Magkahalo ang aking damdamin habang nanonood ng pelikulang Ma' Rosa. Sino ba naman ang hindi makakaramdam ng ganitong damdamin? Marami ang gustong makapanood sa pagkakaganap ni Jaclyn Jose sa pelikula matapos siyang manalo ng prestihiyosong Cannes Film Festival Best Actress ay naging usap - usapan o talk-of-the-town ito. Isa na naman ito sa mga hindi malilimutang pagganap ni Jaclyn Jose. Isa rin itong hindi makakalimutang kwento ng isang ina.
Tanyag si Binibining Jose sa kanyang underacting. Tinagurian rin siyang "ang babaeng walang emosyon". Sa pelikulang ito ay kanyang ipinakita ang natural na pangyayari sa pang araw-araw na buhay kung paano ang isang ina ay itaguyod ang kanyang pamilya kahit pa siya'y kumapit sa patalim. Si aling Rosa o Ma' Rosa ay may sari-sari store ngunit siya rin ay nagbebenta ng droga. Naging magulo ang lahat ng siya'y mahuli kasama ng kanyang asawa ng mga pulis.
Maraming isyu ang tinalakay sa pelikula tulad ng kahirapan, korapsyon, droga at prostitusyon. Sumasalamin ang pelikula sa bulok na sistema ng lipunan kaya rin ito ay napapanahon.
Samantala, nakatanggap ng magkahalong reaksyon ang mga kritiko kung bakit si Jaclyn Jose ang nagwagi sa Cannes bilang Best Actress. Masasabi kong medyo nakuha ko ang kanilang point of view.
Sa pelikula, pantay pantay na binigyan ng pagkakataon ng direktor ang bawat tauhan pati na rin ang pagkakaganap sa kanila ng mga aktor. Walang nag-outshine o nag-upstage sa kanila. Subalit, ang huling eksena sa pelikula kung saan ay kumain ng squid ball o chicken ball si Jaclyn ang nag-angat sa kanya. Naramdaman ko ang desperasyon at pagod ng tauhan kahit hindi ko naranasan ang nangyari sa kanya. Nagawa kong kumunekta sa bahaging iyon ng tauhan lalo pag dumadaan sa krisis.
Mahusay ang bawat aktor sa pelikula dahil walang nagpatalbugan sa kanila.
Magaling ang mga aktor na sina Felix Roco, Julio Diaz, Andi Eigenmann, Jomari Angeles, Baron Geisler, Ruby Ruiz, Kristoffer King at iba pa. Hindi lang agaw-eksena sa pag-rampa ng kanyang gown pati ang maikling pagganap ni Maria Isabel Lopez sa pelikula.
Mahusay ang aspetong teknikal at istilo na talagang tatak Brillante Mendoza. Humanga ako sa ginamit na musika at tunog sa pelikula.
Sa totoo lang, napaka-swerte ni Jaclyn Jose na siya lamang ang nakakuha ng parangal sa Cannes dahil lahat sila ay mahusay. Kung matatandaan, ginawaran ng pantay na karangalan ang pangunahin ay pangalawang aktor sa pelikulang Volver (2006) ni Pedro Almodovar at Long Day's Journey into the Night (1962). Sana ganoon din ang nangyari sa Ma' Rosa.
May mga hindi ako malilimutan eksena sa pelikula tulad ng mabaon sa putik ang sapatos ni Erwin (Jomari Angeles) na ipinakitang simbolo na lahat ng paraan ay gagawin nya makatulong lamang sa paglaya ng ina. Gayundin, ang madulas si Raquel (Andi Eigenmann) sa daan na simbolo ng desperadong sitwasyon nila.
Maihahanay ang pelikulang Ma' Rosa na tatatak sa mga mahahalagang pelikula ni Brillante Mendoza. Tunay na world-class at pang-internasyonal!
Maaaring may ibang magulat sa atake sa pelikula dahil ipinakita ang tunay na lagay ng ating lipunan tulad na lamang ang mga murahan.
Sa kabilang banda, si Ma' Rosa ay babae at higit sa lahat ay isang ina.
(Originally posted last July 6 at https://mobile.facebook.com/notes/?id=100000288026080&refid=21#)
No comments:
Post a Comment