Monday, December 18, 2017

SMALLER AND SMALLER CIRCLES (2017)



Isa na namang pasabog ng TBA ang pelikulang "Smaller and Smaller Circles". Ang TBA Productions ang nasa likod ng mga pelikulang "Bonifacio: Ang Unang Pangulo", "Heneral Luna", "Sunday Beauty Queen", "I'm Drunk I Love You", "Women of the Weeping River" at "Bliss". Hango sa nobela ng parehas na pamagat ni F. H. Batacan. Napapanood na ang trailer ng pelikula noong nakaraang taon kaya anticipating ito.

Ang pelikula ay tungkol sa dalawang paring sina Father Augusto "Gus" Saenz (Nonie Buencamino) at Father Jerome Lucero (Sid Lucero) na iinimbestigahan ang serye ng walang awang pagpatay sa mga bata sa Payatas. Samantala, si Joanna Bonifacio (Carla Humphries) naman ay isang seasoned journalist na assigned upang sundan din ang serye ng pagpatay at alamin kung sino ang serial killer. Magtutulungan ang tatlo upang mahuli ang killer at pigilan ito sa susunod niyang mabibiktima.

3/4 of the film ay English ang gamit na language ng mga actors. Hindi rin naman ito ang naunang pelikulang Pilipino na gumawa ng ganyan. Nariyan ang "A Portrait of the Artist as a Filipino" (1965) at "Igorota" (1968). 

Unique ang business ng characters nina Father Augusto "Gus" Saenz at Father Jerome Lucero. Saan ka nakakita ng pelikulang Pilipino na may mga paring nag-foforensic?

No doubt ang husay nina Nonie Buencamino at Sid Lucero sa kanilang respective roles. Surprising dahil bumagay naman kay Carla Humphries ang pagiging Joanna Bonifacio. Nakakagulat na biglang kasama pala sina Gladys Reyes, Bembol Roco, Christopher De Leon, Ricky Davao, Dexter Doria, Bernard Palanca. Alex Medina at Junjun Quintana.

May mga funny dialogues sa movie tulad ng mga ss.:
Joanna (referring to Father Jerome): Jesuit priests are getting cuter these days.
Father Gus (referring to Joanna): Iba siya!
Father Jerome (referring to Councilor Mariano): I'd vote for her.

May mga issues ang pelikula. Ito ang mahirap sa pagsalin sa pelikula ng isang nobela. Merong multiple messages ang pelikulang ito tulad ng religious hypocrisy, sociopolitical at socioeconomic issues. Gusto rin ipahayag ng pelikula ang separation ng church at state sa isyung politikal. Idagdag pa ang corruption at sexual abuse cases.  Sa kaunting oras, kelangan icondense ito. 

May mga characters din na hindi na binigyan ng exposure na maaari nang tanggalin dahil nakagulo at hindi nakatulong o sana ay binigyan ng subplot na maayos tulad ng character ni Bernard Palanca pati ang paring kinasuhan ng sexual abuse. Ang masaklap merong VO na hindi nakatulong sa narrative ng story. Sa confrontation scene naman nina Father Gus at serial killer, papaanong nakatakas ang killer sa mga pulis samantalang nakapalibot ang pulis sa area? Anyare? Another police negligence o mishap? Sa katapusan ng pelikula, hindi mo mawari kung hindi na naniniwala si Father Gus sa simbahan at gobyerno dahil na rin sa kanilang sistema at aksyon. Kaya pagkatapos mong mapanood ang pelikula ay marami kang tanong. 

Kailangan kong mabasa ang libro para mas malinaw sa akin ang mga bagay bagay.

While watching the film, it felt like nanonood ako ng The Silence of the Lambs, Kiss the Girls at Se7en. Tinatangka nang pelikula na maging neo-noir thriller na bibihira mong makitang gawin ang ganitong genre sa pelikulang Pilipino.

Maganda kung gagawing TV series ang pelikulang ito.


Friday, December 15, 2017

ANG LARAWAN (2017)





Ngayong 2017, dalawang musical films na gawang Pinoy ang aking napanood parehas pang hinango sa stage plays. Una ang Changing Partners (2017) na ipinalabas noong Cinema One Originals. At mapalad akong naimbitahan para sa special screening nang pinakaabangang “Ang Larawan”. Isang pelikulang official entry sa 2017 Metro Manila Film Festival.

Mula sa stage play na “A Portrait of the Artist as Filipino” likha ng National Artist na si Nick Joaquin. Ilang beses itong nagkaroon ng adaptation. Ang film adaptation ay dinirek ni Lamberto Avellana noong 1965 at ginawan ng musical play ito ni Rolando Tinio noong 1997.

Ang musical film na “Ang Larawan” ay tungkol sa dalawang matandang dalagang magkapatid na sina Candida (brilliantly portrayed at walang makakapantay na perfornance ng theater actress na si Joanna Ampil) at Paula (equally matched ring nagampanan ni Rachel Alejandro) na inaalagaan ang kanilang amang si Don Lorenzo Y Magnifico sa lumang ancestral house sa Intramuros. Si Don Lorenzo ay tanyag na pintor noong kalakasan niya pa ngunit matagal na uling hindi nakakalikha ng painting. Ito lang pala ang pinagkukunan nila ng kabuhayan kaya naman nabaon sa utang ang pamilya. Wala na ring pambayad sa kuryente. Kaya naman naisipan nilang ipaupa ang kwarto sa bahay. Si Tony Javier (Paulo Avelino) ang nag-iisa nilang boarder. Gwapo, matipuno, mapang-akit at may angking galing sa musika. Kaya naman pinagtsitsismisan ng mga kapitbahay ang magkapatid ng patuluyin si Tony. Samantala, hindi pa rin sapat ang kinikita sa pagpapaupa kaya umaasa sila sa padala ng nakatatanda nilang kapatid na sina Manolo (mahusay na nagampanan ni Nonie Buencamino) at Pepang (talaga namang napakagaling na si Menchu Lauchengo Yulo). Meron palang masamang balak ang mga nakakatandang kapatid dahil sa gusto nilang ibenta ang bahay at paghatian pa ang mga muwebles para lang sustentuhan ang kanilang mga bisyo. Ang masaklap pa nito ay gusto nila Manolo at Pepang na tumira sa mga bahay nila ang dalawang spinster upang pagsilbihan silang dalawa. 
Maalala nila Candida at Paula "Ang Larawan" na huling pininta ni Don Lorenzo na inialay sa kanilang magkapatid. Dahil na rin sa napakaespesyal ng painting na ito ay marami ang nagkainteres dito kabilang na si Tony Javier. Lalong nagpakumplikado sa sitwasyon ang pagkagusto ni Paula kay Tony. 

