Wednesday, November 13, 2019

SILA SILA (THE SAME PEOPLE)




Ang “Sila-Sila” ay isa sa paborito kong pelikula ngayong taon.

Si Gab (Gio Gahol) ay muling nagbalik sa Maynila makalipas ang halos isang taong na-assign siya sa Cagayan De Oro dahil sa trabaho. Bago pa man ang kanyang pag-destino sa Cagayan De Oro, naghiwalay sina Gab at Jared (Topper Fabregas) matapos malamang nag-Grindr ang huli. Walang paramdam maski sa mga kaibigan si Gab kaya naman sa kanyang pagbabalik ay maayos pa kaya niya ang kanyang relasyon sa mga kaibigan? Magka-ayos din kaya sila ni Jared?

Napakahusay ng screenplay ni Daniel Saniana at direksyon ni Giancarlo Abrahan. Magaling din ang cinematography, music at soundtrack.

Napakagaling ni Gio Gahol bilang Gab. Sana manalo siya ng Best Actor. At hindi ako magtataka kung manominado siya for Best Actor sa award-giving bodies. Mas kilala si Gio Gahol bilang theater actor. Noong 2016 Cinema One Originals, maalalang si Gio Gahol ang gumanap na isa sa best friend ng karakter ni Jasmine Curtis Smith sa pelikulang “Baka Bukas”. Kahit ang mga supporting actors na kasama niya dito sa pelikula ay tanyag sa larangan ng pagtatanghal sa teatro. Kaya naman kitang kita rin ang kahusayan nila sa pagganap.  Nariyan ang magaling na ensemble of actors Topper Fabregas, Phi Palmos, Adrienne Vergara, Bart Guingona, Boo Gabunada, surprisingly jane-of-all-trades Dwein Baltazar at iba pa na lahat ay mahuhusay din.

Nagalingan din ako dito kay Phi Palmos na una kong napanood ngayong taon sa Sinag Maynila film na “Akin ang Korona”. Maalalang magkasama sina Gio Gahol at Phi Palmos bilang Mga Budding Artists.

Tulad ni Phi, napanood ko din sa bahagi ng “Lakbayan” na Sinag Maynila film si Bart Guingona. Mas nagustuhan ko siya dito bilang si Max.

Scene-stealing ang eksena ni Boo Gabunada bilang grab driver kuno na sinamahan ni Gab sa kotse.

Sa pelikulang Sila Sila, hindi ko makakalimutan ang eksena kung saan may nakilalang misteryosong estranghero (Boo Gabunada) si Gab (Gio Gahol) at sinamahan pa niya ito sa loob ng kotse.

Sa mga eksena bago ito, makikita nating magkahalo ang emosyon ni Gab na harapin ang kanyang mga kaibigan (Dwein Baltazar at Phi Palmos) at kanyang ex na si Jared (Topper Fabregas). Reluctant at halos ayaw niyang harapin ang mga taong malapit sa buhay niya. 

Napilitan din siyang sumama sa reunion ng mga high school classmates niya na inorganisa ng mayamang karakter ni Adrienne Vergara. Dahil na din sa hindi niya matiis ang sa tingin niya ay pagpapanggap at pressure ng mga taong nakapaligid sa kanya ay binalak niyang tumakas.

Dito, inakala niya na ang misteryosong estranghero ay isang Grab Driver na kanyang na-book. Nang maamoy niya na nag-mamarijuana ang binata ay sinamahan niya ito at nag-usap sila.

Madalas kong mapanood ang mga ganitong eksena sa mga stoner films sa Hollywood. Kaya siguro para sa akin ay kakaiba ito. 

Sa una, aakalaing hindi ata kunektado o angkop ang eksenang ito sa kabuuan ng pelikula. Pero sa huli, napagtanto ko na dito natin mas nakilala si Gab.

Sa una, may pagka-angas ang estranghero. Nang samahan siya ni Gab ay naging kumportable sila sa isa't isa. Sa eksena ding ito, mas naging relax si Gab na makausap ang estranghero. Dito niya nabanggit na ang mga taong dating kilala niya ay hindi na tulad ng dati. Mga salita at saloobing hindi niya masambit sa kanyang mga kaibigan. Kung ano ano na rin ang napag-usapan nila. Hanggang sa mabanggit at nilinaw din ng estranghero na straight siya. 

