Wednesday, August 16, 2017

RESPETO (2017): Ang pelikulang karapat-dapat na i-respeto




Isa sa mga pelikulang kalahok sa Cinemalaya 2017 ang "Respeto". Mula sa direksyon ni Alberto Treb Monteras II at panulat nina Treb Monteras at Njel De Mesa.

Si Hendrix (Abra) ay isang kabataang maagang namulat sa karahasan at kahirapan sa kanilang lugar sa Pandacan. Pangarap niyang maging sikat na freestyle rapper o sa flip top tulad ni Jogard Bayagbag o mas kilala sa tawag na Breezy G. (Loonie)

Dahil na rin sa hirap ng buhay at pakikisama sa kinakasama ng ate Connie (Thea Yrastorza) niyang si Mando (Brian Arda) ay napipilitang magbenta ng droga si Hendrix. 

Sa kagustuhang mapasabak sa pagtatangka niyang sumubok sa flip top at mapansin ng kanyang hinahangaang si Candy (Kate Alejandrino) ay nagamit nya ang pera ni Mando. Sa kasamaang palad ay natalo siya at napagalitan at nasaktan pa ni Mando. Kaya naman naisipan niyang pasukin ang bahay ni Doc (Dido Dela Paz), isang retiradong makata. Tinulungan si Hendrix ng kanyang mga kaibigang sina Betchai (Chai Fonacier) at Payaso (Yves Bagadiong).

Nabigo silang tatlo ng mahuli ang tatlo ni Doc ngunit imbes na hayaang maparusahan ang tatlo ay hiniling na lang niya na ayusin ang kanyang bookshelves.

Natuklasan ng tatlo ang mga likha ni Doc na gusto niyang ibaon sa limot. Unti-unti ring nagkakasundo sina Doc at Hendrix pati ang kaibigan ni Hendrix.

Hindi makapaniwala si Doc dahil ang mga itinabi niyang likha ay ginamit ni Hendrix para sa isang gabi ng showdown ng flip top. Kaya sumugod si Doc sa event at sinabihang "huwad na makata" at "hindi lamang magnanakaw ng gamit. Magnanakaw din ng ideya" si Hendrix.

Hindi ito naging dahilan para magalit at tuluyang lubayan ni Doc si Hendrix.  

Samantala, hindi makasundo ni Doc ang kanyang anak na pulis (Nor Domingo). Hindi rin gusto ng anak nya na mamalagi siya sa lumang bahay na punong puno ng mapait na alaala. Walang kamalay malay si Doc na kasabwat ang anak niya sa pagbebenta ng ilegal na droga.

Hindi naman makapaniwala si Hendrix na ang aabutan niya ng drogang ipinapahatid sa kanya ay si Breezy G. At magiging witness siya sa isang masaklap na pangyayari ang i-gang rape si Candy.

Dito lalong nagkaroon ng koneksyon si Doc at Hendrix dahil si Doc ay may parehong karanasan ng kanyang pamilya noong panahon ng diktadurya.

Sa kaarawan ni Hendrix, isang kagimbal gimbal na pangyayari ang masasaksihan ni Hendrix na maski siya ay magiging bahagi nito.

Pinaghalong tradisyunal at makabago ang paraan upang i-reach out ang mga millenials na manonood. Ang ganitong paraan ay itinuturing na instrumento o daan upang maging komunikasyon sa pamamagitan ng mga berso at tula. 

Malaki man ang impluwensiya ng mga Hollywood films tulad ng 8 Mile (2000) at mga likha ni Spike Lee na maaaring naging reference ng pelikula. Fresh ang take sa konsepto ng pelikula lalo't bihira kang makapanood ng ganito sa pelikulang Pilipino.

Hindi siya basta poverty porn film. Napapanahon ang mga isyung tinalakay sa pelikula. Maraming sosyopolitikal at sosyoekonomika ang mga tinalakay sa pelikula. Nariyan ang kalagayan sa lipunan, kahirapan, prostitusyon at pagbabago sa uri ng panitikan. Natalakay din ang extrajudicial killings na una kong napanood sa "Engkwentro" ni Pepe Diokno. Sa demolition scene ng pelikula pinaalala sa akin nito ang isang parehong eksena sa pelikulang "Ataul for Rent" ngunit mas matapang na inilarawan ang demolition scene sa pelikulang ito.

