ANG BABAENG HUMAYO: THE WOMAN WHO LEFT (2016)
Kakaiba ang pelikulang "Ang Babaeng Humayo". Ito ay naiiba sa mga napanood nating tema ng paghihiganti. Madalas bayolente ang mga napapanood natin o di kaya ay madrama kapag tungkol sa paghihiganti tulad na lamang sa Babangon Ako't Dudurugin Kita (1989) at Double Jeopardy (1999) na may pagkakapareho sa pelikula dahil na framed-up ang bidang babae sa isang krimeng hindi nya ginawa. Hango ang pelikula sa maikling kuwento ni Leo Tolstoy na "God Sees the Truth but Waits" patungkol sa isang lalaking nakulong sa krimeng hindi siya ang may sala at sa huli ay nagpatawad.
"Ang Babaeng Humayo" ay tungkol kay Horatia (Charo Santos) na dating guro ay nakulong ng tatlumpong taon sa krimeng hindi siya ang may gawa. Isang araw, inamin ni Petra (Shamaine Centenera Buencamino), kaibigan ni Horatia sa correctional, na siya ang tunay na may sala at isinawalat na ang may pakana nito ay si Rodrigo Trinidad (Michael De Mesa). Si Rodrigo ay dating kasintahan ni Horatia. Nang makalabas siya ng piitan, agad niyang inalam ang kalagayan ng kanyang pamilya at mag-anak. Nang malaman at makuha niya ang impormasyon sa kaanak niya ay agad siyang tumungo sa kanyang kinagisnang bayan upang maghiganti kay Rodrigo. Dito ay nakilala niya sina Mameng (Jean Judith Javier), ang palaboy/taong grasya at ang magbabalot (Nonie Buencamino). Isang gabi ay tinulungan niya ang isang epileptic na transsexual si Hollanda (John Lloyd Cruz) na nagpabago sa pananaw niya sa buhay niya at paghihiganti.
Ang pelikulang "Ang Babaeng Humayo" ay nagkamit ng Golden Lion Award sa katatapos lamang na Venice Film Festival. Kauna-unahan ito sa isang pelikulang Pilipino na maparangalan sa nasabing patimpalak.
Matagal rin nating hindi nakitang umarte si Charo Santos. Labinlimang taon siyang nagpahinga sa pag-arte ngunit marami siyang hindi malilimutang pagganap. Nariyan ang Itim (1976) na nagpanalo sa kanya ng Asian Film Festival for Best Actress makalipas ang ilang taon na nakuha ito ni Charito Solis. Ilan pang pelikula niyang tumatak ang mga sumusunod: Hindi Mo Ako Kayang Tapakan (1984), Gumapang Ka Sa Lusak (1990) at ang personal kong paborito ang Kisapmata (1981). Magaling ang pagkakaganap ni Charo Santos bilang Horatia. Nakatulong sa kanya ang pagiging host ng Maalaala Mo Kaya sa bahagi na kung saan ay nagkukuwento siya at binabasa ang mga gawang kuwento dahil isang guro at kuwentista ang karakter na kanyang ginagampanan. Naipamalas niyang muli ang isang acting gesture niya ang "tulala titig". Nakakapanibago lamang kay Charo dito ay ang pagmumura niya. Sa bagay, kung kailangan ito sa script at sa pelikula kailangan nya talagang gawin.
Mahusay ang mga supporting actors tulad ng mapanghamong pagganap ni John Lloyd Cruz bilang Hollanda. Gayundin sina Nonie Buencamino sa kanyang scene stealer na pagganap bilang Magbabalot na naging kaibigan ni Horatia, si Jean Judith Javier bilang Mameng, Michael de Mesa bilang Rodrigo Trinidad at Shamaine Centenera-Buencamino bilang Petra.
Habang pinapanood ko ang pelikula ay para bang nanonood ako ng mga pelikula ni Raymond Red tulad sa Himpapawid (2009). Walang musika sa kabuuan ng pelikula na maaaring pagkaparehas nila ng istilo pero meron pa ding pagkakaiba sa mga shots ni Lav. Poetic din ang mga linya ng kanyang tauhan. Kung sa haba ng pelikula, natatangi ang mga likha ni Lav Diaz. Sa haba nitong tatlong oras at tatlumpu't anim na minuto ay naalala ko bigla ang tagal ng mga pelikula ni David Lean tulad ng Lawrence of Arabia (1962) at A Passage to India (1984). Naiiba pa rin ang haba ng mga pelikula ni Lav dahil mas pinakita niya ang mga tunay na kaganapan sa mga ordinaryong tao sa ordinaryong araw. Ipinakita at ipinadama ni Lav Diaz ang reyalidad ng buhay sa bawat eksena. Iniwasan niya ang tradisyunal o kumbensyunal na atake pagdating sa tema ng paghihiganti. Hindi siya gumamit ng musika bagkus ay ipinakita niya sa kilos ng mga tauhan ang dramatikong tagpo sa pelikula. Hindi lamang umikot sa tema ng paghihiganti ang pelikula. Ipinakita din ang kabutihan ng tao kahit pa dumaan sa matinding suliranin. Mapag-iisip ang manonood sa pagtatapos ng pelikula, maaaring iba-iba ang interpretasyon ng manonood dahil hindi ito kumbensyunal.
Tunay ngang maipagmamalaki "Ang Babaeng Humayo".
No comments:
Post a Comment