Tulad ni Gab, may mga sandali sa buhay natin na gusto nating tumakas at mas may tiwala tayong sabihin ang saloobin natin sa isang estranghero at pagkakatiwalaan natin dahil para sa atin ay hindi na natin sila makikitang muli. At sino ba naman ang tatanggi kung isang tulad na isang estranghero na karakter ni Boo Gabunada ang mapaghihingahan mo.
Ito ang isa sa mga friendship movies na gawang Pinoy na gustong gusto ko. May “Reality Bites” feels at vibes pero gay version. Naka-sentro man ito kay Gab at mga relationships niya ay hindi naisantabi na bahagi ng buhay niya ang kanyang mga kaibigan pati ang kanyang desisyon as an adult.

Saka damang dama mo na pati ikaw na manonood ay bahagi ng barkadahan at gusto mo din magkaayos sina Gab at Jared.

Natural ang bitawan ng mga linya. Ito ang lengwahe na maririnig mo sa ating panahon. Kaya tawanan ang mga tao sa sinehan lalo sa mga sagutan ng barkada.

Ito din ang maganda sa mga pelikula ni Giancarlo Abrahan dahil malinaw na nailalahad at naipapakita niya ang relationships ng bawat characters niya tulad sa nauna niyang pelikulang “Dagitab”.


THE LIGHTHOUSE



Nagandahan ako sa pelikulang ito.

Ang “The Lighthouse” ay set noong 1890’s sa Maine. Tungkol ito kay Ephraim (Robert Pattinson) na isang wickie o lighthouse keeper kasama si Thomas (Willem Dafoe) na nagsisilbing supervisor niya. Sa pagtagal ng dalawa sa lighthouse, unti-unti ay may matutuklasang kakaiba si Ephraim sa isla. Totoo nga ba ito o imahenasyon niya lamang? May kinalaman ba si Thomas dito?

Eerie, atmospheric at nightmarish arthouse psychological horror ang pelikulang “The Lighthouse”.

Maganda ang composition at texture ng pelikula. Magaling ang cinematography. Maganda ang shots, framing, sound effects, SFX at VFX. Effective ang paggamit ng black and white style sa pelikula. Mahusay din ang direksyon ni Robert Eggers.

Mahusay si Willem Dafoe sa kanyang pagganap bilang Thomas. Hindi ako fan ni Robert Pattinson pero impressive at sobrang galing niya dito. Gumamit pa siya ng accent na ginagawa na niya sa ibang indie movies niya. Kapansin-pansin din na gumanda ang katawan ni Robert Pattinson dahil na din sa work-out at edad.

Nakakatuwa na madaming millenials at gen Z ang nanonood. Sobrang engaged ng audience sa film.

Poetic o parang oratorical or extemporaneous speech ang batuhan ng linya nila Robert at Willem dahil na rin sa milieu ng pelikula.

Noong una, akala ko ay ‘di ko ma-appreciate ang pelikula kasi dalawang lalaki lang ang nakikita ko sa screen pero dahil magaling both ng actors ay hindi ako bumitaw sa pelikula.

May mga reference o homage na ginamit sa pelikula tulad na lamang sa “The Birds” ni Alfred Hitchcock.


For your consideration po for Oscar Best Actor nomination kay Robert Pattinson.

Wednesday, October 23, 2019

ISA PA WITH FEELINGS



Si Mara (Maine Mendoza) ay sumunod sa kagustuhan ng kanyang ama na kumuha ng kursong architecture dahil ambisyon ng kanyang ama ang maging arkitekto. Mataas ang expectations ng kanyang ama na magiging arkitekto si Mara. Subalit, hindi nakapasa sa Architecture Licensure Exam ang dalaga. Kaya naman parang gumuho ang mundo nito. Sa kabilang banda, si Gali (Carlo Aquino) ay isang deaf teacher na kapitbahay sa condo ni Mara. Magtatagpo ang kanilang landas dahil sa gustong matuto ni Mara ng sign language para sa kanyang pamangkin. Si Gali ang naging sign language teacher ni Mara. Habang nakikilala nila ang isa't isa, lalong umuusbong ang pagtitinginang maaari nga bang mauuwi sa pagmamahalan? Ngunit, handa ba silang harapin ang katotohanan na meron silang pagkakaiba? Sa mga kabiguang dinanas ng dalawa, handa ba ang kanilang pusong bigyan ng pagkakataon sa pag-ibig?