Mahusay ang pagkakaganap ni Dido Dela Paz bilang Doc. Sumasalamin siya sa isang henerasyon na pilit nililimot ang pait ng kasaysayan. Ang relasyon nila Doc at Hendrix ay sumisimbolo sa generation gap. Challenging sa part nila Abra at Loonie ang gumanap sa kanilang papel dahil hindi mo alan kung paano sila huhugot ng emosyon subalit napanindigan naman nila ang kanilang papel. Mas lalong mapanghamon sa part ni Abra ang pagganap bilang troubled na kabataang nangangarap na maging rapper at sumikat sa larangan ng flip top. Magaling din si Nor Domingo bilang anak na pulis ni Doc. Si Nor Domingo ang gumanap na kanang kamay sa karakter ni Nonie Buencamino sa TV series na "The Greatest Love" at nagsilbi ring Lighting Director ng show

Humanga ako kay Chai Fonacier. Dumagdag muli sa kanyang filmography ang pelikulang ito. Naalala ko siya sa pelikulang "Pauwi Na". Kaya naman aabangan ko siya sa "Patay na si Hesus" dahil hindi ko ito napanood nung QCinema 2016. Naalala ko kay Chai Fonacier si Taraji P. Henson hindi sa kanyang hitsura kundi sa galing sa pag-arte. Isa siya sa pakakaabangan na indie actress na maaaring ihanay kanila Angeli Bayani, Mercedes Cabral, Irma Adlawan at Sue Prado.

Kahit maikli ramdam mo ang sakit sa nangyari sa karakter na Candy ni Kate Alejandrino. Siya rin ang gumanap na ex-girlfriend sa lesbian karakter ni Jasmine Curtis-Smith sa pelikulang "Baka Bukas".

Mahusay ang execution ng pelikula kahit ang script nito. Magaling rin ang musika dahil ito ay nilapat ni Jay Durias. Maski ang teknikal na aspeto tulad ng ilaw at tunog ay umakma sa pelikula.


Karapat-dapat lamang na i-respeto ang pelikulang "Respeto".

Monday, July 24, 2017

KITA KITA (2017)



Kung nakapanood ka nang mga comedy films sa Viva Films noong 90's na kasama si Andrew E., marahil ang kwento ng isang bulag at ambisyoso (ambisyoso talaga ang term? Euphemism?) ay subplot lamang at supporting ang dalawang tauhan. Nakakatuwang isipin na sa pelikulang "Kita Kita" ay sila na ang bida.

Si Lea (Alessandra De Rossi) ay isang Filipinang tourist guide sa Japan. Sa Sapporo, Japan siya matagal ng naninirahan. Engaged siya sa kanyang boyfriend na Japanese na si Nobu. Sa mahigit na limang taon nilang mag-jowa ay nanlalamig sa kanya si Nobu. Isang gabi nalaman niyang may third party si Nobu. Ang masaklap ay kaibigan at isa pang Japinay ang karelasyon ni Nobu. Sa mga pangyayari ay labis na nasaktan at na-stress si Lea na naging dahilan para siya ay mabulag. (Nakakatakot na dahil sa sobrang stress ay nabulag ang bida). 

Bagong lipat naman na kapitbahay ni Lea si Tonyo (Empoy Marquez). Kapwa Filipino sila. Kaya naman ng mapansin ni Tonyo na nag-iisa at malungkot si Lea ay kinukulit nya itong makipag-usap at makipagkaibigan sa kanya. Si Lea naman ay hindi pa nakakamove-on at naninibago sa kanyang temporary blindness kaya umiiwas siya sa tao. Patuloy na kinakausap, kinukulit, tinatawag na "kabayan" at binibigyan ng nilutong pagkain ni Tonyo si Lea subalit sarado pa rin ang puso ng dalaga. Dahil na rin sa pagtyatyaga ni Tonyo ay muling binuksan ni Lea ang kanyang puso. Gusto ni Tonyo na maging tourist guide niya si Lea sa ibang bahagi ng Japan. Unti-unting naghihilom ang sugat ni Lea sa mga paraan ni Tonyo upang mapasaya siya.

Makakalimutan na ba ng tuluyan ni Lea ang kanyang ex? Makakakita pa ba siya? Kung makakita siyang muli ay matatanggap niya ba si Tonyo? Sino ba talaga si Tonyo? Magkakatuluyan ba ang dalawa? (Ayokong maging spoiler. Panoorin nyo na lang)

Matagal na akong hindi nakakapanood ng Filipino RomCom na pinatawa at pinaiyak ako. Nangyari lang ulit iyon dahil sa pelikulang "Kita Kita". 