Ano ang magiging kapalaran ng magkapatid? Kanino mapapasakamay "Ang Larawan"?

Ilang ulit na rin ang pagtatangkang buhayin ang musical genre sa pelikulang Pilipino. Sa aking pagkakatanda, nariyan ang mga pelikulang Kakakabakaba ka ba? (1980), ilang pelikula nila Sharon Cuneta (Bukas Luluhod Ang Mga Tala, Bituing Walang Ningning at Pasan Ko Ang Daigdig) at Nora Aunor, Emir (2010) at I Do Bi Doo (2012). Nakakalungkot isipin na ang iba sa musical film natin ay hindi ganoong matagumpay sa puso ng mga manonood na Pilipino. Kaya risk o gamble ang genre na ito.

Aminado akong musical films fan ako dahil mas accessible itong panoorin at afford kumpara pag pinanood mo ang pagtatanghal sa teatro tulad ng Broadway at London West End na libo ang halaga. Pangarap ko yun makapanood ng mga musical plays tulad ng Cats, Miss Saigon, Wicked, Rak of Aegis, Magsimula Ka!, Katy, Here Lies Love sa PETA, CCP, Broadway at London West End.

Ang mga paboritong kong mga musical films ay ang mga ss.: Fiddler on the Roof (1971), The Sound of Music (1965), Moulin Rouge! (2001), West Side Story (1961), Singing in the Rain (1952), My Fair Lady (1964), Dreamgirls (2006), Mamma Mia! (2008), Pitch Perfect 1 & 2 (2012, 2015) at La La Land (2016).

"Ang Larawan" ay maaaring maging kahanay ng mga musical na ito. World class ang dating. Maipagmamalaki ng mga Pilipino. 

"Ang Larawan" is the musical event of the year. 

Wala pa ring kupas si Ryan Cayabyab sa kanyang musika. Napapasayaw ako sa saliw ng kanyang musika habang pinapanood ko ang pelikula. At kaloka katabi ko pa siya manood. Parang dati rati naririnig ko lang ang mga musika niya sa mga pelikula ni Carlos Siguion-Reyna tulad ng Hihintayin Kita sa Langit, Ikaw Pa Lang Ang Minahal, Saan Ka Man Naroroon, Abot Kamay Ang Pangarap at iba pa. Saka hindi ko makakalimutan ang groupie namin ng mga kaibigan ko at si Maestro Ryan Cayabyab pa ang nag-initiate. OMG! Ryan Cayabyab kaya yun. Panalo na yan sa Best Musical Score. 

Joanna Ampil's performance as Candida is mesmerizing. Para niya akong dinala sa mga performances niya sa London West End. Panalo si ate. Siya na ang mag-uuwi ng Best Actress sa MMFF this year. (Wag lang talaga mapulitika, beh! Let's pray for ate Joanna.) Magiging nominado siya sa Gawad Urian at iba pang award giving bodies. Iba talaga ang aktres galing sa teatro ang disiplina kitang kita. Iba talaga ang artistang hinubog sa teatro. Kita ito sa kilos, galaw, mannerisms, gestures, facial expression at kontrol sa boses. Grabe nadala niya ako sa breakdown scene pati ako ay naiyak. Walang makakapantay sa performance niya. Acting, singing pa. Saan ka pa?

Huli ko pa atang napanood si Rachel Alejandro sa pelikulang Mumbaki (1996). Saka paborito kong kantahin sa videoke yung kanta niyang "Paalam Na" at gusto ko rin ang version niya ng kantang "Nakapagtataka". May confession of a frustrated singer pa ang naganap. May pag-amin. Ene be? Puro hugot ang mga kanta ha. At lately napapanood ko siya sa CNN Philippines with Christine Jacob. Wagi din si Rachel ha. At maganda pa din siya at sexy sa personal. Oh, the sexy chef.

Forgive me Paulo Avelino pero I can't take my eyes off you makita ka sa personal. Huwat? Sa pagkakaalam ko pinaasa mo kami sa I'm Drunk I Love You. Heto ka na naman. Dinadaan mo kami sa charms. Feeling Carson ako este Paula. Forgive me again Tony Javier este Paulo sa singing voice mo. You remind me of Russell Crowe's singing voice sa Les Miserables (2012).

Paano kaya kung si JC Santos ang gumanap na Tony Javier? OMG! Si Fidel "Daks" Lansangan ay maging Tony Javier. Ay nasa Meant to Beh nga pala siya.

At ano to? Sandino Martin at Jojit Lorenzo both appeared sa dalawang musical this year. Changing Partners at Ang Larawan. Quota na yan! Pero ha kinikilig pa rin ako kay Sandino Martin. (Ene be? Confession ne nemen?) Well, level up siya kay Coco Martin sa singing voice ha kahit parehas silang moreno. Ene be Sandino. Ma-misspell ko pa ata na Sandrino. La Luna Sangre beh? At si Jojit may black eye. Baket? Panoorin nyo na lang.

Bago pa ako pumunta sa special screening, ilang araw kong naririnig sa radyo ang "Mamang Sorbetero". Ano to paramdam ni madam Celeste Legaspi? Isa pang walang kakupas kupas na aktres at singer. Hihintayin ko po maisapelikula ang "Katy". Excited po ako na muling marinig ang awiting "Minsan Ang Minahal ay Ako". 

Uy, si Elsa Montes (Zsa Zsa Padilla) ha. Scene stealer. Fun to watch si Zsa Zsa dito. Socialite na nagsasayaw ng Conga. Gloria Estefan pero ang setting pre-World War II?

At Menchu Lauchengo Yulo. Te, maganda at ang sexy nyo po sa personal kahit na maganda ka daw noong bata ka pa sabi sa pelikula. Nababasa ko po ang pangalan nyo sa mga musical plays. Sana makapanood ako ng musical plays mo. Ang galing nyo po as Pepang dito sa pelikula. Best Supporting Actress na yan. (Again, wag lang talaga mapulitika. Bes!)

