Una kong napanood ang pelikulang PAUWI NA sa direksyon ni Paulo Villaluna. Kinatatampukan ito ng mga batikang aktor na sina Bembol Roco, Cherry Pie Picache at Meryll Soriano. Kasama rin si Jerald Napoles, Jess Mendoza, Chai Fonacier at Shamaine Centenera-Buencamino. Tungkol ito sa mahirap na pamilya na sa kahilingan ng ama na umalis sa mahirap na pamumuhay sa Maynila dahil umasa siya noon na magkaroon ng magandang buhay dito ngunit hindi ito natupad ay ninais na lamang na bumalik sa kanyang probinsya. Dahil sa kawalan ng pera ay gamit lamang nila ang payak o side car para bumiyahe.
Si Bembol Roco ang gumanap na mang Pepe, ang padre de pamilya. Si Cherry Pie Picache ay si Remedios, isang labandera. Si Meryll Soriano naman ay si Isabel, ang bulag na asawa ni JP (Jerald Napoles). Si JP ay may bunsong kapatid na si Pina (Chai Fonacier), isang tindera. Samantala, nakikita ni Isabel si Jesus (Jess Mendoza).
Kahirapan ang pangunahing tema sa pelikula. Ipinakita rin sa pelikula ang pagbubuklod ng pamilya kahit sa oras ng kagipitan.
Dark ang atake sa pelikula pero nabawi ito sa ilang nakakatawang dayalogo at sitwasyon. Mahusay din ang mga aktor sa pagkakapanalo sa kanilang mga karakter. May mga eksena sa pelikula na para bang ang mga tauhan ay nakikita at nakakausap lang natin minsan pa nga ay hindi natin napapansin. Isa mga hindi makalimutang eksena sa pelikula ay ang pagtawid ng buntis na si Isabel (Meryll Soriano) sa Commonwealth sapagkat naiwan siya ng kanyang asawa habang tinatawid ang delikadong daan. Isa pang nakakatawang eksena ay ang paglalaba ni Remedios sa mga damit na may dumi at regla.
Sa unang bahagi, ipinakita ang nakapanlulumong sitwasyon nila dito sa siyudad. Sa kalaunan ay naging road movie ito dahil sa kanilang pakikipagsapalaran upang makabalik ang kanilang ama sa probinsya nito gamit ang padyak.
May eksena na kung saan ay inilagay sa black and white ang tila ba daydream o sadyang irony sa sitwasyon ng mga tauhan. Isa sa hindi makalimutan eksena ay ang dance-to-death scene ni Pina.
Naalala ko naman sa karakter ni Pepe si Enrico "Ratso" Rizzo na ginampanan ni Dustin Hoffman sa pelikulang Midnight Cowboy. Tulad ni Ratso, may sakit sa baga si Pepe at gusto rin niyang makabalik sa probinsya. Sa pelikulang ito, inilarawan si Jesus bilang imaginary friend ni Isabel. Si Jesus dito dahil sa imaginary friend ay ipinakitang naninigarilyo at may paniniwalang walang impiyerno.
Ang pelikulang "Pauwi Na" ay masasabing dark at bleak sa pagtalakay ng buhay. Sa huling eksena, naipakita pa rin na kahit sa dami ng hindi magandang nangyari sa mga tauhan ay may natitira pa ring pag-asa at kailangan ay magpatuloy sa buhay.
Samantala, natutuwa naman ako sa pelikulang "Paglipay" sa direksyon ni Zig Dulay. Tungkol ito kay Atan (Garry Cabalic) mula sa tribo ng mga Aeta na gustong ikasal kay Ani (Joan Dela Cruz) kaya nagsusumikap siya upang mabayaran ang bandi o dowry na napagkasunduan nila at ng magulang ni Ani. Hindi mabuo ni Atan ang bandi o dowry kaya naisipan n'yang magtrabaho sa bayan. Dito niya nakilala ang estudyanteng si Rain (Anna Luna) at nagbago ang kanyang pananaw.
Samantala, natutuwa naman ako sa pelikulang "Paglipay" sa direksyon ni Zig Dulay. Tungkol ito kay Atan (Garry Cabalic) mula sa tribo ng mga Aeta na gustong ikasal kay Ani (Joan Dela Cruz) kaya nagsusumikap siya upang mabayaran ang bandi o dowry na napagkasunduan nila at ng magulang ni Ani. Hindi mabuo ni Atan ang bandi o dowry kaya naisipan n'yang magtrabaho sa bayan. Dito niya nakilala ang estudyanteng si Rain (Anna Luna) at nagbago ang kanyang pananaw.
Napakaganda ng sinematograpiya ng pelikula. Ipinakita ang mga magandang tanawin sa bahaging ito ng Zambales. Ipinakita rin dito ang lugar na naging apektado ng lahar. Tinalakay ang mga sosyoekonomiko at politikal na sitwasyon ng mga aeta matapos masalanta ng lahar. Magaling ang paghahabi sa kwento sapagkat ipinamalas ng direktor ang mga isyu tungkol sa pagbabago ng panahon, pagmimina, at ilang pagbabago sa tradisyon at ang mga tradisyong nais pang hawakan ng mga aeta tulad ng kaingin, pagpapakasal ng kulot sa kulot at unat ay sa unat. Magaan ang approach sa pelikula.
Mahusay ang pag-arte ng mga aktor. Ayon sa trivia, kumuha talaga ng mga aeta ang film makers upang maging makatotohanan ang pagganap. Tinuruan at dumaan pa sa workshop ni direk Zig si Garry at ilang aeta cast members sa pag-arte.
Natutuwa ako sa kinalabasan dahil natural ang pag arte ng aeta cast members. Talaga namang lumitaw ang kahusayan ni Anna Luna bilang Rain. Naalala ko siya sa mga teleserye tulad ng Pure Love at Oh my G. Ang kanyang karakter na si Rain ay pilit na nag-move on sa bigong pag-ibig. Pinapaalala nya ang isang tauhan sa isa pang indie film habang pinapanood ko. Tulad ni Mace (Angelica Panganiban) ng That Thing Called Tadhana ay matindi ang hugot ng babaeng karakter.
Nang magkaroon ng koneksyon ang dalawang tauhan - sina Atan at Rain, nagkaroon din ng pagbabago sa kanilang mga pananaw. Nagkagusto si Atan kay Rain samantalang si Rain ay mas lumaki ang respeto sa mga aeta.
Hindi ko na sasabihin ang ilang bahagi ng pelikula. Ayoko maging spoiler.
Ang pelikulang Paglipay ay sumasalamin sa isang tao nahaharap sa pagbabago ng panahon at buhay. Si Atan ay nagrerepresenta sa mga taong naharap sa ganitong sitwasyon.
(Originally posted last July 28, 2016 at https://m.facebook.com/notes/?id=100000288026080&refid=21#)
No comments:
Post a Comment