Muling napatunayan ni direk Sigrid Andrea P. Bernardo ang kanyang husay sa pagkwento at direksyon. Tulad sa nauna niyang pelikulang "Ang Huling Cha-Cha ni Anita", hindi korni o pilit na nagpapatawa ang pelikula at hindi ka rin uutusan ng pelikula na umiyak. Magaling ang timing ng comedy at drama ng pelikula. Nakakaaliw at nakakaiyak sa mga eksenang akma sa pinaghalong genre. Si direk Sigrid ay maihahanay sa mga direktor na tumatalakay sa isyu ng kababaihan tulad nila Laurice Guillen at late Marilou Diaz-Abaya. 

Si Sigrid Andrea P. Bernardo ay isa sa pinakamahusay na feminista ng millennial generation. Maaaring ma-nominado si direk Sigrid ng Best Screenplay at Best Director sa mga award-giving bodies sa pelikulang ito.

Effective ang chemistry nila Alessandra De Rossi at Empoy Marquez. Nakakatuwa ang mga eksena kung saan "duma-the moves" si Tonyo kay Lea. Sa totoo lang, wala na akong ibang maisip na mga aktor na maging Tonyo at Lea kundi sina Empoy at Alessandra lang. 

Nakadagdag muli sa mga hindi malilimutang filmography ni Alessandra De Rossi ang "Kita Kita". Mahusay na nagampanan ng aktres ang kanyang papel bilang babaeng nasubok ang katatagan dahil sa temporary blindness at muling binuksan ang puso na makaramdam ng pagmamahal. Maaari siyang maging nominado muli sa iba't ibang award giving bodies bilang Best Actress dahil sa pelikulang ito.

Alam nating komedyante si Empoy ngunit sa pelikulang ito hindi lang siya nagpatawa kundi nagpaiyak din. Para sa akin, ito ang kanyang role at pelikula na hindi ko makakalimutan. Maaari ring maging nominado bilang Best Actor si Empoy dito.

Malaki ang naitulong sa setting o location ng pelikula sa Sapporo, Japan dahil nagsilbi itong witness ng namuong relasyon ng dalawang karakter. Halimbawa, sa pelikulang "Under the Tuscan Sun" (2003) bahagi ng pagmomove on ng karakter ni Diane Lane ang Italy. Ang Sapporo ang tumulong kanila Lea at Tonyo upang makapag-move on.

Habang pinapanood ko ang pelikula ay parang pinaghalong Japanese, Korean, French film ang feels.

Nakadagdag pa sa emosyonal na bahagi ng pelikula ang version ni KZ Tandingan ng Air Supply hit na
"Two Less Lonely People in the World". Umakma din ang themesong sa pelikula. Nakaka-LSS tuloy.

Worth watching ang pelikulang "Kita Kita". 

Friday, July 14, 2017

BAKA BUKAS (2016)



Isa sa mga pelikulang kasama sa 2016 Cinema One Originals ang Baka Bukas. Ito ay tungkol sa twenty-something na si Alex (Jasmine Curtis – Smith). Isang jill-of-all-trades at multi-tasker na nagrerepresent ng ating millenial generation. Sa sobrang creative nya ay nag-juggle siya sa iba’t ibang trabaho. Ilan lamang dito ang pagiging writer, director, production designer at social media manager. Isang bagay ang gumugulo sa kanya iyon ay dahil hindi siya makapag-come out sa kanyang bestfriend at aspiring actress na si Jess (Louise Delos Reyes) pati na sa feelings niya sa aktres.

Habang pinapanood ko ang pelikula,  mapapansin ang social status o class ng mga tauhan. Socialite sila kaya naman pati sa language at mga outfit nila ay talagang hindi sila nagpapahuli sa uso o fashion. Dagdag pa rito ang pagtratrabaho nila sa industriyang fast-paced. Ito ay ang media.

Naiiba ang pagganap ni Jasmine Curtis – Smith bilang Alex. Innocent-looking, child-like, gamine ngunit mas madalas na quiet at observant na may pagka-playful. Parang Audrey Hepburn ang dating. May mga bagay na naguguluhan ako sa karakter ni Alex. Hindi malinaw kung ano ang gusto ng karakter ni Alex. May mga lines sya na pilit ang lalim pero hindi ako maka-connect sa emosyon niya o sadyang hindi naman intentional na parang nag shut down siya ng emotions. Maaari ring ganito ang representation sa mga millenials. Nag-come out siya pero parang nag-hold back.