Ang pelikulang mas pinili ko panoorin kesa Cleaners. Hindi naman ako nagsisi. Tulad noong nakaraang taon, si Carlo Aquino ay nasa pelikulang romance genre at mahusay ang kanyang pagganap. Nagsimula bilang unexpected leading man sa Meet Me in St. Gallen (2018) at Exes Baggage (2018) hanggang sa ginugulat niya tayo hindi lang para magpakilig kundi magaling din siyang pumili ng roles ngayong taon tulad sa pelikulang Ulan (2019) at isa sa mapanghamong pagganap bilang deaf sa pelikulang "Isa Pa With Feelings".

Maganda ang pelikula at ang cute. Kinikilig kami sa sinehan ng kasama ko pati ang mga nasa likuran namin. Bihira ka makapanood ng ganitong pelikula na balanse ang timpla at nabigyan ng platform ang mga deaf. Pinakanagustuhan kong eksena ay ang dalawang party na pinuntahan nila Mara (Maine Mendoza) at Gali (Carlo Aquino). Magaling ang cinematography, direction, production design, screenplay at paggamit ng music at kanta. 

Relatable ang karanasan ni Mara dahil minsan o ilang beses tayong bumabagsak sa hamon ng buhay. Nakakalungkot ang eksenang iniwasan siya ng mga colleague niya dahil bumagsak siya at siya mismo ay lumayo din sa kanila. 

Striking naman ang poster ng pelikulang “Children of a Lesser God” (1986) dahil isa itong Hollywood movie na nagbigay oportunidad kay Marlee Matlin na isang deaf.
Siya lamang ang deaf actress na nanalo ng Best Actress sa Oscars o Academy Awards. Si Marlee din ang itinuturing na pinakabatang aktres na nanalo ng Oscar Best Actress sa edad na 21.

Kapansin-pansin din ang paggamit ng aquarium sa pelikula. Ang pelikulang “The Graduate” (1967) na pinagbibidahan ni Dustin Hoffman at Anne Bancroft ay madalas pinapakita na nakaharap sa aquarium si Benjamin Braddock (ginampanan ni Dustin Hoffman). Simbolismo ng pagkalunod sa middle class society ang aquarium. Samantala sa pelikulang “Isa Pa With Feelings”, maaaring simbolo ito ng pagkalunod ng dalawang pangunahing tauhan sa expectations ng lipunan pagdating sa kapansanan ni Gali pati na din ang kabiguan ni Mara.

Matapos manalo ni Maine Mendoza ng MMFF Best Supporting Actress sa pelikulang “My Bebe Love: #KiligPaMore” (2015), magkaroon kaya ng nominasyon si Maine sa pelikulang ito? Magaling ang chemistry nila Carlo at Maine. Malaking tulong ang napakahusay na pagganap ni Carlo Aquino na siyang nagdadala kay Maine. Si Maine naman ay natural din ang acting. Maaaring magkaroon ang nominasyon ang dalawa sa mga awards season.




Tuesday, October 22, 2019

KAAWAY SA SULOD (THE ENEMY WITHIN)



Sina Commander Lai at Lt. Raiza Umali (Dionne Monsanto sa dual role) ay dalawang babaeng nasa magkaibang panig na magkaiba ang paniniwala at ipinaglalaban.

Si Commander Lai ay miyembro ng NPA (New People’s Army na nais madakip ang isang makapangyarihang heneral na merong korapsyong kinasasangkutan. Samantala, si Lt. Raiza Umali ay isang matapat na officer ng Philippine Army para tugisin ang grupo nila Commander Lai.

Ano ang kanilang magiging reaksyon at aksyon sa kanilang pagkikita sa hindi inaasahang pagkakataon?

Ang good points ng pelikula ay ang pagganap ni Dionne Monsanto ng dual role. Mula sa accent at paggamit ng lengwahe sa dalawang karakter ay naitawid naman ng maayos ang kanyang pagganap. Magaling din naman ang kanyang co-actors tulad nila Perry Dizon bilang Heneral Rapatan at Dax Alejandro bilang Kapitan Nuñez.