Maaasahan na natin si Nonie Buencamino sa kanyang husay sa acting pero ngayon ko lang siya narinig kumanta. Iba ka. 

Aicelle Santos at Cris Villonco. Hmmm. Ate Aicelle, ask ko po magkakaroon po ba nang film adaptation ang "Rak of Aegis"? Naku, Cris Villonco. Hindi ko makakalimutan noong 90's ang kanta mong "Crush ng Bayan". To be fair with sa dalawang to ha, magagaling din.

Mahusay at effective ang ensemble cast ng pelikula. Saan ka pa? Robert Arevalo, Dulce, Bernardo Bernardo, Noel Trinidad, Rayver Cruz, Nanette Inventor at mga cameos pa nila. Oops di ko sasabihin. Panoorin nyo po hindi nyo pagsisisihan. 

Kudos to direk Loy Arcenas din at sa lahat ng bumubuo ng pelikulang ito.

Uulitin ko panoorin itong "Ang Larawan" sa MMFF.



Monday, December 11, 2017

MAESTRA (2017)



"Teaching is not a profession; it's a devotion.", kataga ng isang tauhan sa pelikulang ito.

Ilang beses din naging paksa ng pelikulang Pilipino at kahit sa telebisyon ang kontribusyon ng mga guro. Nariyan ang mga pelikulang "Mila" (2001) ni Joel Lamangan na pinagbibidahan ni Maricel Soriano at "Mga Munting Tinig" (2002) ng yumaong Gil Portes na pinagbibidahan naman ni Alessandra De Rossi. Sa Hollywood naman, ang mga pelikulang Dead Poets Society (1989), Dangerous Minds (1994), Music of the Heart (1999), Mona Lisa Smile (2003) at Freedom Writers (2007) na ilan lamang sa mga hindi malilimutang pelikula na nagpapakita kung paano ang mga guro ay tumutulong para hubugin ang  kaisipan ng mga mag-aaral.

Iba rin ang impact ng pelikulang "Maestra" mula sa screenplay ng film critic na si Archie Del Mundo at direksyon ni Lemuel Lorca.

Ipinakita sa pelikula ang kwento ng tatlong guro na hango sa totoong buhay.

Si Iah Bantang Seraspi (Anna Luna) ay anak ng isang mangingisda sa Romblon. Mahirap ang kanilang pamilya kaya sinikap ni Iah ang pagiging scholar. Tutol ang kanyang ama (William Martinez) sa pagiging guro sa akalang walang asenso ang ambisyon ng anak. Hindi pinanghinaan ng loob si Iah bagkus lalo siyang naging determinado upang makapagtapos ng pag-aaral. Confidante at sumusuporta sa pangarap niya ang kanyang kaklase at kapwa Education student na si Poldo (Paul Salas). Napatunayan ni Iah na hindi dahilan ang kahirapan upang sumuko. Kaya naman naging Cum Laude siya. Naghahanda naman siya sa LET (Licensure Examination for Teachers) kaya nag-review siya. Dito niya nakilala si Gennie (Angeli Bayani), isang Aeta na makailang ulit pumalya sa pagkuha ng LET. Si Gennie naman ang nagpatuloy sa pagtuturo ng kapwa katutubo sa Tarlac matapos simulan ng mga misyonaryo ang  pagtatayo ng eskwelahan ng Tarukan. 30 taon siyang nagtuturo sa paaralan. Binabagtas niya ang limang oras na paglalakad at pagtawid ng ilog upang magbigay kaalaman sa mga Aeta. At kapag may hindi nakakapasok na estudyante si Gennie dahil sa kahirapan ay kinukumbinse niya ang magulang ng bata upang magpatuloy sa pag-aaral. Ito naman ang nagiging dahilan sa paglayo ng loob ni Nonoy (Karl Medina), asawa ni Gennie. Natutuwa kay Gennie si Ms. Espie (Gloria Sevilla). Kahit matanda na ay dedicated pa rin sa pagtuturo si Ms. Espie. Nais na siyang patigilin sa pagtuturo ng kanyang anak (Suzette Ranillo) upang magkaroon sila ng oras sa isa't isa dahil iginugol ni Ms. Espie ang kanyang panahon sa pagtuturo. Napag-isip isip din ni Ms. Espie na mas mahalagang pagbigyan ang kanyang anak ngunit hindi pa rin siya titigil sa pagbabahagi ng kaalaman. Magsusulat siya ng libro.

Unang ipinalabas sa Cinemalaya 2017 ang "Maestra" noong Hulyo at ngayong Disyembre naman ay para sa Cine Lokal.

Malakas ang mensahe ng feminismo ng pelikula. Matatawag din itong women picture. Hindi lamang dahil sa pinagbibidahan ito ng mga babae. Ipinakita sa pelikula ang malaking kontribusyon ng babae sa ating lipunan at isa na ang pagiging guro.

Hindi nagsapawan sa tagisan ng acting ang mga artista. Pantay pantay ang kanilang pagtrato sa kanilang mga karakter at performances pati sa mga co-actors nila. Lahat sila ay mahuhusay. Nag-blend ang husay sa acting nila Anna Luna, Angeli Bayani at Gloria Sevilla. Pwedeng maging nominado bilang Best Actress sina Anna Luna  at Angeli Bayani samantalang Best Supporting Actress naman si Gloria Sevilla sa iba't ibang award giving bodies. 

Inspiring at heartwarming ang pelikula. Bihira na akong makapanood ng ganitong pelikulang Pilipino na iiwan mo ang sinehan na umiiyak pero na-uplift ka dahil sa positibo ang naging denouement.

Marami ang kinikilig sa sinehan sa kwento nila Iah at Poldo. Habang naglalakad naman sa paaralan nang Tarukan sina Anna Luna at Angeli Bayani ay bigla kong naalala ang pelikulang “Paglipay” kung saan ay kasama si Anna Luna. Hanga din ako kay Gloria Sevilla dahil kahit matanda na ay magaling pa rin umarte. Aminado na-touch ako sa acting nila Anna Luna lalong lalo na si Angeli Bayani. Parehas na ang dalawang aktres ay kayang mag-insert ng light moments.

Aminado akong ito ang paborito kong pelikula ni Lemuel Lorca kasunod ang Ned's Project. Mahusay ang kanyang direksyon at magaling din ang pagkakasulat ng screenplay.