Surprisingly, nagustuhan ko ang portrayal ni Louise Delos Reyes sa pelikula bilang bestfriend ni Alex – si Jess. Kahit pa hindi masyadong na-establish ang pag come out ni Jess. Siya ang risk-taker, clingy at coquettish. Roller coaster ang kanyang emosyon. Mas matapang siyang mag-express ng feelings niya toward Alex lalo pag sila lang dalawa. Dahil sa sikreto ang naging relasyon nila mula bestfriend hanggang sa maging mag-jowa.

Kapansin pansin ang maong jacket na sinusuot ni Alex. Maaaring it represents rebellion. Kumbaga eh millenial generation ng mga James Dean.

Makikitang may issue ng absentee parenting sa part ng nanay ni Alex (Cheska Inigo) na common nowadays. Kaya nakaapekto ito sa karakter ni Alex. Isa pa ang hindi visible na presence at hindi nabanggit ang tatay ni Alex sa pelikula.

On the other hand, natuwa ako sa mga supporting actors na sina Nel Gomez bilang David at Gio Gahol bilang Julo. Si David na photographer at si Julo naman na stylist. May issue din ang dalawa. Ito ang hindi pag-amin ng feelings sa isa’t isa hanggang sa hinarap nila ang pagiging mag-jowa.

Directorial debut ito ni Samantha Lee. Kaya maiintindihang personal sa kanya ang pelikula. Pakiramdam ko lamang ay may kulang sa pelikula. Kulang ito sa lalim pero hindi maikakailang maganda ang sinematograpiya ng pelikula.


Dahil sa matapang na pagganap nila Jasmine Curtis-Smith at Louise Delos Reyes sa “Baka Bukas” ay napasama ang kanilang performance sa TV show na Ang Pinaka sa episode nitong “Ang Pinaka: Memorable Lesbian Roles in Philippine Cinema”. 

Friday, July 7, 2017

NED'S PROJECT (2016)



Kabilang sa 2016 CineFilipino Film Festival ang pelikulang "NED'S PROJECT" mula sa script ni John Bedia at direksyon ni Lemuel Lorca.

Ginampanan ni Angeli Bayani ang karakter na si Henedina De Asis o mas kilala sa palayaw na Ned. Si Ned ay butch na tomboy. Ikinabubuhay niya ang pagiging tattoo artist sa Sampaloc, Quezon. Hindi siya tanggap ng kanyang pamilya kaya mag-isa siyang namumuhay sa kanilang lumang bahay hanggang sa makilala niya ang manikuristang girlfriend na si Gladys (Dionne Monsanto). Nagli-live in na silang dalawa kaya naman naghahangad siya na magkaroon ng anak at pamilya. Hindi gusto ni Gladys ang ideyang ito. Hindi din tanggap ng ate ni Ned na si Olga (Ana Abad Santos) si Gladys. Samantala, inalagaan naman ni Ned ang kanyang nagsisilbing mentor si Max/Maxima (Lui Manansala). Habang inaalagaan ni Ned si Max sa sakit nito ay nasasaktuhan niyang abutin ang programang "Tibo Tibo, Tiba Tiba". Isa itong contest para sa mga tomboy kung saan ipapakita nila ang kanilang angking talento at ang magwawagi sa grand finals ay mag-uuwi ng 250, 000 pesos. Nais sumali ni Ned sa contest upang magkaroon ng perang sapat para sa artificial insemination upang magkaanak siya. 

Magkasabay na malungkot na pangyayari ang dumating sa buhay ni Ned. Ipinagpalit ni Gladys si Ned sa isang lalaki at namatay si Max. Tuloy pa rin ang buhay ni Ned. Patuloy ang buhay ni Ned at hindi niya itinigil ang pagta-tattoo artist hanggang sa makilala niya at maging kliyente niya si Ashley (Max Eigenmann).

Sa una'y hindi magkasundo sina Ashley at Ned. Hanggang sa unti-unti nilang nagustuhan ang isa't isa. Pinakiusapan ni Ned si Ashley na turuan siyang sumayaw para sa pagsali niya sa "Tibo Tibo, Tiba Tiba". Dito mas lalong lumalim ang kanilang pagkakaibigan.

Si Ashley na ba ang babae para kay Ned? Manalo kaya si Ned sa pagsali niya ng contest? Matupad naman kaya ang pangarap ni Ned na maging isang ina? 

