Tuesday, July 27, 2021

KUNG MAWAWALA KA PA



Si Tony Palma (Christopher De Leon) ay isang inhinyero na may ambisyong maging pulitiko sa kanilang bayan. Gusto niyang sundan ang yapak ng kanyang ama na Vice Mayor ng kanilang lugar. Mayroon siyang butihin at mapagmahal na asawa at anak. 

Hindi pabor ang kanyang asawang si Marissa (Dawn Zulueta) sa kagustuhan nitong pumasok siya sa pulitika dahil mas gusto niya ang simple at tahimik na buhay. Mas gusto niyang pagtuunan ng pansin ang sakitin nilang anak na si Charina (Sarah Jane Abad). Mas lalong nag-alab ang ambisyon ni Tony sa pulitika ng italaga siya ni Mayor (Gamaliel Viray) sa City Planning Council sa isang party. Sa okasyong ito ay nagkitang muli ang dating mag-high school classmates na sina Marissa at Sylvia (Amy Austria). 

Si Sylvia ang legal consultant ng City Planning Council. Sa una'y hindi magkasundo sina Sylvia at Tony dahil mas pinapaboran ni Mayor ang huli. Nang tanggapin ang alok na maging campaign manager ni Tony si Sylvia ay bigla itong nagkasundo. Hindi na makapaglaan ng oras si Tony sa pamilya dahil mas prayoridad niya ang ambisyon. Ito ang nagiging dahilan ng pag-aaway nilang mag-asawa kaya mas pinili niyang lumapit kay Sylvia. Dahil sa tukso ay nagkaroon ng relasyon sina Tony at Sylvia. 

Madalas naman ang pagdurugo ng ilong ni Charina kaya minabuting ipatingin ito sa espesyalista. Dito natuklasang may leukemia ang bata. Masusubok ang tatag at pananampalataya ng mag-asawa dahil sa sakit ng kanilang anak. Magpapatuloy ba sa ambisyon si Tony? Ano ang patutunguhan ng relasyon niya kay Sylvia? Magkakabalikan pa ba ang mag-asawa? 

Isa sa mga pelikulang entry sa MMFF (Metro Manila Film Festival) noong 1993 ang "Kung Mawawala Ka Pa". Sa pelikulang ito nagwagi ng MMFF Best Actress at FAMAS Best Actress si Dawn Zulueta. Natanggap din ng pelikula ang 1993 MMFF Best Picture, Best Supporting Actress para kay Amy Austria, Best Child Performer para kay Sarah Jane Abad, Best Song "Pasko na Sinta ko", Best Musical Score para kay Ryan Cayabyab, Best Sound para kay Ramon Reyes at Best Cinematography para kay Romy Vitug. 

Mapapansing hindi si Carlos Siguion-Reyna ang direktor kundi si Jose Mari Avellana. Mayroon namang cameo sina Carlos Siguion-Reyna at Bibeth Orteza bilang mga doktor. Tulad ng ibang pelikula ng Reyna Films, out of town muli ang lokasyon. Sa Tagaytay naman ginawa ang pelikula. 

Mahusay ang pagkaka-restore sa pelikula. Napanood ko ito noon. Kaya maswerte at napanood kong muli ang Kung Mawawala Ka Pa na digitally restored at remastered. 

Ito ang aking mga obserbasyon sa pelikula:

1.  Naiinis ako kay Tony (Christopher De Leon) kung paano niya saktan ang mga babae sa buhay niya. Mas pinili niyang maging prayoridad ang ambisyon kaysa magbigay sa oras kanila Marissa (Dawn Zulueta) at Charina (Sarah Jane Abad). Inamin niya din na ginamit niya ang kanyang rival turned mistress na si Sylvia (Amy Austria) para sa pulitika. Napaka-makasarili niya dahil mas importante ang kaniyang ambisyong maging pulitiko na kaya niyang talikuran ang lahat. Patunay na hindi maganda ang treatment niya sa kababaihan. 