Tunay ngang hindi biro ang pagiging guro. Kapag napanood mo ang pelikulang ito, lalong irerespeto mo ang propesyon ng pagiging guro.

Trivia: Ilang beses na-feature sa TV si Iah Bantang Seraspi dahil sa nag-viral ang inspiring story nya. Nasama siya sa listahan ng Ang Pinaka at na-feature din sa ABS-CBN.


Friday, November 10, 2017

ECHORSIS (2016)


Si Cristoph (John Lapuz) ay isang closetang baklang may negosyong nagbebenta ng mga rebulto ng mga santo. Pilit niyang itinatago ang kanyang pagkatao dahil hindi ito matatanggap ng kanyang conservative parents (Menggie Cobarrubias at Odette Khan). Isang gabi ay nakilala niya si Carlo (Alex Medina) dahil napulot ng binata ang nahulog nitong wallet. Naglakas loob si Cristoph na i-date si Carlo hanggang sa mahulog ang loob niya. Lingid sa kaalaman niya ang tunay na motibo ng binata.

Nagdedemand ng magarbong kasal ang girlfriend ni Carlo (Mich Liggayu) kaya naman ang tanging paraan na nakikita ng binata ay mamakla at lokohin at pagnakawan ang kanyang nabibiktimang bakla. Dumalaw isang beses sa bahay ni Cristoph ang mga kaibigan niya (Nicco Antonio, Bekimon at Super Sireyna Francine Garcia) na hindi nagustuhan ng ina ni Cristoph dahil bakla ang mga kaibigan niya. Kaya naman ayaw na silang Makita pang muli ng ina ni Cristoph. Ito ang nagbigay daan upang sabihin ni Cristoph na isa siyang "straight curious bottom" sa harap ng kanyang magulang. Itinakwil siya ng kanyang magulang at nagsama sina Carlo at Cristoph. Di nagtagal ang pagsasama ng dalawa dahil iniwan ng binata si Cristoph. Ang masaklap nito ay tangay ni Carlo ang 500k na pera ni Cristoph na ibibigay daw ng binata sa kanyang ama pati ang refrigerator. Dahil dito ay ilang beses nagpakamatay si Cristoph. Sa huli ay namatay si Cristoph.

Samantala, si Nick (Kean Cipriano) ay eksperto sa exorcism. Nababagabag siya dahil binibisita siya ng kalabang demonyo. Nasaksihan niya din ang hindi maayos na pagtrato ng kapwa niya pari sa mga bakla.

Sa bisperas ng kasal ni Carlo ay sinaniban siya ng baklang ispiritu na siyang dahilan ng pagbabago sa kanyang kilos at pananalitang gumagamit ng gay lingo. Kaya naman si aling Zola (Ruby Ruiz) ay humingi ng tulong kay Nick. Muling nagbalik ang dating feelings ni Nick kay Carlo. May lihim palang pagtingin si Nick kay Carlo mula pa noong bata pa sila.
Paano lalabanan ni Nick ang kalaban? Makakaalis ba ang ispiritu kay Carlo? Matutuloy pa ba ang kasal ni Carlo? Malalaman kaya ang lihim ni Nick?

LGBT-themed ang pelikula kaya tinalakay nito ang mga sumusunod:
1. Diskriminasyon sa pamilya ng mga bakla.
2. Diskriminasyon sa loob ng simbahan sa mga paring bakla at mga nanunungkulan rin sa simbahan na mga bakla.


Maraming ginamit na references ang pelikula tulad ng THE EXORCIST (1973) sa exorcism scenes ni Father Nick at Kiray ala-Regan (Linda Blair) kahit yung exorcism scene ni Father Nick kay Carlo, ZOMBADINGS: PATAYIN SA SHOKOT SI REMINGTON (2011) sa dream sequence na pinalibutan ng mga lalaking ang gaganda ng katawan si Father Nick ay may pagkakapareha sa eksena ng Zombadings kung saan ay sinayawan din si Remington (Martin Escudero) at Roderick Paulate at THE MATRIX sa levitation scene nila Chokoleit at Kean.

Impressed ako kay Kean Cipriano sa pelikulang ito dahil magaling ang portrayal niya ng isang sexually-repressed gay priest na nag-exorcist. Sa taong 2016, dalawang gay characters ang ginampanan niya na. Una itong sa ECHORSIS. Pangalawa sa THAT THING CALLED TANGA NA. Going back, I find unique ang character ni Kean as Father Nick. Ang mahusay kay Kean ay nakuha niya yung mannerisms, gestures at how the character speaks.Interesting ang story ng character ni Kean. I'm hoping na mabigyan ng mas malawak na story si Father Nick kasi naging interested ako sa story niya at character niya. O kaya separate movie para sa kanya.

Nakakatuwa din si Alex Medina. Believable siya as hustler na later ay sinaniban ng dalawang bakla. Nakakatuwa siyang magsalita ng gay lingo sa part na sinaniban na siya. I believe challenging ito sa part niya pero in fairness enjoy siya.

Kung sa mga dating pelikula ni John Lapus na loud at flamboyant siya. This time serious siya as closeted homosexual na napanindigan naman niya.


Habang pinapanood ko itong pelikula, somewhat ay reminiscent ito sa ilan sa mga horror comedies ng Regal Films noong 80's. May pagka-smorgasboard ang datingan. Maraming gustong ihain sa harap mo. Maraming gustong sabihin. Tedious at exhausting siya panoorin. Hindi ko magustuhan ang eksenang nag-showdown pa sina Chokoleit at John Lapus then sinaksak ni Alex Medina ang sarili para mapaalis ang dalawang ispiritu. Ewan. Kung sana ay tumutok ang story kay father Nick ay baka mas naging interesting pa ang pelikula. 

Friday, November 3, 2017

BALANGIGA: HOWLING WILDERNESS (2017, QCinema)


Ilang beses rin naging tema ng pelikulang Pilipino ang Filipino-American War. Nariyan ang pelikulang "Amigo" noong 2010 kasama sina Joel Torre, John Arcilla at Dane De Haan mula sa direksyon ng independent filmmaker na si John Sayles. 