Mahusay ang pagganap ni Angeli Bayani bilang Ned. Inaral niya ang kilos, pananamit at pananalita ng isang butch lesbian. Kumbaga dumaan sa matinding transformation si Angeli Bayani sa role na ito. Ang natatandaan kong performances na may ganyang matinding transformation sa pagganap ng lesbian ay sina Hilary Swank sa pelikulang Boys Don't Cry (1999) at Charlize Theron sa pelikulang "Monster" (2003). Kaya naman hindi kataka takang mapasama ang kanyang performance sa TV show na Ang Pinaka sa Memorable Lesbian Roles in Philippine Cinema. Deserving din ang kanyang pagiging nominado sa Gawad Urian bilang Pinakamahusay na Pangunahing Aktres. Isa siya sa bet ko o gusto kong magwagi sa parangal kasama nina Irma Adlawan sa Oro (2016) at Jaclyn Jose sa Ma' Rosa (2016).

Magagaling din ang ensemble cast ng pelikula. Natuwa ako kay Ana Abad Santos bilang Olga na kapatid ni Ned. Magaling din sina Max Eigenmann bilang Ashley, Lui Manansala bilang Max, Dionne Monsanto bilang Gladys, Star Orjaliza at Biboy Ramirez. 

Mahusay ang execution ng pelikula mula sa malikhaing direksyon ni Lemuel Lorca at script ni John Bedia. Dagdag pa nito ang tama sa timplang comic timing at dramatic moments ng pelikula. Deserving din ang pagiging nominado nila Lemuel Lorca sa Pinakamahusay na Direktor at John Bedia sa Best Screenplay.

Kakaibang movie experience ang mapanood ang Ned's Project. 

Monday, July 3, 2017

ESPRIT DE CORPS (2014)



Bihira akong makapanood ng pelikulang tulad ng Esprit De Corps. Kabilang ang pelikulang ito sa Cinema One Originals 2014. Mula sa panulat at direksyon ni Kanakan Balintagos o mas kilala bilang Auraeus Solito. Matapang na tinalakay ng pelikula ang mga isyu sa loob ng training ng mga kadete noong panahon ng diktadurya ni Marcos. Isa sa lalong nagpatapang sa pelikula ay ang ihalo ang usaping sekswalidad sa mga kadete. Maaaring hindi na ito bago o naitalakay na ito sa ibang foreign films o tagalog na indie ngunit sa aspeto na ginawa itong poetic ang naging dahilan para ito'y maging distinct. Tulad sa pelikulang "Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa" (2011) ay dinaan sa mga matalinghagang dayalogo ang mga bagay na pilit itinago o hindi kayang ipakita.


Mahusay na ginampanan ni Sandino Martin ang papel na C/Pvt Abel Sarmiento. Sensitibo, tahimik ngunit maingat at handang suungin ang mga proseso upang mapasakamay niya ang posisyon ni Major Mac. May mga bahagi sa pelikula na gripping at compelling ang pag-arte ni Sandino Martin. Napatunayan niya ito sa eksena tulad ng aminin niya sa kanyang matalik na kaibigan na biktima siya ng sexual abuse ng pari, ang hubo't hubad niyang paglangoy sa swimming pool at frontal nudity nya habang kausap ang matalik na kaibigan sa swimming pool. Lalo na sa eksenang tinanggihan niya ang madaling paraan upang mapalitan si Mac. Matapang naman ang pagganap ni JC Santos bilang Major Mac, ang scheming, manipulative na S3 (operations officer) ng isang eksklusibong Catholic School for boys. May mga bagay na pilit niyang itinatago at hindi sinasabi ngunit halata ito sa kilos niya - ang kanyang kahinaan. Nakakagulat din dito si Lharby Policarpio bilang C/Pvt Cain Fujioka. Isang anak ng Japayuki at matalik na kaibigan ni Abel. Handa niya ring gawin ang lahat upang mapasakamay ang posisyon ni Mac kahit sa puntong gamitin siya ni Major Mac. Mapangahas ang eksena nila Lharby Policarpio at JC Santos.



Nakakatuwa ang mensahe ng pelikula tungkol sa pagdaan sa proseso ng mga pangunahing karakter. Mas pinili ni Cain ang mabilis na proseso kaya hinayaan na lamang niya si Mac na gawin ang gusto nito. Samantalang kahit mahirap ay mas ginusto ni Abel na dumaan sa tamang proseso kaya makikitang mas nagugustuhan ni Mac ang kanyang determinasyon.