Subalit, naging preachy ang pelikula. Hindi ito faith-based film na ineexpect nating lahat na mag-share ng gospel. Sa pelikulang ito naman, hindi malinaw kung ano ang gustong iparating ng filmmaker. Maaari kasing isipin na isa itong propaganda o binubuhay ng filmmaker ang kamalayan ng manonood sa mga kabuktutan sa ating lipunan.  

Tungkol sa usaping teknikal, hindi pulido ang editing. Hindi consistent ang lighting. May bahaging masyadong madilim ang mga eksena na maaaring intensyon ng filmmaker.


Thursday, October 17, 2019

QCINEMA FILM FESTIVAL IN REVIEW


BY THE GRACE OF GOD





Napakaganda ng pelikulang ‘By the Grace of God” na dinirek ni Francois Ozon.
Ang pelikulang “By the Grace of God” ay tungkol sa tatlong lalaking inabuso ng pari na pinagbuklod ng isang adhikain na mabigyang hustisya ang pang-aabusong ginawa sa kanila ng pinagkatiwalaan nilang pari noong bata pa sila. Mabibigyan pa ba sila ng hustisya makalipas ang ilang dekada? Mapapaalis ba nila ang pari sa kanyang ministeryo para hindi na ito gawin sa ibang bata?

Maaari siyang maikumpara sa Academy Award-winning film na "Spotlight" (2015).

Matapang na tinalakay sa pelikula ang epekto ng pang-aabuso ng pari sa mga kabataan at kung paano naapektuhan ang mga buhay nila na dala-dala nila hanggang sa kanilang pagtanda. Mahusay ang ensemble of actors.

Gustong gusto ko ang eksena na inamin ng isang biktima sa harap ng pamilya niya na minolestiya siya ng pari. Kahit ang eksenang nagalit ang kapatid ng isang biktima dahil parang nakatutok lang sa kanya ang lahat dahil sa nangyari sa kanyang pang-aabuso.
Maski ang closing scene na tinanong ng anak sa tatay niya kung naniniwala pa siya sa Diyos.

Nakakagalit ang eksena na nagharap ang isang biktima ng pangmomolestiya at ang pari mismo na gumawa ng pang-aabuso. Nakakalungkot ang sinabi ng isang biktima na sinira ng pari ang imahe ng pagiging ama sa kanya.

Nakakagalit din ang eksena na mismong ang cardinal ay gusto pang palitan ang term na "pedophile" na "pedosexual".

Habang pinapanood ko ang pelikula, napapaisip ako na hindi natin masisisi kung bakit ang mga naging biktima ng pang-aabuso ay nawawala ng pananampalataya sa Diyos. 

Ang simbahan ang naging sandigan ng pananampalataya na inaasahan nating magbibigay gabay sa atin. Kung ang mga pinuno ng simbahan tulad ng mga pari ang siya pang magiging dahilan para mapalayo tayo sa Diyos dahil sa kanilang pang-aabuso, paano pa tayo o maski ang iba ay maniniwala sa kredibilidad at integridad ng tagapalaganap ng salita ng Diyos?

Ngayon ulit ako nakaramdam ng galit sa panonood ng pelikula dahil sa mga dinanas na pang-momolestiya sa mga biktima at aksyon ng simbahan. 

Bilang manonood, engaged ako sa mga tauhan. Hanga din ako sa pagdirek ni Francois Ozon.



BABAE AT BARIL



Isang gabi, isang mahiyaing saleslady (Janine Gutierrez) ang nakakita ng baril na babago sa kanyang buhay.

Opening scene at opening credit pa lang plus napakagandang soundtrack ay nakuha na ang interes ko. Tarantino-esque ang style at fast-paced ito. Idagdag pa ang mahusay na cinematography ni Tey Clamor.

Magaling si Janine Gutierrez sa pelikulang ito. Hanga ako na dalawang magandang pelikula ang nagawa niya ngayong taon. Nauna muna ang Elise (2019). Maaaring maihalintulad sa character ni Michael Douglas sa pelikulang Falling Down (1993) ang character na ginampanan ni Janine Gutierrez dito sa pelikula. Kumbaga, siya ang female version. 

Mahalaga ang paggamit ng plant and pay-off device sa pelikula. Dito natin natuklasan kung paano napasakamay kay Janine ang baril.

Isa na naman itong pelikula na may #MeToo Movement na tema. Ang baril ang nagsilbing kapangyarihan ng bida laban sa mga nang-aapi sa kanya.

