitawid naman upang maisaalang-alang na isa ito sa pinakamahusay na pelikulang Pilipino.


Sanay ako na matriyarkal ang mga papel ni Armida Siguion-Reyna sa mga pelikula niya pero ang kanyang karakter na si Felipa ay naiiba. Malayong malayo ito sa mga kontrabida roles niya. Long-suffering pero kakitaan ng katatagan o fortitude ang kanyang karakter. Medyo hawig si Irma Adlawan kay Armida sa ilang eksena. May isang eksena sa pelikula na si Dona Sagrada (Monang Carvajal) ay pinaalala niya sa akin si Rachel (Lillian Gish) sa pelikulang "Night of the Hunter" (1955). Ito ay ang tutukan niya ng baril para pagalitan ang kanyang anak na si Juan.


Ang "Mga Bilanggong Birhen" din ang pelikula kung saan nakita nating umarte si Rodel Naval bilang Diego, ang manliligaw ni Celina. Si Rodel Naval ang nagpasikat ng mga kantang "Lumayo Ka Man Sa Akin" at "Muli".


Mahalagang mapanood ang pelikulang ito dahil hindi lamang ipinakita sa pelikula ang masalimuot na bahagi ng kasaysayan at iba pang pinagdaanan ng mga kababaihan noon kundi dapat panoorin ang pelikulang ito dahil na rin sa pinagyaman at mala-obra maestrang paglikha sa pelikulang ito.





No comments:

Post a Comment