Sa mga pangalan ng karakter, maaaring tinangka ng filmmaker na kumuha ng reference sa Bibliya. Tulad sa Bibliya, mas pinili ni Abel ang kalugod lugod na alay o handog kesa sa paraang ginawa ni Cain. 


Maganda rin ang kantang "Handa Na" na inawit nila Sandino Martin at JC Santos.

Friday, June 30, 2017

SLEEPLESS (2015) at SHIFT (2013): Dalawang pelikulang patungkol sa mga Call Center Agents



Sleepless (2015). Is it our version of Sleepless in Seattle? Absolutely not. Kasama sa kauna-unahang QCinema noong 2015 ang pelikulang "Sleepless". 

Si Gem (Glaiza De Castro) ay isang top sales agent sa isang call center company. Pansamantalang, nasa dayshift ang kanyang schedule ngunit hirap siyang makatulog o meron siyang insomnia. Si Barry (Dominic Roco) naman ay bagong agent sa call center na pinagtratrabahuan ni Gem. In-assign si Gem na maging mentor ni Barry. Sa una'y hindi kumportable ang isa't isa pero nang malaman ng dalawa na malapit lang ang tinutuluyan nilang dorm ay mas lalo silang nagkaroon ng koneksyon upang makilala ang bawat isa.

Maaaring ang pelikulang "Sleepless" ay may pagkakapareha sa pelikulang "Lost in Translation". Mabagal o slow-paced ang pelikula. Makikitaan din ng matinding pagkabagot ang mga pangunahing karakter. Seryoso din ang pagtalakay ng mga isyu sa pelikula. Ilan lamang rito ang relasyon ni Gem sa karakter ni TJ Trinidad. Isa ang call center industry na tulad din sa ibang industriya ay may mga lihim na minsan nagiging bulong-bulungan na ang isang empleyado o workmate ay kabit nito at kabit niyan si ganito si ganyan. Yan ang sitwasyon ni Gem. Nakikita natin ang kanyang strength sa pagtratrabaho ngunit may kahinaan sa pakikipagrelasyon o koneksyon sa opposite sex. Marahil dahil na rin ito sa hindi niya maayos na relasyon sa kanyang ama. Makikita sa pelikula na ang nanay niya na ginampanan ni Irma Adlawan ay may iba ng pamilya at walang trace ng kanyang ama sa pelikula. Kaya nang magkasundo sila ni Barry ay parang nagkabuhay si Gem.

Si Barry naman ay masasabi natin na cute agent ngunit ito ang tipo na magiging crush sa floor pero yun pala may anak na. Sayang! 

Merong longingness to connect ang mga karakter nila Gem at Barry na siyang dahilan kung bakit sila nagkasundo. Nasa isang unhealthy relationship si Gem habang si Barry ay gustong makapiling ang anak niyang inilayo ng nabuntis niyang ex-girlfriend. 

Nag-uusap at nagtatanungan sila ng tungkol sa buhay at pati na rin ang mga kaweirduhan. Hmm... sounds familiar? Before series ni Richard Linklater o That Thing Called Tadhana? Pagdating sa trabaho ay tinutulungan ni Gem si Barry upang mag-excel ngunit habang tumatagal lalong nananaig ang emosyon ni Barry na nakakaapekto sa kanyang trabaho.

Sa bandang huli, si Gem ay kinakitaan ng pagiging mapagbigay. Tinulungan niya si Barry upang matupad ang kagustuhan niyang makita ang anak. 




Ang pelikulang SHIFT (2013) ay napabilang sa mga pelikulang kalahok ng Cinema One Originals 2013. Sa SHIFT (2013) naman ay isang demotivated na sales call center agent si Estela (Yeng Constantino). In-assign ng kanilang team leader si Trevor (Felix Roco) upang i-mentor si Estela at bumalik ang sigla nito sa pagtratrabaho. Ito na naman ay pangkaraniwang eksena sa call center industry. Mas inuna nilang magtrabaho kesa sundin ang pangarap nila. Unti-unti na ang pagiging malapit ni Estela kay Trevor ang magiging dahilan para magkagusto siya sa kanyang cute na mentor pero bakla pala. 

Humanga ako kay Yeng Constantino sa kanyang unang pelikula na nakitaan siya ng talento sa pag-arte. Hindi over-acting at tama lang sa timpla. Mahusay niyang nagampanan ang karakter na Estela. Magaling din si Felix Roco sa kanyang pagganap kahit na medyo naguguluhan ako sa karakter niya kung unti-unti ba siyang nagkakagusto kay Estela kahit bakla siya? 