2. Tipong nagising at nahimasmasan lang si Tony noong may leukemia na si Charina. Hindi niya naisip ang naramdaman ng mga babaeng nasaktan niya.

3. Sa eksena kung saan mas pinaboran ng Mayor si Tony dahil lalaki at pamilyado ito kaysa Sylvia na babae at walang asawa na papasok sa pulitika, pinakita dito ang pagiging chauvinist ng kalalakihan. Minaliit niya ang kakayahan ng isang babae. 

4. Palaban pero understanding wife si Marissa at mabilis niyang napatawad ang asawa pati ang kalaguyo ng asawa alang-ala sa kanyang anak.

5. May mga bahagi sa pelikula na mabilis ang turn of events to the point na rushed din ang ibang eksena. 

6. Kudos kanila Amy Austria at Sarah Jane Abad dito. Scene stealer din si Pilar Pilapil bilang nanay ni Marissa. 

7. Bihira o bilang ang mga pelikulang Pilipino na may tema ng kapaskuhan. Sa pelikulang ito, sa Pasko nagkaroon ng muling pagsasama ang pamilya Palma. Pagpapakita ito na bahagi ng tradisyon sa Paskong Pilipino ang pagsasama ng bawat miyembro ng pamilya.  

8. Sa bahagi kung saan nasubok ang katatagan ng pamilya sa gitna ng unos, dito rin nasubok ang pananalig sa Diyos ng mag-asawa. Dumating sa puntong lumapit na sila sa faith healer at magalit sa Diyos si Tony. 

9. Mayroon ding witty dialogues sa pelikula tulad ng mga sumusunod:

Sylvia: Huwag mong iwan ang kalat mo!

Marissa: Ang basura ko hindi ko iniwan. Inagaw mo!

Sylvia: Gusto mong tumabi sa Daddy mo?

Charina: Dapat lang po, 'di ba?

Sylvia: Sinong kahawig ko?

Charina: Wicked stepmother.

10. Maituturing na underrated ang pelikulang ito.

Thursday, March 25, 2021

SEPARADA

 


Si Melissa (Maricel Soriano) ay isang matagumpay na creative director ng isang advertising agency. Dahil na rin sa demands ng trabaho ay nawawalan siya ng panahon sa kanyang asawang si Dodie (Edu Manzano). Kahit pa bumabawi siya sa kanyang mga anak na sina Vincent (Patrick Garcia) at Jenny (Angelica Panganiban), hindi pa rin ito sapat sa kanyang asawa. Kaya naman nagkaroon ito ng kalaguyo na si Sandy (Sharmaine Arnaiz). Hindi makapaniwala si Melissa na nagawa ni Dodie na ipagpalit siya. Idagdag pa nito na nabuntis ang kerida at si Dodie ang ama. Kaya naman pinaalis niya ito sa bahay. Hindi inakala ni Melissa na magiging mahirap ang adjustments niya na wala ang asawa. Nariyan ang mapagnakawan sila at ma-aksidente si Vincent sa shooting ng isang TV ad. Sa tulong ng kanyang mga kaibigan pati ng kanyang anak at magulang, matututo si Melissa na magpatuloy sa buhay at malagpasan ang pagsubok ng pagiging single mother.

Kahit pa pandemya at naipasara ang ABS-CBN ay hindi tumigil ang Film Restoration na ipalabas ang mga pelikulang natapos nilang i-restore bago ang malungkot na pangyayari. Mahusay pa din ang kanilang pagkaka-restore at napaganda lalo ang mga pelikulang nakahanay sa kanilang proyekto.

1994 ang banner year ni Maricel Soriano kaya siya'y tinawag na "Diamond Star". Sunod sunod ang mga pelikula niya noong 1994 na tumabo sa takilya. Nariyan ang "Minsan Lang Kita Iibigin" na ni-restore din, horror film na "Vampira", action dramedy na "Nagkataon, Nagkatagpo" at siyempre ang "Separada".

