Wednesday, November 20, 2019

RAINBOW QC: AND THEN WE DANCED



Nagandahan ako sa AND THEN WE DANCED. Billy Elliot meets Call Me by Your Name ang peg.

Si Merab (Levan Gelbakhiani) ay isang aspiring dancer ng traditional Georgian dance. Madalas siyang pansinin ng kanilang choreographer dahil nalalamyaan siya sa kilos nito. Sa pagdating ni Irakli (Bachi Valishbili) na replacement sa isang dancer sa grupo, siya ba ang magbibigay linaw sa pagkatao ni Merab?

Energetic, engaging at entertaining ang pelikula. Napakahusay ni Levan Gelbakhiani bilang Merab. Halos yakapin niya din ang karakter kaya damang dama ang kanyang frustration na maaaring ihalintulad kay Elio ng Call Me by Your Name. Ang hahangaan pa kay Levan ay ang kanyang pagsayaw.

Magaling din ang paggamit ng musika sa pelikula. Ang paghalo ng musika at sayaw sa pelikula ay nagsilbing sining. Ang pagpapanatili ng sayaw sa kanilang bansa ay sumasalamin din kung gaano ka-konserbatibo ang bansang ginagalawan ni Merab.

Nagustuhan ko ang eksena kung saan sinasayawan ni Merab si Irakli habang tumutugtog ang kantang "Honey" ni Robyn.

Gustong gusto ko din ang eksena nila ng kuya niya sa kama at tinanong siya tungkol sa itinutukso sa kanyang sekswalidad. Pinagtanggol siya ng kuya niya kahit hindi sila magkasundo. Umiyak si Merab at niyakap ng kuya niya.

Lastly, ang pinakanagustuhan kong eksena ay ang audition sa huli kung saan sa pamamagitan ng sayaw ay malaya niyang naipahayag ang kanyang sarili. Dinaig ang audition scene ng Flashdance (1983).

Hindi maiwasang maikumpara sa Call Me by Your Name dahil sa mga elemento nito pero ibang level naman itong And Then We Danced.

RAINBOWQC: JOSE (2018)



Isa sa RainbowQC na naabutan ko sa QCinema ngayong taon.

Si Jose (Enrique Salanic) katuwang ang kanyang ina ay ginagawa ang lahat upang mairaos ang pang-araw araw nilang buhay. Nagtitinda ng sandwiches ang ina ni Jose sa bangketa samantalang si Jose naman ay nag-aalok ng murang pagkain sa mga motoristang napapadaan sa intersection. Ngunit, may lihim na buhay si Jose. Madalas siyang makipag-hook up sa mga lalaking nakikilala niya online. Ang alam ng kanyang ina ay nag-overtime siya kaya late siya umuwi ng bahay. Magbabago ang buhay ni Jose ng makilala niya sa online dating apps si Luis (Manolo Herrera). Si Luis na ba ang para kay Jose? Malalaman kaya ang katotohanan sa pagkatao ni Jose?

Mahusay ang pelikulang "Jose" sa pagtalakay ng isyu ng isang mahirap na 19 anyos na namumuhay sa mahirap at konserbatibong kultura ng Guatemala. Idagdag pa ang sosyopulitikal at sosyoekonomikong problema ng bansa.

Mapangahas ang pelikula hindi lang dahil sa frontal nudity ng dalawang actors kundi pati sa pagtalakay ng kontrobersyal na isyu tulad ng homosexuality sa mga Kristiyano. 

Si Luis ay isang born-again Christian living a double life. Makikita sa pelikula na dumadalo siya ng praise and worship service. Sa susunod na eksena ay nagtatalik na sina Jose at Luis.

May eksena sa pelikula na nakiusap ang nanay ni Jose sa nanay ni Luis upang layuan ang anak. Hindi ipinakita sa mga naunang eksena na churchmates ang nanay nila Jose at Luis maski sina Luis at Jose pero sa simpleng eksena na ito makikita ang pagiging konserbatibo sa bansa. May linya ang nanay ni Jose sa nanay ni Luis na dapat layuan ni Luis si Jose dahil na din sa turo ng kanilang pastor.