Relatable ang karakter na Estela ni Yeng dahil kahit ako nadama ko ang mga frustrations niya sa buhay. Yung may mga bagay siyang gustong gawin pero mas pinili niyang maging praktikal sa buhay.

Nakakatuwa din ang cameo ni Alex Medina bilang dating katrabaho ni Estela na may pagtingin sa kanya.

Hindi man napigilan ni Trevor si Estela sa kanyang plano. Nakita pa rin natin sa huli na indecisive ang karakter ni Estela sa mundong walang katiyakan.


Sa kabilang banda, parehas na accurate ang depiksyon ng call center industry pati ang struggles ng mga call center agents sa dalawang pelikula. Tulad na lamang na nakatulong na ang direktor ng Shift na si Siege Ledesma ay nagtrabaho sa call center upang mabuo ang kwentong tumatalakay sa isang call center agent. Nakakatuwa na kahit sa mga indie films ay binibigyang halaga ang isang trabahong minamaliit ng iba - ang pagiging call center agent.

Kung mapapansin ang dalawang magkapatid na Roco (Dominic at Felix) ay lumabas sa mga pelikulang tumalakay sa call center industry at call center agents.

Monday, May 15, 2017

BLISS (2017)


“Bata pa lang ako. Dream kong maging artista”, ilan lamang ito sa linya ni Jane Ciego sa kanyang bagong pelikula na "Bliss".

Isang sikat na artista si Jane Ciego (Iza Calzado) na nais makamit ang isang role of a lifetime na makapagbibigay sa kanya ng karangalan. Hindi masaya sa kasikatan si Jane. Dumagdag pa ang burn-out habang ginagawa ang pelikula at sumabay pa ang mga personal niyang problema sa kanyang asawa, demands ng trabaho at kanyang ina.

Sumugal din siya upang i-produce ang kanyang pelikula dahil sa nakikita niya ang pagkakahalintulad ng buhay niya sa karakter ni Abigail ngunit hanggang saan siya dadalhin ng kanyang inaasam kung pati ang kanyang buhay ay naisasaalang – alang na?

Ito ay ilan lamang sa mga tinalakay sa bagong pelikulang "Bliss". Mula sa henyong direktor ng "Heneral Luna" na si Jerrold Tarog, ang "Bliss" ay naiibang psychological horror drama. Bihira na rin tayong makapanood ng ganitong pelikulang Pilipino. Hindi na rin kataka taka kung bakit nabigyan ito ng pansin sa Tokyo Osaka Asian Film Fest at nanalong Best Performer sa Yakushi Pearl Award sa nasabi ring parangal si Iza Calzado.  Sa mood at atmosphere ng pelikula ay maaari na itong makipagsabayan sa mga Asian psychological horror drama. Para akong nanood ng isang Hollywood film sa quality ng pelikula.

Hindi maikakaila ang husay sa pagganap ni Iza Calzado bilang Jane Ciego.  Balanse at controlled ang paggaganap ni Iza Calzado kumbaga nasa tamang timpla. Binigyan niya ng buhay ang isang artistang gustong kumawala sa isang sistema ng buhay na parang isang preso.

Isa sa hinangaan ko surprisingly ay si TJ Trinidad. May mga ginagampanan na rin naman siyang unlikeable characters sa mga teleserye at TV specials ngunit stand out siya dito bilang si Carlo. Siya ang asawa ni Jane na madalas maliitin ng kanyang mother-in-law dahil sa si Jane ay isang artista at hindi niya mabigay ang magandang buhay kay Jane. Kumbaga emasculated ang pagkalalaki ni Carlo. Masaklap pa ng mabuntis nya ang assistant ni Jane. 

Scene stealer at talagang sa lahat siya ang hinangaan ko sa acting sa pelikulang ito. Kilala si Audie Gemora sa larangan ng teatro kaya naman ang pagganap niya bilang direk Lexter Palao ay sa aking palagay ay isa sa hindi niya malilimutang pagganap sa isang pelikula. Si direk Lex ay isang egocentric na direktor na handang gawin ang lahat at hindi papapigil sa kanyang personal project na para sa kanya ay pang-Cannes. Wala rin siyang pakundangan kung makasakit o masaktan ang mga taong nasa paligid nya o hindi. Ayon kay direk Lex, tribute niya sa pelikulang "Misery" ang "Bliss". (Lola Kathy Bates as Annie Wilkes?) Tuwang tuwa ako sa kanya habang pinapanood ang pelikula. Saktong ka-amiga niya pa si Michael De Mesa sa pelikula. Isa ba itong extension ng theater production nilang "La Cage Aux Folles"? 