Sa pelikulang "Balangiga: Howling Wilderness", tinalakay ni Khavn Dela
Cruz ang utos ni Heneral Jacob Smith noong 1901 na maging howling wilderness ang Balangiga, Samar. Mas kilala ito bilang "Balangiga Massacre" sa ating kasaysayan.
 Ito ay para hanapin at kitlin ng mga sundalong Amerikano ang mga Waray mapa-bata man o matanda bilang pagganti sa kanilang unang pagkatalo. 

Sa pelikulang ito ay masasaksihan ang batang si Kulas (Justine Samson) habang tumatakas kasama ang kanyang lolo (Pio Del Rio) sa paghihiganti ng mga sundalong Amerikano. Magkasama silang dalawa upang puntahan ang isang lugar na pinaniniwalaan ng lolo na maaaring sila'y ligtas o maaari'y maging katapusan nila. Kasama ang sanggol na pinangalanan nilang "Bola" (Warren Tuano) na natagpuan nila at tanging nakaligtas sa isang operasyon ng militar ay haharapin nila ang mga pagsubok pati ang masakit at nakakapangilabot na eksena ng digmaan.

Kakaiba talaga ang istilo sa paggawa ni Khavn ng pelikula kahit sa mga nauna niyang likha. Sumasang-ayon ako sa mga kapwa ko reviewer na ang "Balangiga: Howling Wilderness" ang kanyang accessible film. 

Tunay na mahusay si Justine Samson dahil kinaya ng bata ang direksyon sa pelikula at kabigatan ng kwento nito. Kaya deserving ang pagkapanalo niyang Best Actor. Magaling din si Warren Tuano dahil kahit bata ito ay napasunod siya ng direktor. Deserving din si Pio Del Rio sa kanyang Best Supporting Actor win. Ipinakita na ang kanyang katandaan na hindi balakid upang itakas ang kanyang apo. Hanga din naman ako kay Khavn kung paano niya napasunod ang batang sina Justine at Warren sa direksyon dahil hindi madaling mag-direk ng bata. 

May feels na parang Russian film na Come and See (1985) ang pelikula dahil sa horrors of war na pinakita rito. May pagkakahalintulad sina Florya at Kulas dahil parehas silang nasa murang edad na masaksihan ang digmaan. Parehas ding nag-iwan ng pait sa kanilang alaala at emosyon ang kanilang nakita sa paligid. Dahil ito ay likha ni Khavn, mapapansin ang weird at surreal style na may pagka-allegorical. Sa pagkaweird at surreal ng pelikula ay parang nanonood ako ng pinaghalong Ingmar Bergman at Luis Buñuel na pelikula.

Nagandahan ako sa pelikula pero para sa akin unnecessary ang mga eksena ng ‎blasphemy at bestiality. Kung kaya namang gawan pa ng ibang paraan ang paglagay ng allegory at symbolism sa pelikula  tulad ng nais na ipahayag na simbolismo na pakiramdam ng bida ay walang Diyos at itinuring silang hayop ng mga dayuhan. Hindi kailangang mag-mukhang kabastos-bastos o magkaroon pa ng bestiality scene bagkus sapat na nga na makita ang violence ng bata na nagbibigay ng ideya sa kanya na hindi biro ang sitwasyon pag giyera.


Monday, October 30, 2017

NEOMANILA (2017, QCinema)


Matapos ang mga dekalidad na Filipino political crime thriller movies tulad ng "Engkwentro" (2009), "On the Job" (2013), "10 000 Hours" (2013) at Respeto (2017), narito naman ang pelikulang "Neomanila" na kabilang sa Circle Competition ng QCinema 2017.

Magiging entry ng Pilipinas sa darating na Academy Awards o Oscars for Best Foreign Language Film ang isa sa pelikula ni Mikhail Red ngayong taon ang "Birdshot"' na ipinalabas kamakailan lamang sa Pista ng Pelikulang Pilipino. Back-to-back o consecutive din ang pagtalakay niya sa mga sociopolitical crime thriller. 

Si Toto (Timothy Castillo) ay isang ulilang teenager na ginagawa ang lahat upang makalabas ang kuya Kiko (Ross Pesigan) niya sa kulungan dahil sa droga. Kahit nag-drodroga ang kanyang kapatid ay hindi niya bisyo ito. Samantala, kabi-kabila ang mga extrajudicial killings sa bansa at isa sa mga hitwoman nito ay si Irma (Eula Valdes). Naawa si Irma kay Toto dahil ulila na ito, siya pa ang gumagawa ng paraan para mailabas sa kulungan ang kanyang kuya, ginugulo siya ni Dugo (Jess Mendoza) at kaibigan ni Irma ang nanay ni Toto. Kaya naman kinupkop ni Irma si Toto. Katuwang ni Irma si Raul (Rocky Salumbides) sa raket nila tuwing tumatawag si Sarge. Isinama nila Irma at Raul si Toto sa operasyon sa pagpatay sa mga target. Ngunit saan dadalhin ang pagiging motherly ni Irma kung sa huli ang target nila ay isang taong matagal na niyang hinahanap.

Maihahalintulad ang karakter ni Eula Valdes na si Irma sa karakter ni Gena Rowlands sa pelikulang "Gloria" (1980). World hardened woman sila pareho at kinakitaan ng pagiging motherly sa mga batang karakter. Ang kaibahan lang ay may twist si Irma bago matapos ang pelikula. Ayokong maging spoiler sa twist. Isa ito sa hindi malilimutang role at performance ni Eula Valdez. Hindi ako magtataka na manominado siya sa iba't ibang award giving bodies at manalo pa siya. 

Ang on-at-off-screen partnership nila Rocky Salumbides at Eula Valdes ay nakatulong sa kanilang chemistry. Menacing naman ang portrayal ni Jess Mendoza bilang Dugo. Si Dugo ang lider ng mga kabataang lulong sa droga. Mahusay na nagampanan ni Timothy Castillo ang kanyang role bilang Toto. Hindi masasabing inosente ang teenager sa mundong ginagalawan pero may mga bagay na kahit siya sa bandang huli ay hindi niya inaasahang mangyayari. Kahit maikli ang kanyang paglabas sa pelikula ay scene stealer ang pagganap ni Angeli Bayani bilang Irene Reyes, isa sa mga pakay ng tandem nila Irma at Raul.