Magaling si Enrique Salanic bilang Jose dahil nabigyan niya ng buhay at halos yakapin niya ang kanyang karakter. Ganoon din naman si Manolo Herrera bilang Luis.

Tuesday, November 19, 2019

CINEMA ONE ORIGINALS PART 2 REVIEW


METAMORPHOSIS 




Si Adam (Gold Aceron) ay isang kabataang nagbago ang buhay ng malaman niya na taglay niya ang dalawang kasarian.

Matapang ang pelikula na tinalakay ang intersex o mas kilala noon sa tawag na hermaphroditism. Tapos ang tatay ng bidang may intersex ay pastor pa. Doon pa lang ay mapang-ahas ang pelikula. Meron ka din matututunan tungkol sa intersex sa pelikula na tatlong uri pala. Mahusay ang cinematography ni Tey Clamor. Magaling din ang paggamit ng kulay sa pelikula.

Malaki ang naitulong ng supporting actors sa bidang si Gold Aceron. Napakahusay ni Iana Bernardez bilang isang prostitute na unang tumanggap kay Adam sa kaniyang pagka-intersex. Mahusay din si Ricky Davao bilang pastor na sa una ay narrow-minded tapos sa huli ay may napagtanto. Magaling din si Yayo Aguila bilang nanay ni Adam. Tulad ng QCinema film na “Billie and Emma”, set noong 90’s ang pelikulang ito.

Hindi maiwasang maikumpara ang pelikula sa “John Denver Trending” dahil na rin sa pagkakahalintulad ng ilang eksena sa pelikula. Tulad na lamang unang eksena ng pelikula kung saan ay makikitang troublemaker si Adam dahil na rin sa trato sa kanya ng mga kaklase niya. Sa eksenang din kung saan naglalakad si Adam sa kalsada, matapos awayin ng mga kaklase. Maaaring incidental lamang ang pagkakahalintulad.

Sa eksenang parang nasa cocoon siya o nag-transform siya ay treatment na maihahalintulad noong mid-2000’s na indie filmmaking o digital filmmaking noon. Parang Joselito Altarejos peg noon.

Subalit, hindi ko masyadong magustuhan ang pelikula. Siguro ay dahil nag-expect ako ng bongga?

LUCID




Last August, nakapanood ako ng pelikulang tinalakay ang depression. 'Yun ay ang "My Letters to Happy". This time sa Cinema One Originals, para sa akin ay isa na namang pelikulang tinalakay ang depression ang napanood ko. Ito ay ang pelikulang "Lucid".

Si Annika o Ann (Alessandra De Rossi) ay staff ng isang opisina na inaalagaan ang kanyang tiyahing may karamdaman. Makikitang hirap at pagod sa pag-commute mula Mandaluyong hanggang Caloocan si Annika. Nakakaranas din ng matinding kalungkutan ang dalaga. Ang nagiging distraction lamang niya ay ang nobyo ng kanyang ka-trabaho. Kaya naman upang takasan ang kanyang pinagdadaanan sa buhay ay gumawa siya ng paraan at ito ay ang Lucid dreaming. Sa Lucid Dreaming, nakokontrol niya ang mga pangyayari. Ngunit, makikilala niya si Xavi (JM De Guzman) sa kanyang pag-Lucid dreaming na hindi niya makontrol. Nakahanap na ba ng katapat si Annika? Si Xavi na ba ang sagot sa kanyang matinding kalungkutan?

Natuwa ako sa locations. Sa ACTEC sa B. Serrano at Pages and Lattes sa EDSA pa-Monumento nag-shoot ang pelikula. Naalala ko 'nung high school dyan kami nag-career orientation sa ACTEC. Sa Pages and Lattes naman, dyan kami nag-meet ng high school classmates, nag-celebrate ng birthday ng kapatid ko at jamming sa music session ng isang friend.

Going back, para din sa akin, ito ang career best performance ni Alessandra De Rossi as an individual dealing with depression kaya deserving na nanalo siyang Best Actress sa awards night ng Cinema One Originals.

