Maipagmamalaki talaga ang pelikulang Pilipino dahil sa wakas ay dumating ang isang Heneral Luna. Isang malaking karangalan kapag magkaroon ng nominasyon sa darating na Oscars o AMPAS (Academy Motion Pictures of Arts and Sciences o Academy Awards) bilang Best Foreign Language Film kahit ang mahusay na pagganap ni John Arcilla kapag nabigyan ng nominasyon sa Best Actor in a Leading Role.
Sa maingat na pagtalakay ng isang makasaysayang tao, nabigyang buhay ni John Arcilla ang messianic, eccentric at multi - faceted na tauhan na maaaring isang bayani o hindi sa iba. Makikita ang isang komiko ngunit seryosong pagganap ni Arcilla. Kadalasan, seryoso lamang ang pagganap sa mga makasaysayan at makabuluhang karakter. Naipakita ni Arcilla ang maka - taong pagganap na may kontrol, balanse at consistency. Habang pinapanood ko ang pelikula, sa kanyang pagganap ay naalala ko si Peter O' Toole bilang T. E. Lawrence sa epikong pelikulang Lawrence of Arabia. Mapapansin din na may pagkakahalintulad ang pagganap niya sa karakter na ginagampanan ni Johnny Depp sa iba nyang pelikula. Karapat - dapat lamang na magwagi ng Grand Slam si Ginoong John Arcilla sa pelikulang ito. Magaling din ang kanyang mga katuwang na aktor na sina Epi Quizon, Joem Bascon, Archie Alemania, Mon Confiado, Nonie Buencamino, Mylene Dizon, Lorenz Martinez, Aaron Villaflor, Alex Medina at iba pa.
Sa simula ng pelikula, inilahad ng filmmakers na ito ay kathang isip na bunga ng masalimuot na pananaliksik. Makabago ang pagkakagawa sa pelikula mula sa editing at approach at istilo nito. Magaling ang pagkakadirek ni Jerold Tarrog maski sa iskrip, musika at sinematograpiya.
Habang pinapanood ko ang pelikula, naalala ko na naman ang mga Hollywood period films tulad ng mga likha ni Edward Zwick na Glory (1989) at Legends of the Fall (1994). Maaaring mahanay sa mahalagang pelikulang Pilipino ang Heneral Luna. Maalala na binigyang buhay din ang karakter na Heneral Antonio Luna ni Christopher De Leon sa pelikulang El Presidente (2012). Sa El Presidente ay maliit lamang ang partisipasyon ng tauhan. Sa pelikulang Heneral Luna, mas nabigyan ng makulay na paglalahad at unconventional na buhay ng isang tao na marahil ay nalimutan na ng makabagong henerasyon. Mabuhay ka, Heneral Luna!
(Originally posted from https://m.facebook.com/notes/jim-paranal/heneral-luna-heneral-ng-bayan-kahapon-ngayon-at-bukas-ni-jhim-para%C3%B1al/965412236835491/?refid=21&_ft_&__tn__=H last September 23, 2015)
No comments:
Post a Comment