Sa kabilang banda, mapangahas at matapang na ginampanan ni Adrienne Vergara ang dalawang kumplikadong karakter. Nariyan si Rose Madlangbayan na noong bata pa ay naging biktima ng pangmomolestiya ng tomboy na kapitbahay at naging nurse na nangmomolestiya ng kanyang babaeng pasyente.  Si Lilybeth naman ang baliw na nurse o “nurse-from-hell” ni Jane. Maaaring si Lilybeth ay pinaghalong Nurse Ratched ng pelikulang "One Flew Over the Cuckoo's Nest" at Annie Wilkes ng "Misery".

Magaling din si Shamaine Centenera Buencamino bilang stage mother ni Jane na si Jillian na nasilaw sa katanyagan ng anak at palaging inaasahan na pagbibigyan siya ni Jane sa lahat ng gusto niya.

Maaaring nakakabit pa rin kay Ian Veneracion ang mga papel niyang ginagampanan sa mga teleserye kung paano ang atake ng karakter niya sa pelikulang ito. Maaari ring may bahaging nakatulong ito at hindi sa kanyang pagganap bilang artista na leading man ni Jane na si Joshua.

Maraming tinalakay na paksa ang BLISS. Nariyan ang iba't ibang uri ng pang-aabuso tulad ng sexual abuse kay Rose noong bata siya ng molestiyahin siya ng tomboy nilang kapitbahay. Matapang na tinalakay ito sa pelikula. Tulad ng pelikulang "Pamilya Ordinaryo", hindi maganda ang depiksyon ng LGBTQ sa pelikulang ito. Hindi lamang ang tomboy na kapitbahay pati na rin ang egocentric na baklang direktor na si dirk Lex. Buti na lamang hindi nag-react ang mga LGBTQ dito. Kung dati ang mga ganitong depiksyon ng karakter ay pinagproprotestahan pa. (Remember: Cruising, Basic Instinct at The Silence of the Lambs).

Pinakita rin sa pelikula ang kontrobersyal na working hours ng produksyon. Sa isang eksena ng pelikula kung saan ay magshoot ng isang eksena. May dialogue ang staff at direktor.
Staff: Direk, nakaka-30 hours na po tayo.
Direk Lex: Kapag hindi nyo inayos ang trabaho, mag-35 hours tayo dito.

Magaling ang pagkakabit ng kwento nila Jane at Rose. Kung paano inihambing ang buhay ni Jane kung saan ay ibinase sa pisikal na anyo ang isang potensyal at ibinase sa talento ng isang tao upang maging isang artista ayon na sa standard ng media at lipunang uhaw sa kagandahan. Ipinakita din dito ang hindi maayos na pagtingin kay Rose noong bata pa kaya kahit na paulit ulit siyang inaabuso ay parang nagustuhan niya na ito. May kakulangan rin sa paggabay ng magulang ang parehas na karakter nila Jane at Rose. Makasarili ang ina ni Jane at talagang habol lang niya ay ang benefit na nakukuha niya kay Jane. Samantalang, inabandona si Rose ng kanyang magulang kaya nahulog ito sa kamay ng mapang-abusong kapitbahay na nagtake advantage sa kanyang kahinaan kaya naging dahilan ito ng kanyang insecurity at na-develop na gawin niya sa iba ang ginawa sa kanyang pang-aabuso.

Bayolente ang ilang eksena kahit ang mga imahe at simbolismo na ipinakita sa pelikula. Tulad ng paulit ulit na pagsaksak sa hita ng isang tauhan at ang paulit ulit na pisikal pati emosyonal na pang-aabuso kay Jane at sa karakter niyang si Abigail. 
Ipinakita sa pelikulang ito na ang masturbation ay habit na kaakibat ng inner demon at konektado sa spiritual warfare. Magaling ang simbolismo sa pelikula rito kung saan si Jane ay maaaring minolestiya o nagmasturbate at may mga ispiritu sa kumot niya habang nangyayari iyon.

Mahusay ang paggamit ng sound effects sa pelikula. Nakadagdag ito sa mga horror tropes upang gulatin ang manonood. Magaling din ang musikang akma sa mga eksena. Magaling rin ang editing nito lalo pa’t sa bahagi ng mga nightmarish sequences.

Isang salita para i-describe ang pelikulang BLISS... "Intense!”