Mahusay ang screenplay ng direktor Mikhail Red katuwang sina Rae Red at Zig Dulay. Magaling ang execution ni Mikhail Red sa pagdirek ng pelikula. Mapapansin na magaling ang paggamit ng ilaw sa pelikula. Mala-Wong Kar Wai-sh ang datingan sa pelikula.

"Biktima, suspek, pareho lang yan!", ito ang paalala ni Raul kay Toto na mag-iiwan ng marka sa manonood. 

Matagumpay na nailahad ng filmmaker ang mga napapanahong isyu sa ating bansa. Kaya naman "must see" ang "Neomanila". Aminado mas nagustuhan ko ang Neomanila kesa Birdshot. 




Sunday, October 29, 2017

FADING PARADISE (2017)


Si Bea Binene ay gumanap bilang Bea, isang vlogger at student filmmaker. Meron siyang YouTube page na "ParadisoGirl" kung saan nilalagay niya ang kanyang mga vlog (video blog) ng mga travels niya. Naisipan niyang bisitahin ang isang tagong isla sa Bicol na napuntahan niya at nang kanyang ina noong bata pa siya. Kaya naman hinikayat niya ang kanyang bestfriend na si Stacy (Krystal Reyes) at iba pang kaibigan (Coleen Perez at Mark Castillo) na pumunta sa isla. Pumayag at sumama sila. Sa pagpunta sa isla ay naging guide nila si Tonio (Kenneth Paul Cruz) na lumaki rin sa tagong islang iyon. Laking gulat nila ng mapuntahan ang isla dahil hindi na ito ang dating isla na kanilang napuntahan. Iba na ang hitsura nito dahil nasira na ang kalikasan sa mga nagkalat na basura. Ang masaklap nito ay pati ang mga naninirahan sa isla ay umaalis sa lugar at naghahanap ng ibang trabaho sa ibang lugar. Ano kaya ang gagawing hakbang ng ating bida sa kanyang nasaksihan?

Mula sa konsepto ni Bea Binene ang pelikulang "Fading Paradise". Aniya, na-inspire siyang gawin ang pelikula ng isang beses ay nag shoot siya ng programa sa isang isla at nakita niya ang other side na hindi ito maganda. Para sa kanya, ito ay advocacy niya sa climate change. Kaya naman ng ipresent niya din ito sa mga artistang kaibigan ay sinuportahan siya.

Okay. Maiintindihan natin na ito ay personal project ito ni Bea Binene pero hindi maiwasang may mapuna at mapansin ka sa pelikula. Ito ang mga ilan sa kapuna-puna at mapapansin sa pelikula:

> Parang episode ng "Maynila" ang pelikula na pwede mo ring isipin na movie made for TV o TV movie ang feels.

> Kung si Charo Santos ay pinaalala sa atin ang tono ng kanyang boses at paraan ng pagbasa ng mga liham sa "Maalala Mo Kaya" sa storytelling at pag-VO sa "Ang Babaeng Humayo", si Bea Binene naman sa "Fading Paradise" habang nagbabasa ng spiel sa vlog ng character niya ay parang din siyang nasa Public Affairs TV program na "Good News".

> Sa eksena kung saan pinakilala ni Tonio ang kapatid niya kay Bea. Tinatanong ni Bea ang kapatid ni Tonio. Ang sumasagot si Tonio. Akala namin pipi si kapatid. Yun pala nagsalita din siya nung huli. Laughable sa audience. Pati si lolo yung totoo? Anyare? Bakit hindi maayos ang dialogue?


Hindi naman kami nag-expect na makapanood ng educational o advocacy film o dokumentaryo tulad ng gawa ni Sari Dalena pero sana nakakakuha ng ideya ang filmmaker kung paano gumawa ng programa sa GMA Public Affairs kung saan si Bea ay naroon. Ang masaklap ay ilang beses na tayong nakakapanood ng ganitong kwento. Sana ay binago ang approach o istilo. Mismong ang mga millenial o kabataang nanonood na kasabay ko ay hindi interesado sa pinapanood.

Natuwa ako sa Q&A portion o interaction ng mga aktor sa millenials dahil nabigyan sila ng pagkakataon na mag-participate sa kung ano ang maaari nilang gawin upang protektahan ang kalikasan. Mas interesting na malaman kung ano ang nasa isipan ng mga millenials at icontribute nila at mas interesado sila sa mga artista. Nakakatuwa na handa naman ang mga artista sa Q&A. Kilig na kilig ang mga millenials kanila Bea Binene at Kenneth Paul Cruz.

BEST. PARTEE. EVER.


Si Miguel "Mikey" Ledesma (JC De Vera) ay isang socialite na may masamang bisyo. Gumagamit siya ng ipinagbabawal na gamot. Isang gabi habang nasa club siya ay inaresto siya ng pulis matapos niyang iabot ang droga sa isang kaibigan. Kaya naman nakulong siya. Sa kulungan ay nakilala niya si Marby (Aaron Rivera) na naging bestfriend niya. Nariyan din si Pitik (Jordan Herrera) na naging boyfriend niya. Si Nogi (Vince Rillon) ang serving nya o alalay. Si Attorney (Mercedes Cabral) na kanyang tagapagtanggol. Si Ramon Bong (Acey Aguilar) o mas kilala bilang "Boy Tulo" na may shady motive. 

Masasaksihan natin kung paano mag-cope with at mag-survive si Mikey sa kulungan at kung paano niya binago ang sistema ng isang grupo sa kulungan. Masasaksihan din natin ang sistema sa lipunan at hustisya sa bansa. 

Naiiba ang pagganap ni JC De Vera sa pelikulang ito sa mga previous roles nya sa TV. Kumbaga ay nakakapanibago pero nakakatuwa dahil opt to the challenge siya. Challenging ang role kaya nag-pay off naman ng manalo siyang Best Actor noong nakaraan taon sa QCinema. 

Aminado dragging ang pelikula dahil slow-paced ito taliwas sa title nito. May mga positive points naman ang pelikula. Tulad ng mga ss.:

> Naiiba siya sa mga prison movies na napapanood sa pelikula at TV. Sa una'y hindi maganda ang pag-welcome kay Mikey pero sa kalaunan ay na-earn niya ang respeto sa mga kapwa priso. Ang nakakatuwa sa karakter niya ay naging leader pa siya ng "gang-da", ang grupo ng mga bakla sa priso. Dahil dito ay nabigyan ng livelihood program ang mga beks tulad ng manipedi, parlor. Kahit pa galing siya sa affluent family ay hindi naman naging madamot ang karakter ni Mikey sa ibang preso. Naging tagapagtanggol siya ng ibang baklang preso at pinag-isa niya ang dalawang grupo ng mga baklang preso na madalas magkagulo.