Sana tumutok na lang talaga ang kwento sa karakter ni Janine kasi hindi ako interested sa ibang kwento na connected kahit sa ibang character kung bakit at paano nakuha ang baril.

Kung ang “Gusto Kita With All My Hypothalamus” ay ipinakita ang Quiapo at Recto, sa “Babae at Baril” naman ay pinakita ang Cubao.

KABUL, CITY IN THE WIND



"Kabul, City in the Wind" somewhat reminds me of "The Kite Runner". Mabuti na rin na nabasa at napanood ko ang "The Kite Runner" kasi nabigyan ako ng idea regarding Afghanistan.

Ito ang docu na sinundan ang buhay ng isang amang bus driver at mga batang lumaki at naninirahan sa mapanganib na sitwasyon sa Afghanistan.

Ito ang maganda sa mga docu dahil kahit hindi tayo nakakapunta sa mga lugar tulad ng Afghanistan ay nabibigyan tayo ng realidad sa mga pinagdadaanan ng mamamayan ng kanilang bansa.

Sa bawat tunog ng putok ng baril o pagsabog ng bomba, nandoon ang takot kung makakaligtas ba ang mga case studies sa docu.

Nakakatuwa ang 2 old couple na nasa likuran ko kasi apektado sila sa mga bata sa docu. Mga walang takot ang mga bata na naglalaro sa ruins. 

Tulad ng kasabay ko manood, nakuha ng docu ang aking simpatiya sa mga case study ng docu na ito sa Afghanistan.




Monday, September 30, 2019

MGA BILANGGONG BIRHEN (1977) Digitally Restored and Remastered






Hindi lahat ng mga babaeng karakter sa pelikulang ito ay mga birhen bago sila ikulong ng lipunang ginagalawan. Subalit, ang mga bidang babaeng karakter sa pelikulang ito ay tila preso na pinagkaitan ng kalayaan.


Nakalimutan yata ni Ari Aster na i-cite na isa sa inspirasyon niya na gawin ang "Midsommar" ay ang isang eksena sa "Mga Bilanggong Birhen". Si Alma Moreno bilang Celina pala ang original "May Queen".


Nagandahan ako sa pelikula. Hanga ako kay Mario O' Hara bilang manunulat at direktor. Noong 1976, nilikha niya ang napakahusay niyang pelikulang "Tatlong Taong Walang Diyos" kung saan ipinakita niya sa atin ang mga paghihirap ng Pilipino noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa kamay ng mga Hapon.


Samantala, sa "Mga Bilanggong Birhen" ay nasaksihan ang hindi pantay na pagtrato sa mga kababaihan at opresyon noong panahong sinakop tayo ng mga Amerikano. 1920's ang milieu ng pelikula. Masaklap na nakagapos sa matriyarkal na sistema ni Dona Sagrada (Monang Carvajal) at emasculated na amang si Senor Juan Sagrada (Leroy Salvador) ang mag-inang sina Felipa (Armida Siguion-Reyna), Celina (Alma Moreno) at Milagros (Trixia Gomez). Makakapiglas ba sa gapos ang "Mga Bilanggong Birhen"?


Sumasang-ayon ako kay sir Leo Katigbak na sa ni-restore ng ABS-CBN Film Restoration na pelikula noong 70's itong "Mga Bilanggong Birhen" ang pinakamaganda. Dahil na rin sa iningatan ang rolyo ng pelikula at pag-preserve nito ni Armida Siguion-Reyna. Kaya naman, lalong napaganda nang ma-enhance ang kulay at kalidad ng pelikula na dumaan sa restoration.


Mahusay ang musika ni Ryan Cayabyab sa pelikulang ito. Maganda rin ang sinematograpiya ni Romeo Vitug pati ang production design ng pelikula. Magarbo din ang mga costumes na ginamit sa pelikula. Kahit pa dalawa ang direktor ng pelikulang ito ay naitawid naman upang maisaalang-alang na isa ito sa pinakamahusay na pelikulang Pilipino.