Ipinakita sa pelikula na kayang pantayan ng babae ang ginagawa ng lalaki. Evident ito sa mga pelikulang nagbibigay sa atin ng ideya sa mundo ng advertising. Nakita ito noon pa man sa mga pelikulang tulad "Pahiram ng Isang Umaga" (1989) at "Ngayon at Kailanman" (1992). Sa "Separada" ay mas dama ang mundo ng advertising dahil nakatulong na ang co-writer nito na si Tessie Tomas ay galing sa advertising. Sa pre-show ng "Separada" restored version screening, ibinahagi ni Tessie Tomas na loosely based sa kanyang buhay ang kwento ni Melissa.

Sa pelikulang "Separada", sumikat ang linyang "Get out of my house, I don't need a parasite". Kapansin pansin din ang magandang pananamit ni Maricel Soriano dito sa tulong ni Ernest Santiago na kanya ring costume designer sa "Ikaw Pa Lang Ang Minahal" (1992).

Noon pa man ay maraming pelikula na ang may love triangle na tema. Hindi gino-glorify sa pelikula ang extra-marital affair ngunit ang naiiba sa pelikulang ito kesa mga naunang palabas noon ay nakita nating sina Melissa at Sandy ay parehas angat sa kalalakihan. Samantalang bigo naman sa negosyo si Dodie. May pagkakahalintulad pa nga ang "Separada" sa isang pelikula ni Maricel Soriano na "Minsan Lamang Magmamahal" (1997).

Muli, mahusay ang pagganap ni Maricel Soriano dito kaya naman nagwagi siya ng PMPC Star Awards for Best Actress. Nagustuhan ko din ang pagganap dito ni Sharmaine Arnaiz. Mahusay din si Chito Roño dahil sa kanyang creative decision na umakma din sa screenplay nina Ricky Lee at Tessie Tomas dahil mas nais nilang ipakita ang journey ng isang babae na dumaan sa isang masalimuot na pangyayari. 

Ang isa pang nagustuhan ko sa pelikula ay ang mga kaibigan ni Melissa na ginampanan nina Lani Mercado, Teresa Loyzaga, Raquel Villavicencio at Ai-Ai Delas Alas. May kanya kanya silang pinagdadaanan at iba't iba din ng personalidad pero nariyan sila sa oras na kailangan nila ang isa't isa. Ang pinakanagustuhan kong eksena dito ay ang pag-uusap nina Melissa at ang kanyang ama na ginampanan ni Eddie Rodriguez. Sa malalim na usapan ng dalawang karakter ay nalaman nating may mga mag-asawang dumadaan sa pagsubok. Maaaring nilihim o may alam ang iba pero ang pangangaliwa ay masakit sa asawang umasang tapat ang pagmamahal ng kanyang pinakasalan. Matapang din ang pelikula sa eksena kung saan tinanong ni Melissa ang pari (Nonie Buencamino) tungkol sa paghihiwalay nila ni Dodie. Sinabihan ng pari si Melissa na mas mabuting hiwalay sila.

Mas na-appreciate ko ang pelikulang "Separada" sa pag-rewatch ko nito lalo't digitally restored at remastered version na ito. 

Tuesday, March 16, 2021

MEMORIES OF FORGETTING


"Our memories fragile, our lifetime is very brief, everything happens so fast that we don't have time to understand the relationship of events." - mula sa pelikulang "The House of the Spirits" hango sa nobela ni Isabel Allende

"Memories light the corners of my mind." - mula sa kantang "The Way We Were" ni Barbara Streisand 

Ilan lamang ang mga linyang iyan mula sa mga sikat na akda patungkol sa alaala.

May mga alaala na gusto nating limutin at may mga alaala tayong nais sariwain. May mga alaalang maaaring kalimutan. May mga alaalang dapat ay patuloy na sariwain.

