Noong nakaraang Biyernes, napanood namin ng aking kaibigan ang pelikulang WHISTLEBLOWER. Pinagbibidahan ito ng nag-iisang Superstar Nora Aunor kasama sina Cherry Pie Picache, Angelica Panganiban at Laurice Guillen. Masasabing napapanahon ang kwento ng pelikula. Maaaring ilang taon na ang nakakalipas ng mangyari ang eskandalo ng mga Napoles ukol sa korapsiyon ng PDAF at mga gawa-gawang NGO's pero palaisipan pa rin kung ano ang resulta ng imbestigasyon. Tumugma ang kwento ng pelikula sa matagal na pinag-usapang kontrobersiya na sangkot ang ilang malalaking pangalan sa pulitika.
Si Cherry Pie Picache ay si Lorna. Ginampanan niya ang tauhan ng may pagka multi-dimensyonal. Maaaring maikumpara ang kanyang tauhan kay Janet Napoles. Ipinakita sa pelikula na hindi lamang pasimuno sa ilegal na gawain si Lorna kundi biktima din ng pang aabuso. Si Nora Aunor ang gumanap kay Zeny na tinutukoy sa pamagat ng pelikula. Si Zeny naman ay naipit sa sitwasyong hindi nya matakasan dahil maski siya ay bahagi nito. Si Angelica Panganiban naman ay si Teresa. Isang mamamahayag na uhaw sa katotohanan. Masasabing highly-conceptualized ang pelikula at risky ito dahil ito ay tumatalakay sa isang isyung pang-pulitikal.
Gumamit ang direktor ng napakaraming flashbacks para maipaliwanag ang motibo at pinanggagalingan ng mga tauhang sina Lorna at Zeny. Kapansin-pansin na pinabilis ang mga pangyayari sa bandang huli ng pelikula kaya lumabas itong bitin. Nakakalungkot lamang dahil meron sanang mas magandang naging katapusan ang kwento ng pelikula. Mapapansing nawalan ng pokus ang pelikula dahil na rin sa maraming gustong iparating na mensahe at hindi rin masyadong na-establish ang kabuluhan ng ibang tauhan kung ano ba ang relasyon o kaugnayan nila sa pangunahing tauhan tulad ng mga ginampanang karakter nila Sharmaine Arnaiz, Lloyd Samartino, Laurice Guillen, Leo Rialp, Benjamin Alves at Bernardo Bernardo.
Kahanga - hanga naman ang pagganap bilang supporting na aktres ni Ina Feleo. Maaaring maraming political drama/thriller na nagawa na noon kahit panahon pa lang nila Brocka at De Leon. Nariyan ang Sa Kanila ng Lahat (1991) maski ang Luksong Tinik (1999). Naiiba naman ang kwento nito sa mga pelikulang nabanggit. Nakakatakot lamang isipin na dahil sa kinalabasan ng pelikula ay makalimutan ito ng mga manonood.
(Originally posted last April 9, 2016 at https://m.facebook.com/notes/?id=100000288026080&refid=21#)
No comments:
Post a Comment