Sanay ako na matriyarkal ang mga papel ni Armida Siguion-Reyna sa mga pelikula niya pero ang kanyang karakter na si Felipa ay naiiba. Malayong malayo ito sa mga kontrabida roles niya. Long-suffering pero kakitaan ng katatagan o fortitude ang kanyang karakter. Medyo hawig si Irma Adlawan kay Armida sa ilang eksena. May isang eksena sa pelikula na si Dona Sagrada (Monang Carvajal) ay pinaalala niya sa akin si Rachel (Lillian Gish) sa pelikulang "Night of the Hunter" (1955). Ito ay ang tutukan niya ng baril para pagalitan ang kanyang anak na si Juan.


Ang "Mga Bilanggong Birhen" din ang pelikula kung saan nakita nating umarte si Rodel Naval bilang Diego, ang manliligaw ni Celina. Si Rodel Naval ang nagpasikat ng mga kantang "Lumayo Ka Man Sa Akin" at "Muli".


Mahalagang mapanood ang pelikulang ito dahil hindi lamang ipinakita sa pelikula ang masalimuot na bahagi ng kasaysayan at iba pang pinagdaanan ng mga kababaihan noon kundi dapat panoorin ang pelikulang ito dahil na rin sa pinagyaman at mala-obra maestrang paglikha sa pelikulang ito.





Thursday, September 26, 2019

THE PANTI SISTERS




"Hindi ba dapat maging mabuting tao muna kesa maging tunay na babae." - Samuel Panti (Christian Bables)

Mas gusto ko ito kesa Die Beautiful (2016) at Born Beautiful (2019) kahit pa may kanya-kanyang isyu na tinatalakay sa bawat pelikula. ENERGETIC at ENTERTAINING ang pelikula. Kumbaga, ang pagkagusto ko dito ay pantay sa Ang Dalawang Mrs. Reyes (2018). 

Isang Tricia at Dalawang Barbs in one movie. Pagsamahin pa naman ang tatlong magagaling na aktor ng ating henerasyon kaya riot talaga sa katatawanan. 

Sa kanilang tatlo, stand out si Christian Bables. Nakakatawa ang style niya na mala-Vice Ganda. Sa pagpili ng damit, kilos at pananalita talaga namang Vice kung Vice ang peg pero sympre dahil Christian Bables yan sure fire ang performance.

Mas gusto ko si Paolo Ballesteros dito kesa Die Beautiful. Sa Die Beautiful naman kasi parang MMK. Dito sa pelikula, mas evident ang comedic abilities ni Paolo.

Cute ni Martin Del Rosario as demi-girl Daniel na sa bandang huli ay *spoiler alert*. Panoorin nyo na lang po. Babaeng babae si Martin dito na parang extension ng Barbs role niya sa Die Beautiful. 

(IMO, kung Best Actor dapat si Christian Bables talaga nanalo. Magaling naman silang 3 though Christian ftw!)

Kitang kita ang iba ibang atake ng mga aktor sa bawat role. Para sa akin, interesting ang back stories nilang 3.

Si Joross Gamboa akala ko naligaw from Ang Dalawang Mrs. Reyes at Deadma Walking. 

Basta, no dull moments itong pelikula. Laugh out loud. Ito ata ang pangatlong pelikulang Pilipino na comedy na malakas tawanan ng mga tao na nanood ako sa sinehan after Ang Tanging Ina (2003) at Patay na si Hesus (2016).

Pinakanatawa kami ng bff ko sa mata-mata acting nila Rosanna Roces as Vilma at Carmi Martin as Nora na reference sa Ishmael Bernal classic na "Ikaw ay Akin" (1978) na kami lang ni bff ang nagkaintindihan kaya natawa ang nasa likuran namin kasi magkasabay kami ni bff na nagkatinginan at napalakas ang boses na "Ikaw ay Akin".

Panalo din si Via Antonio as Chiqui. Dati napanood ko siya sa "Silent Soprano" (2008) musical play sa UP. Nagagalingan na ako sa kanya noon pa.

Regarding John Arcilla, magaling din siya kaso ang character niya eh stereotype-ish na tatay na hindi matanggap ang anak na mga bakla.

May mga pasundot na isyu tulad ng same-sex marriage, gender equality, pagtatanong sa Diyos dito sa pelikula na asahan na dahil LGBT movie ito.

Final judgment: Kay bff, okay naman ang pelikula.

IMO, enjoy at fave ko siya na PPP film this year so far. Pwera na lang if makapanood pa ako kasi naman hindi na kaya ng budget. Support pa more sa Philippine Cinema. 

Parehas kami ni bff na sulit panood namin sa pelikulang ito.