> Marami ring tinalakay sa pelikula tulad ng mabagal na justice system, STD/HIV/AIDS kahit ang mga nagaganap sa kulungan like gang rape as initiation, gang wars din, palakasan system at marami pang iba na parang mash-up ang mga issues na ito sa isang pelikula. May eksena pa na dahil sa bagyo ay nadamay ang mga dossiers o legal documents kaya lalong bumagal ang takbo ng kaso.

May mga eksenang nagulat ako tulad ng habang nanonood ang mga guys ng porn kanya kanyang pwesto sila para mag-masturbate. Tapos yung isang beks kinuha ang opportunity para ma-blowjob yung dalawang kuya. Yung eksena din nila JC De Vera at Jordan Herrera ha ang lakas maka-Xavier Dolan.

Maaaring maihambing ang Best. Partee. Ever. sa pelikulang "Tarima" (2010) ni Fanny Serrano dahil hindi masyadong negative ang depiction sa kulungan. Sa palagay ko ay may konting element na kinuhang inspirasyon sa pelikulang "Midnight Express" (1978) ni Brad Davis. 


Wednesday, October 25, 2017

MGA GABING KASINGHABA NG HAIR KO (THOSE LONG-HAIRED NIGHTS, 2017)


Tatlong transgender women na ang trabaho ay masahista ang masasaksihan sa Burgos, red light district ng Maynila, na may kanya kanyang kwento sa buhay. Si Tuesday (Matt Daclan) ay hopeless romantic na umaasang makakakuha ng customer na hindi siya huhusgahan. Si Amanda/Armando (Anthony Falcon) naman ang streetsmart at family-oriented na transgender na inaasam pa din ang buhay sa probinsya kesa siyudad. At si Barbie (Rocky Salumbides) na kumakapit sa patalim upang kumita ng malaki. Nariyan din si Roger (Mon Confiado), ang nagsisilbing back-up o protektor nila sa oras ng panganib. Sa isang lugar na kung saan ay hindi masasabing ligtas at balitang napatay ang isa nilang transgender na kaibigan, magpapatuloy ba sila sa kanilang buhay sa gitna ng mga pangyayaring magaganap sa kanila sa isang gabi o mag-iiba ang kanilang pananaw sa buhay at babaguhin sila nito?

Mahusay na naipakita sa pelikula ang buhay ng mga transgender. Sila ay tao at maaaring kaibigan, kamag-anak, pamilya o kakilala mo na nakakasama mo sa araw-araw. Kahit bitin ang pelikula sa huli, para sa akin ay sapat na nailarawan ang buhay ng mga karakter. 

Sa tatlong aktor na gumanap na transgender, stand-out si Anthony Falcon bilang Amanda/Armando. Unrecognizable siya sa una. Binuhay niya ang karakter na halos siya na mismo ang karakter. Binigyan niya ito ng puso at personal touch na distinct sa ibang transgender portrayal. Hindi ko napanood ang nauna niyang pelikulang "Requieme". Nang mapanood ko ang pelikulang ito ay gusto kong mapanood ang Requieme dahil kay Anthony Falcon. Hinangaan ko siya ng mapanood ko ang "Anino sa Likod ng Buwan" lalong lalo na dito sa "Mga Gabing Kasinghaba ng Hair ko".

Mahusay din si Matt Daclan bilang Tuesday. Sa eksena kung saan na-pick up si Tuesday ng isang customer, makikita ang producer na si Bianca Balbuena tulad sa mga pelikulang "Engkwentro" at "Patay na si Hesus". In fairness, nalito ako ha. Magkahawig sina Matt Daclan na naka-cross dress at Bianca Balbuena. Going back sa performance ni Matt, convincing siya dahil kita mo sa kilos ng aktor sa kanyang pagganap ang pagiging flirtatious sa isang customer at ang pangangambang malaman ang kanyang sikreto ala-The Crying Game.

Si Rocky Salumbides ay umaanggulong Chin-Chin Gutierrez the transgender version. Ang karakter niyang si Barbie ay isa sa mga taong nakakasalamuha mo na maaaring kakilala mong ma-ambisyon na lahat ay gagawin sa ngalan ng salapi. 

Mahusay din si Mon Confiado bilang Roger na handa sa oras na tawagin siya para back-up sa kailangan ng tulong niya.

Sa end credits ng pelikula, mababasa ang "In loving memory of Jennifer Laude".



Tuesday, October 24, 2017

HIGH SCHOOL SCANDAL (Digitally Restored and Remastered Version)



Best cousins/best friends sina Rosselle (Gina Alajar) at Lyn (Sandy Andolong) na naghahanda sa huling taon nila sa high school.

Inggit na inggit si Rosselle sa kanyang pinsan dahil matagal nang magkasintahan sina Lyn at Bowie. Hindi nya napapansin na matagal ng may pagtingin sa kanya ang batchmate nyang si Alex. Ayaw na ayaw at iritang irita si Roselle kay Alex sa di malamang dahilan.

Sakto namang nakuha ni Rosselle ang gamit ni Steve Gonzales at itinago ito. Kaya naman ng hinanap ni Steve si Rosselle ay kinaibigan nya ito. 

Maaga namang nawala ang pagkabirhen ni Lyn matapos pagbigyan si Bowie sa birthday gift nito na makipagtalik sa kanya. Nang malaman ito ni Rosselle ay lalong nadagdagan ang kanyang curiosity, insecurity, frustration at inggit kay Lyn. Nagkaroon ng sexual fantasy si Rosselle kay Steve.

Kaya naman ng JS Prom ay umasa si Rosselle kay Steve. Hindi interesado si Steve sa dalaga. Kaya naman nagwalk-out si Rosselle matapos samahan ni Steve ang kanyang natitipuhan. Sinundan naman ni Alex si Rosselle. Pilit na nilalayo ng dalaga ang kanyang sarili sa binata pero dahil na rin sa curiosity, frustration at pagiging brokenhearted ni Rosselle sa nangyari sa kanila ni Steve ay nag-initiate itong akitin si Alex upang makipagtalik sa kanya. Hindi na nakapagpigil ang dalawa sa temptation kaya may nangyari sa kanila.