Maaaring open for interpretation kung highly melancholic o talagang may clinical depression si Annika o Ann. Pero sa mga sintomas na pinapakita ng bida ay dumadanas siya ng depression.

Sa mga eksenang nanaginip siya, pinaalala nito ang eksena sa “What Dreams May Come”.  Magkaiba sila ng kwento pero 'yung treatment sa dream sequences ang tinutukoy ko. Saka, sa part ng character ni JM De Guzman somewhat may pagka-"Just Like Heaven" ang peg ng konti. Nga lang, slow paced ang pelikula kaya need ng patience sa panonood. Kahit ganoon, nagustuhan ko ang “Lucid”.


Wednesday, November 13, 2019

SILA SILA (THE SAME PEOPLE)




Ang “Sila-Sila” ay isa sa paborito kong pelikula ngayong taon.

Si Gab (Gio Gahol) ay muling nagbalik sa Maynila makalipas ang halos isang taong na-assign siya sa Cagayan De Oro dahil sa trabaho. Bago pa man ang kanyang pag-destino sa Cagayan De Oro, naghiwalay sina Gab at Jared (Topper Fabregas) matapos malamang nag-Grindr ang huli. Walang paramdam maski sa mga kaibigan si Gab kaya naman sa kanyang pagbabalik ay maayos pa kaya niya ang kanyang relasyon sa mga kaibigan? Magka-ayos din kaya sila ni Jared?

Napakahusay ng screenplay ni Daniel Saniana at direksyon ni Giancarlo Abrahan. Magaling din ang cinematography, music at soundtrack.

Napakagaling ni Gio Gahol bilang Gab. Sana manalo siya ng Best Actor. At hindi ako magtataka kung manominado siya for Best Actor sa award-giving bodies. Mas kilala si Gio Gahol bilang theater actor. Noong 2016 Cinema One Originals, maalalang si Gio Gahol ang gumanap na isa sa best friend ng karakter ni Jasmine Curtis Smith sa pelikulang “Baka Bukas”. Kahit ang mga supporting actors na kasama niya dito sa pelikula ay tanyag sa larangan ng pagtatanghal sa teatro. Kaya naman kitang kita rin ang kahusayan nila sa pagganap.  Nariyan ang magaling na ensemble of actors Topper Fabregas, Phi Palmos, Adrienne Vergara, Bart Guingona, Boo Gabunada, surprisingly jane-of-all-trades Dwein Baltazar at iba pa na lahat ay mahuhusay din.

Nagalingan din ako dito kay Phi Palmos na una kong napanood ngayong taon sa Sinag Maynila film na “Akin ang Korona”. Maalalang magkasama sina Gio Gahol at Phi Palmos bilang Mga Budding Artists.

Tulad ni Phi, napanood ko din sa bahagi ng “Lakbayan” na Sinag Maynila film si Bart Guingona. Mas nagustuhan ko siya dito bilang si Max.

Scene-stealing ang eksena ni Boo Gabunada bilang grab driver kuno na sinamahan ni Gab sa kotse.

Sa pelikulang Sila Sila, hindi ko makakalimutan ang eksena kung saan may nakilalang misteryosong estranghero (Boo Gabunada) si Gab (Gio Gahol) at sinamahan pa niya ito sa loob ng kotse.

Sa mga eksena bago ito, makikita nating magkahalo ang emosyon ni Gab na harapin ang kanyang mga kaibigan (Dwein Baltazar at Phi Palmos) at kanyang ex na si Jared (Topper Fabregas). Reluctant at halos ayaw niyang harapin ang mga taong malapit sa buhay niya. 

Napilitan din siyang sumama sa reunion ng mga high school classmates niya na inorganisa ng mayamang karakter ni Adrienne Vergara. Dahil na din sa hindi niya matiis ang sa tingin niya ay pagpapanggap at pressure ng mga taong nakapaligid sa kanya ay binalak niyang tumakas.

Dito, inakala niya na ang misteryosong estranghero ay isang Grab Driver na kanyang na-book. Nang maamoy niya na nag-mamarijuana ang binata ay sinamahan niya ito at nag-usap sila.