Sa pelikulang Memories of Forgetting, dalawang alaala ang pinapakita nito. Una, ang naudlot ngunit muling pagbabalik ng isang lihim na pagmamahal.  Si Jim (Noel Escondo) ay naging direktor ng bagitong si Michael (Jonathan Ivan Rivera) sa isang pelikula. Subalit, bigla na lamang hindi tumuloy si Michael sa proyekto sa hindi malamang kadahilanan. Makalipas ang ilang taon ay muling nagkita ang dalawa sa kalagitnaan ng pandemya. Sa kabilang banda, madalas sariwain ng ina ni Jim (Dexter Doria) ang kanyang karanasan sa pagtatrabaho sa ibang bansa pati ang iba pang bahagi ng kanyang nakaraan habang nakikipag-usap sa kanyang anak. Ito'y pamamaraan niya upang ang kanyang pagiging malilimutin ay hindi lubusang mamayani sa kanyang pagkatao.

Parehas masalimuot ang bahaging ito sa buhay ni Jim.

Sa muling pagkikita nina Jim at Michael ay may lihim na dapat silang harapin. Pag-ibig nga ba na naudlot dahil sa takot at pangamba? Samantala, kamatayan ba ang sumasalamin sa isang pagmamamahalang dapat pa bang ipaglaban? Magpapatuloy ba ang buhay kung sasariwain ang mga alaala o mas mabuti pang kalimutan ang bahagi ng masaklap na nakaraan?

Masaya akong mapanood ang passion project na ito ni direk Jay Altarejos. Kahit pa sa kalagitnaan ng lockdown ay hindi natinag ang kanyang pagiging malikhain.

Sa panimulang eksena o opening scene, pinapalabas ang mga snippets ng mga pelikulang nalikha ng direktor. Ito ang unang pelikulang nagpa-tanyag sa kanya sa Philippine queer cinema. Sa katauhan ni Jim (Noel Escondo), maaaring sinalamin nito ang pag-aalala ng direktor sa kanyang likha. Kung paano nagbago ang kanyang pananaw sa buhay mula sa mga una niyang likha hanggang sa kasalukuyang gawa niya. Kaakibat din nito ang kanyang karanasan sa paggawa ng mga pelikula niya.

Mahusay na nagampanan ni Noel Escondo ang kanyang karakter na si Jim. Bumalanse naman si Jonathan Ivan Rivera sa pagganap bilang Michael. Patuloy pa din si Dexter Doria sa pagbigay ng mahusay sa pagiging katuwang na aktres 

Tulad ng mga pelikulang nagawa ni direk Jay ay tastefully done ang mga sex scenes. Sa eksena kung saan ay nag-multo ang ina ni Jim kay Michael ay parang eksena ito sa pelikula ni Gregg Araki dahil sa paggamit ng ilaw at kung paano ang execution ng nabanggit na eksena.

Ang mga pelikula ni direk Jay Altarejos ay maaaring maikumpara sa bigat at tapang ng pelikula ni Gregg Araki. Iyon ang katangiang taglay ng mga likha ni Altarejos na nag-hihiwalay sa kanya sa ibang filmmakers sa ating bansa. Hindi lamang ito nakakahon sa gay community o pagkakakilanlan ng kanyang mga karakter bagkus ay sumasalamin din ito sa lipunang pinagkaitan ng karapatan ang mga mamamayang dapat ay meron nito.

Saturday, February 6, 2021

SOLTERO (THE BACHELOR)

 


Isa sa mga naging proyekto ng Experimental Cinema of the Philippines noong dekada '80 ang Soltero (The Bachelor).

Tanyag ang ECP noon sa mga dekalidad na pelikulang nilikha nila kahit pa bilang lamang ang mga ito. Kabilang ang Himala, Misteryo sa Tuwa, Soltero at Oro, Plata, Mata.