Samantala, sumama ang pakiramdam ni Rosselle habang nag-practice sa graduation kaya naman nagpa-check up siya. Dito ay nalaman niyang buntis siya.

Naisipan ni Rosselle na ipalaglag ang bata na makakaapekto sa kanyang buhay pati sa buhay nila Lyn, Bowie at Alex.

Na-banned ng censors ang pelikulang "High School Scandal" noong 1981 dahil na rin sa kontrobersyal na tema nito.

Matapang na tinalakay ng yumaong direktor na si Gil Portes ang mga isyu ng mga kabataan tulad ng pagiging mapusok, pre-marital sex, early pregnancy at abortion.

Dapat panoorin ng mga millenials ang pelikulang ito dahil kahit pa 80's ang setting nito ay hindi naiiba ang mga isyu ng mga kabataan noon at ngayon. Napatunayan ng pelikula na masyadong nag-roromanticize ang ilang mga kabataan na nagiging dahilan upang sila'y maging mapusok.

Nalulungkot ako sa tragic na character na si Rosselle. Nilunod siya ng kanyang insecurities at inggit. At hindi nya nakita ang maaaring maging tunay na intensyon sa kanya ni Alex. Lagi pang sinisisi si Alex sa nangyari kahit pa kasama si Rosselle sa pagkakamali.

Isa ang pelikulang "High School Scandal" na matapang na tinalakay ang abortion sa isang relihiyosong bansa. Sinundan ito ng ibang pelikula na tinalakay din ang abortion tulad sa Init sa Magdamag (1984) at ang hindi malilimutang pelikulang Hinugot sa Langit (1985).

Napapanahon at makabuluhan ang pelikulang "High School Scandal".

Monday, October 2, 2017

I LOVE YOU. THANK YOU. (2015/2017)


Si Paul (Joross Gamboa) at Ivan (CJ Reyes) ay magkababata na parehas nagtratrabaho sa Thailand. Nakilala ni Ivan si Red (Prince Estefan) dahi kay Paul. Nag-resign si Paul sa trabaho bilang guro dahil hindi niya ito passion. Sina Ivan at Red naman ay apat na taon ng nagsasama at mag-celebrate ng anniversary bilang mag-boyfriend. Si Red naman ay masaya sa pagiging bartender. Madalas siyang napapansin ng mga customers dahil charming at maganda ang pangangatawan niya. Lingid sa kaalamam niya na matagal na palang may lihim na pagtingin sa kanya si Paul. Nagdesisyon naman si Paul na magbakasyon sa Siem Reap, Cambodia dahil ito ang kanyang paboritong lugar na pasyalan at para makapag-isip isip din. Samantala, nanlalamig naman si Ivan kay Red. Habang namamasyal si Paul ay nakilala niya si Tang (Ae Pattawan), isang Thai gay porn writer. Sa kalasingan ni Paul sa bar ay inuwi siya ni Tang sa tinutuluyang bahay. Bigla na lang naglahong bula si Ivan sakto sa 4th anniversary nila ni Red. Kaya naman sa pagbalik ni Paul sa Thailand laking gulat niya ng maglaslas ng pulso si Red. Inamin din ni Paul na mahal niya sa Red ngunit patuloy pa rin siyang naghohold on sa kung ano ang meron sila ni Ivan lalo't wala silang closure. Naging malapit naman sina Paul at Tang sa muli nilang pagkikita. Nakahanap naman ng trabaho si Paul sa Ho Chi Minh, Vietnam bilang wedding coordinator. Lumalim naman ang relasyon nila Paul at Tang. Napagdesisyunan nilang maging mag-boyfriend. Sa hindi inaasahan, nagkita si Paul at Ivan. Si Tang naman ay patuloy na inalagaan ang kanyang lolong may Alzheimer's Disease. Sa pagtatagpo tagpo ng mga tauhang ito sino ang pipiliin ng isa't isa upang punan ang pagmamahal na hinahanap ng bawat isa?

Ang pelikulang "I Love You. Thank You." ay naglalarawan sa pagiging martir sa pag-ibig. May mga tauhang umasa, pinaasa, pinaghintay, naghintay, sinaktan at nasaktan. Mga kasangkapan na kapupulutan ng hugot na bentang benta sa millenial generation.

Ang napansin ko sa pelikula ay ang mga sumusunod:
1. Verbose na dialogues na parang nanonood ka ng isang stage play production o gay Woody Allen o gay Ingmar Bergman film. 
2. Kahit cheezy ang ilang mga dialogues, muli, sure benta ito sa mga millenials.
3. Sadya bang masokista ang mga karakter at mas pinili nilang masaktan na parang wala ng redeeming value na naganap.


Sa kabilang banda, may mga mahahalagang eksena sa pelikula tulad ng magkaroon ng trabaho si Paul sa Ho Chi Minh at na-appreciate ng kanyang amo ang trabaho nya. Kahit may low self-esteem si Paul ay nakatulong ang motivation ng amo nya para maniwala sa kanyang sarili. 

Maganda ang location ng pelikula. Bumabagay sa mala-soul searching journey ni Paul.

Napanood ko si Joross Gamboa dati na gumanap na bakla tulad ng cross-dresser role niya sa isang episode ng Maalala Mo Kaya kasama si TJ Trinidad. Dito sa pelikula ay isa siyang discreet na baklang may unrequited love sa karakter ni Prince Estefan. Napanindigan niya ang kanyang role. Aabangan ulit siya sa pelikulang "Deadma Walking" nila Edgar Allan Guzman.

Nakakatawa naman ang eksena bago matapos ang pelikula kung saan nagtakbuhan ang mga karakter sa paghahabol sa minamahal. Beshie ano to? My Bestfriend's Wedding? Buti na lang walang kasamang ulan. Hahaha. 

Gayunpaman, mas prefer ko pa din ang isang gay movie na sinulat ng filmmaker ang "Daybreak" nila Coco Martin at Paulo Rivero at ang kanyang dokumentaryong "Kung Giunsa Pagbuhat ang Bisayang Chopsuey".

Ang maganda naman sa mga likha ng filmmaker ay ipinapakita niya ang iba't ibang personalidad at karakter ng mga bakla.