Madalas kong mapanood ang mga ganitong eksena sa mga stoner films sa Hollywood. Kaya siguro para sa akin ay kakaiba ito. 

Sa una, aakalaing hindi ata kunektado o angkop ang eksenang ito sa kabuuan ng pelikula. Pero sa huli, napagtanto ko na dito natin mas nakilala si Gab.

Sa una, may pagka-angas ang estranghero. Nang samahan siya ni Gab ay naging kumportable sila sa isa't isa. Sa eksena ding ito, mas naging relax si Gab na makausap ang estranghero. Dito niya nabanggit na ang mga taong dating kilala niya ay hindi na tulad ng dati. Mga salita at saloobing hindi niya masambit sa kanyang mga kaibigan. Kung ano ano na rin ang napag-usapan nila. Hanggang sa mabanggit at nilinaw din ng estranghero na straight siya. 

Tulad ni Gab, may mga sandali sa buhay natin na gusto nating tumakas at mas may tiwala tayong sabihin ang saloobin natin sa isang estranghero at pagkakatiwalaan natin dahil para sa atin ay hindi na natin sila makikitang muli. At sino ba naman ang tatanggi kung isang tulad na isang estranghero na karakter ni Boo Gabunada ang mapaghihingahan mo.
Ito ang isa sa mga friendship movies na gawang Pinoy na gustong gusto ko. May “Reality Bites” feels at vibes pero gay version. Naka-sentro man ito kay Gab at mga relationships niya ay hindi naisantabi na bahagi ng buhay niya ang kanyang mga kaibigan pati ang kanyang desisyon as an adult.

Saka damang dama mo na pati ikaw na manonood ay bahagi ng barkadahan at gusto mo din magkaayos sina Gab at Jared.

Natural ang bitawan ng mga linya. Ito ang lengwahe na maririnig mo sa ating panahon. Kaya tawanan ang mga tao sa sinehan lalo sa mga sagutan ng barkada.

Ito din ang maganda sa mga pelikula ni Giancarlo Abrahan dahil malinaw na nailalahad at naipapakita niya ang relationships ng bawat characters niya tulad sa nauna niyang pelikulang “Dagitab”.


THE LIGHTHOUSE



Nagandahan ako sa pelikulang ito.

Ang “The Lighthouse” ay set noong 1890’s sa Maine. Tungkol ito kay Ephraim (Robert Pattinson) na isang wickie o lighthouse keeper kasama si Thomas (Willem Dafoe) na nagsisilbing supervisor niya. Sa pagtagal ng dalawa sa lighthouse, unti-unti ay may matutuklasang kakaiba si Ephraim sa isla. Totoo nga ba ito o imahenasyon niya lamang? May kinalaman ba si Thomas dito?

Eerie, atmospheric at nightmarish arthouse psychological horror ang pelikulang “The Lighthouse”.

Maganda ang composition at texture ng pelikula. Magaling ang cinematography. Maganda ang shots, framing, sound effects, SFX at VFX. Effective ang paggamit ng black and white style sa pelikula. Mahusay din ang direksyon ni Robert Eggers.

Mahusay si Willem Dafoe sa kanyang pagganap bilang Thomas. Hindi ako fan ni Robert Pattinson pero impressive at sobrang galing niya dito. Gumamit pa siya ng accent na ginagawa na niya sa ibang indie movies niya. Kapansin-pansin din na gumanda ang katawan ni Robert Pattinson dahil na din sa work-out at edad.

Nakakatuwa na madaming millenials at gen Z ang nanonood. Sobrang engaged ng audience sa film.

Poetic o parang oratorical or extemporaneous speech ang batuhan ng linya nila Robert at Willem dahil na rin sa milieu ng pelikula.

Noong una, akala ko ay ‘di ko ma-appreciate ang pelikula kasi dalawang lalaki lang ang nakikita ko sa screen pero dahil magaling both ng actors ay hindi ako bumitaw sa pelikula.

May mga reference o homage na ginamit sa pelikula tulad na lamang sa “The Birds” ni Alfred Hitchcock.


For your consideration po for Oscar Best Actor nomination kay Robert Pattinson.