Pinagbibidahan ni Jay Ilagan ang Soltero bilang Crispin Rodriguez. Isang binatang nasa 30 anyos na at mag-isa sa buhay. Kahit pa maituturing na matagumpay siya sa kanyang larangan ay kulang pa din ito dahil sa wala siyang katuwang sa buhay. Nilalaan niya ang kanyang oras sa trabaho, sumasama sa barkada tulad ng panonood ng mga dula at yayaan sa Roxas Boulevard at bumibisita madalas sa kanyang pamilya.

Sa kabilang banda, hindi pa din siya maka-move sa kanyang dating kasintahang si Christine (Rio Locsin) na may anak na sa Ibang lalaki. Madalas niya pa din itong tingnan sa tarangkahan ng bahay nito at dumadalaw din siya kay Christine. 

Meron namang bagong manager sa bangkong pinagtatrabahuan ni Crispin. Ito ay si RJ (Chanda Romero). Sa una'y hindi niya magustuhan ang istilo ni RJ ngunit sa kalaunan ay makakasundo niya ito. Sa pag-alis ni Christine ay ang pag-usbong ng bagong pag-asa sa buhay pag-ibig ni Crispin. Subalit, merong lihim si RJ na siyang magiging dahilan upang layuan din ang binata. 

May matatagpuan pa bang katuwang sa buhay si Crispin?

First time kong mapanood ang Soltero at digitally restored at remastered pa. Muli ay napamangha ako ng ABS-CBN Film Restoration. Mabuti na lamang at may pagkakataon na tayong mapanood ang classic na pelikulang ito. 

Tahimik ang pelikula. Kahit pa makulay ang dekadang pinakita sa pelikulang ito ay damang dama ang melancholia ng karakter ni Crispin. Hindi nalalayo ang katangian ng karakter na si Crispin sa ating henerasyon. Ito ay ang patuloy na paghahanap sa pagmamahal at kalinga. 

Mahusay na nagampanan ni Jay Ilagan si Crispin. Isinabuhay niya si Crispin na tulad lamang sa isang kaibigan, ka-trabaho o kakilala na madalas mong makasalamuha. Magaling din ang mga pangalawang aktor na sina Chanda Romero, Rio Locsin, Charlie Davao, Irma Potenciano, Mona Lisa, Dick Israel at Baby Delgado. Mahusay ang direksyon ni Pio De Castro III. Ganoon din kahusay ang screenplay ni Bienvenido Noriega, Jr. 

Madalas makita sa pelikula ang aquarium na gaya sa pelikulang "The Graduate" (1967). Tulad din ni Benjamin Braddock (Dustin Hoffman) si Crispin na nalulunod sa kung anuman ang inaasahan o expectations sa kanila ng lipunan pati na ang kalungkutan.

Hindi nalalayo sa tunay na buhay ang mga naranasan ni Crispin. Nandyan na may darating na mga tao sa buhay mo at makakasama mo pero hindi mo din sila mapipigilang umalis. 

Matapang na tinalakay sa pelikula ang depression at pagtatangka ng pagpapakamatay o suicide sa kalalakihan pati ang representasyon ng lesbian noong 80's. Ang mga pinakitang kilos ni Crispin matapos mamatay ang kanyang ina pati sa pag-alis ng mga itinuturing niyang mga mahal sa buhay ay maaaring sign o sintomas ng depression kaya siya nagkakasakit at sa kalauna'y nagtangkang magpakamatay. Hindi man lamang ito naintindihan ng kanyang amo. Bihira itong maipakita sa pelikulang Pilipino noon dahil madalas ay nagiging melodrama ito. Sa kabilang banda naman, bihira din ang maayos na representasyon ng lesbian sa pelikulang Pilipino. Si RJ ay maituturing na kabilang sa lipstick lesbian at maayos itong naipakita sa pelikula.